Salmo 139
139
Salmo 139
Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David.
1 Panginoon, akoʼy inyong siniyasat
at kilalang-kilala.
2Alam ninyo lahat, maging ang pag-upo at pagtayo ko;
Malayo man kayoʼy batid ninyo
ang aking iniisip.
3Akoʼy inyong nakikita
nagtatrabaho man ako o nagpapahinga.
Alam ninyo ang lahat ng aking ginagawa.
4 Panginoon, hindi pa man ako nagsasalita
ay alam na ninyo
ang aking sasabihin.
5Lagi ko kayong kasama,
akoʼy inyong iniingatan at kinakalinga.
6Ang pagkakilala ninyo sa akin
ay tunay na kahanga-hanga;
hindi maarok ng aking pang-unawa.
7Paano ba ako makakaiwas
sa inyong Espiritu?#139:7 Espiritu: O kapangyarihan.
Saan ba ako makakapunta na wala kayo?
8Kung pupunta ako sa langit
ay naroon kayo;
kung pupunta ako sa lugar
ng mga patay,
naroon din kayo.
9At kung pumunta man ako sa silangan
o tumira sa pinakamalayong lugar
sa kanluran,
10kayo ay naroon din
upang akoʼy patnubayan at tulungan.
11Maaaring mapakiusapan ko
ang dilim na itago ako,
o maging gabi ang liwanag sa paligid ko;
12subalit, kahit ang kadiliman
ay hindi madilim sa inyo, Panginoon,
at ang gabi ay parang araw.
Dahil para sa inyo,
pareho lang ang dilim at ang liwanag.
13Kilala ninyo ako, dahil kayo
ang lumalang sa akin.
Kayo ang humubog sa akin
sa sinapupunan ng aking ina.
14Pinupuri ko kayo
sa kahanga-hangang pagkalikha ninyo sa akin.
Alam na alam kong ang inyong mga gawa
ay tunay na kahanga-hanga.
15Nakita ninyo ang aking mga buto
nang akoʼy lihim na hubugin
sa sinapupunan ng aking ina#139:15 sa sinapupunan ng aking ina: Sa literal, sa kailaliman ng mundo..
16Nakita na ninyo ako,
hindi pa man ako isinisilang.
Ang itinakdang mga araw
na akoʼy mabubuhay
ay nakasulat na sa aklat ninyo
bago pa man ito mangyari.
17O Diyos, hindi ko lubos maunawaan
ang mga iniisip ninyo;
itoʼy sadyang napakarami.
18Kung itoʼy aking bibilangin,
mas marami pa kaysa sa buhangin.
Sa aking paggising, akoʼy nasa inyo pa rin.
19O Diyos, patayin ninyo sana
ang masasamâ!
Lumayo sana sa akin
ang mga mamamatay-tao!
20Nagsasalita sila ng masama
laban sa inyo.
Binabanggit nila ang inyong pangalan
sa walang kabuluhan.
21 Panginoon, kinamumuhian ko
ang mga namumuhi sa inyo.
Kinasusuklaman ko
ang mga kumakalaban sa inyo.
22Labis ko silang kinamumuhian;
itinuturing ko silang mga kaaway.
23O Diyos, siyasatin ninyo ako,
upang malaman ninyo ang nasa puso ko.
Subukin ninyo ako, at alamin
ang aking mga iniisip.
24Tingnan ninyo kung ako
ay may masamang pag-uugali,
at patnubayan ninyo ako
sa daang dapat kong tahakin
magpakailanman.
Currently Selected:
Salmo 139: ASD
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.
Mga Awit 139
139
Lubos ang Kaalaman at Paglingap ng Diyos
Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
1Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman.
2Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
3Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman.
4Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi'y
alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim.
5Ika'y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras,
ang likas mong kalakasan ang sa aki'y nag-iingat.
6Nagtataka ang sarili't alam mo ang aking buhay,
di ko kayang unawain iyang iyong karunungan.
7Saan ako magpupunta, upang ako'y makatakas?
Sa iyo bang Espiritu,#7 ESPIRITU: o kaya'y kapangyarihan. ako ba'y makakaiwas?
8Kung langit ang puntahan ko, tiyak na naroroon ka,
sa daigdig ng mga patay, humimlay man ako'y ikaw din ang kasama;
9kung ako ay makalipad, umiwas na pasilangan,
o kaya ang tirahan ko'y ang duluhan ng kanluran;
10tiyak ikaw ay naroon, upang ako'y pangunahan,
matatagpo kita roon upang ako ay tulungan.
11Kung ang aking pagtaguan ay ang dilim na pusikit,
padiliming parang gabi ang liwanag sa paligid;
12maging itong kadiliman sa iyo ay hindi dilim,
at sa iyo yaong gabi'y parang araw na maningning,
madilim ma't maliwanag, sa iyo ay pareho rin.
13Ang anumang aking sangkap, ikaw O Diyos ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata.
14Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay;
sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal.
15Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin;
lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim.
16Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang,
batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay;
pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan,
matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam.
17Tunay,#Ecc. 18:5-7. Yahweh, di ko kayang maabot ang iyong isip,
ang dami ng iyong balak ay hindi ko nababatid;
18kung ito ay bibilangin, ay sindami ng buhangin,
sasaiyo pa rin ako kung umaga na magising.
19Ang hangad ko, aking Diyos, patayin mo ang masama,
at ang mga mararahas ay iwanan akong kusa.
20Mayroon silang sinasabing masasama laban sa iyo,
at kanilang dinudusta, pati na ang pangalan mo.
21Lubos akong nasusuklam sa sinumang muhi sa iyo,
ang lahat ng nag-aalsa laban sa iyo'y di ko gusto.
22Lubos akong nagagalit, lubos din ang pagkasuklam,
sa ganoong mga tao ang turing ko ay kaaway.
23O Diyos, ako'y siyasatin, alamin ang aking isip,
subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais;
24kung ako ay hindi tapat, ito'y iyong nababatid,
sa buhay na walang hanggan, samahan mo at ihatid.
Currently Selected:
:
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society