Kawikaan 23
23
Ikapitong Kawikaan
1Kapag kumakain ka
kasalo ng taong may mataas
na katungkulan,
mag-ingat ka sa ikikilos mo.
2Kung palakain ka,
pigilan mo ang iyong sarili.
3Huwag mong pagnasaan
ang mga pagkaing kanyang inihanda,
dahil inihain iyon upang linlangin ka.
Ikawalong Kawikaan
4Huwag mong pahirapan
ang sarili mo sa pagpapayaman.
Maging matalino ka
at ang sarili ay pigilan.
5Dahil ang kayamanan
ay madaling mawala
at tila may pakpak
na lumilipad sa kalawakan
tulad ng isang agila.
Ikasiyam na Kawikaan
6Huwag kang kumain
o matakam sa pagkain
na inihanda ng taong kuripot,
kahit ito ay masarap.
7Sapagkat ang taong ganyan
bawat subo moʼy binabantayan.
Sasabihin niya,
“Sige, kumain ka pa.”
Ngunit hindi pala ganoon
ang nasa isip niya.
8Kaya lahat ng kinain moʼy
isusuka mo
at ang mga papuri mo sa kanya
ay mababalewala.
Ikasampung Kawikaan
9Huwag kang magsasalita sa hangal,
sapagkat ang sasabihin mong karunungan
sa kanya
ay wala ring kabuluhan.
Ikalabing-isang Kawikaan
10Huwag mong agawin
o sakupin ang lupa ng mga ulila
sa pamamagitan ng paglilipat
ng mga muhon
na matagal nang nakalagay.
11Sapagkat ang kanilang
makapangyarihang tagapagtanggol
ay ang Panginoon.
Siya ang magtatanggol sa kanila
laban sa iyo.
Ikalabindalawang Kawikaan
12Makinig ka kapag itinutuwid
ang iyong pag-uugali
upang ikaw ay matuto.
Ikalabintatlong Kawikaan
13Huwag kang magpapabaya
sa pagdidisiplina sa iyong anak.
14Ang tamang pagpalo
ay hindi niya ikamamatay
kundi makapagliligtas pa sa kanya
sa kamatayan.
Ikalabing-apat na Kawikaan
15Anak, kung may dunong ang iyong puso,
ang puso koʼy magagalak din.
16Tunay ngang magagalak ang aking kalooban
kung ang mga salitang lalabas sa labi moʼy
mula sa karunungan.
Ika-labinlimang Kawikaan
17Huwag kang maiinggit
sa mga makasalanan,
sa halip igalang mo ang Panginoon
habang nabubuhay ka.
18At kung magkagayon
ay gaganda ang kinabukasan mo
at mapapasaiyo ang
mga hinahangad mo.
Ikalabing-anim na Kawikaan
19Anak, pakinggan mo
ang itinuturo ko sa iyo.
Maging matalino ka
at sundin mo ang tamang daan.
20Huwag kang makikisama
sa mga hayok sa alak
o sa mga matatakaw sa pagkain,
21sapagkat ang mga lasenggo
at matatakaw
ay hahantong sa kahirapan,
at dahil tulog sila nang tulog,
sa bandang huliʼy magdadamit
sila ng basahan.
Ika-labimpitong Kawikaan
22Makinig ka sa iyong ama
na pinanggalingan ng iyong buhay,
at huwag mong hamakin ang iyong ina
kapag siya ay matanda na.
23Pagsikapan mong mapasaiyo
ang katotohanan, karunungan,
magandang pag-uugali at pang-unawa.
At huwag mo itong ipagpapalit
sa anumang bagay.
24Matutuwa ang iyong mga magulang
kung matuwid ka at matalino.
25Ikaliligaya nilang sila
ang naging iyong ama at ina.
Ikalabingwalong Kawikaan
26Anak, makinig kang mabuti sa akin
at tularan mo ang aking pamumuhay.
27Sapagkat ang babaeng bayaran
ay isang malalim na hukay,
at ang asawang nangangaliwa
ay makitid na balon.
28Para siyang tulisan
na nag-aabang ng mabibiktima,
at siya ang dahilan ng pagtataksil
ng maraming lalaki sa kanilang mga asawa.
Ikalabinsiyam na Kawikaan
29Sino ang may hinagpis?
Sino ang may kalungkutan?
Sino ang mahilig sa away?
Sino ang mareklamo?
Sino ang nasugatan
na dapat sana ay naiwasan?
At sino ang may
mga matang namumula?
30Sino pa kundi ang mga lasenggong sugapa
sa ibaʼt ibang klase ng alak!
31Huwag kang matakam
sa alak na napakagandang tingnan
sa isang baso
at tila masarap ang pasok sa lalamunan.
32Sa bandang huli,
kapag ikaw ay nalasing na,
parang natuklaw ka ng ulupong,
at nalason ng kamandag nito.
33Kung anu-ano ang makikita mo
at hindi ka makakapag-isip ng mabuti.
34Pakiramdam moʼy nasa gitna ka ng dagat
at nakahiga sa ibabaw ng palo#23:34 palo: Mahabang kahoy kung saan nakatali ang layag ng barko. ng barko.
35Sasabihin mo, “May humampas
at sumuntok sa akin,
ngunit hindi ko naramdaman.
Kailan kaya mawawala ang pagkalasing ko
upang muli akong makainom?”
Currently Selected:
Kawikaan 23: ASD
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.