Kawikaan 11
11
1Kinasusuklaman ng Panginoon
ang nandaraya sa timbangan,
ngunit ang nagtitimbang ng tama
ay kanyang kinalulugdan.
2Ang taong mayabang
ay madaling mapahiya,
ngunit may karunungan
ang taong mapagpakumbaba.
3Ang pamumuhay nang may katapatan
ang gagabay sa taong matuwid,
ngunit ang taong mandaraya
ay mapapahamak
dahil hindi tama ang kanyang pamumuhay.
4Ang kayamanan ay hindi makakatulong
sa araw ng paghuhukom,
ngunit ang matuwid na pamumuhay
ay magliligtas sa iyo sa kamatayan.
5Ang matuwid at walang kapintasang pamumuhay
ay makapagpapagaan ng buhay,
ngunit ang masamang pamumuhay
ay maghahatid ng kapahamakan.
6Ang pamumuhay ng taong matuwid
ang magliligtas sa kanya,
ngunit ang hangad ng taong mandaraya
ang magpapahamak sa kanya.
7Kapag namatay ang taong masama,
pag-asa niyaʼy mawawala,
at ang kanyang mga inaasahan
ay mawawalan ng kabuluhan.
8Inililigtas ng Diyos sa kahirapan ang matuwid,
ngunit ang masamâʼy kanyang pinapabayaan.
9Ang salita ng walang diyos
ay nakakasira ng kapwa.
Ngunit ang karunungan ng matuwid
ay nakakaligtas.
10Kapag ang matuwid ay pinagpapala,
mga taoʼy sumisigaw sa tuwa.
At kapag ang masama ay napapahamak
ganoon din ang kanilang ginagawa.
11Umuunlad ang isang bayan
sa pagpapala ng mga mamamayang matuwid,
subalit nawawasak ito sa pamamagitan
ng salita ng masama.
12Ang taong walang pang-unawa
ay kinukutya ang kapwa,
ngunit ang taong may pang-unawa
ay hindi nangungutya.
13Ang mga taong madaldal
ay nagsisiwalat ng sikreto,
ngunit ang taong mapagkakatiwalaan
ay nakakapagtago nito.
14Kung walang gumagabay,
babagsak ang bansa,
ngunit tiyak ang kaligtasan
kung maraming tagapayo.
15Mapanganib ang mangakong managot
sa utang ng iba,
kaya iwasan itong gawin
upang hindi ka magkaproblema.
16Ang babaeng maganda ang ugali
ay nag-aani ng karangalan,
ngunit ang taong marahas
ay magaling lang sa pag-angkin
ng kayamanan.
Ang taong tamad ay maghihirap,#11:16 Ang taong tamad ay maghihirap: Wala ito sa Hebreo, pero makikita sa Septuagint.
ngunit ang taong masipag ay yayaman.
17Ang mabuting tao ay gagantimpalaan
ng kanyang kabutihan,
ngunit hahantong sa kapahamakan
ang taong malupit.
18Ang masamang tao
ay hindi tatanggap
ng tunay na gantimpala,
ngunit ang gumagawa ng matuwid
ay tatanggap ng tunay na gantimpala.
19Ang taong gumagawa ng matuwid
ay patuloy na mabubuhay,
ngunit ang taong gumagawa ng masama
ay mamamatay.
20Kasuklam-suklam sa Panginoon
ang pag-iisip ng masama,
ngunit ang buhay na matuwid
ay kalugod-lugod sa kanya.
21Ang taong masama,
tiyak na parurusahan,
ngunit ang matuwid ay makakaligtas.
22Ang magandang babaeng
hindi marunong magpasya
ay parang isang gintong singsing
sa nguso ng baboy.
23Ang ninanais ng matuwid
ay pawang kabutihan,
ngunit ang ninanais ng masama
ay nagdudulot ng kaguluhan.
24Ang mga taong mapagbigay
ay lalong yumayaman,
ngunit ang mga taong sakim
ay hahantong sa kahirapan.
25Ang taong mapagbigay
ay magtatagumpay sa buhay;
ang taong tumutulong
ay tiyak na tutulungan.
26Isinusumpa ng mga tao
ang nagtatago ng ani niya,
ngunit ang gustong magtinda nito
ay pinagpapala nila.
27Ang naghahanap ng kabutihan,
siyaʼy mapapaburan,
ngunit ang naghahanap ng kasamaan,
itoʼy kanyang makakamtan.
28Mabibigo ang taong nagtitiwala
sa kanyang kayamanan,
ngunit ang taong matuwid
ay lalago na parang
sariwang halaman.
29Ang mga hangal na nagdadala
ng gulo sa sariling tahanan
ay walang mamanahin sa huli.
Magiging alipin lang sila
ng mga taong may karunungan.
30Ang ginagawa ng mga taong matuwid
ay makakatulong sa iba upang mapabuti
at mapahaba ang kanilang buhay.#11:30 makakatulong … buhay: Sa literal, punongkahoy na nagbibigay ng buhay.
At madadala niya ang mga tao
sa pamamagitan ng kanyang karunungan.
31Kung natatanggap ng matutuwid
ang kanilang gantimpala dito sa lupa,
paano pa kaya ang mga walang diyos
at mga makasalanan?
Currently Selected:
Kawikaan 11: ASD
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.
Mga Kawikaan 11
11
1Kasuklam-suklam kay Yahweh ang timbangang may daya,
ngunit kasiyahan naman ang timbangang tama.
2Kahihiyan ang laging dulot ng kapalaluan,
ngunit pagpapakumbaba'y nagbubunga ng karunungan.
3Ang tuntunin ng matuwid ay katapatan,
ngunit ang masama'y wawasakin ng kanyang kataksilan.
4Walang halaga ang yaman sa araw ng kamatayan,
ngunit ang katuwiran ay naglalayo sa kapahamakan.
5Mas panatag ang landas ng tapat ang pamumuhay,
ngunit nabubuwal ang masama sa sariling kabuktutan.
6Ang katuwiran ng mga matuwid ang nagliligtas sa kanya,
ngunit ang masama ay bilanggo ng kanyang masamang nasa.
7Ang pag-asa ng masama ay kasama niyang pumapanaw,
ang umasa sa kayamanan ay mawawalang kabuluhan.
8Ang matuwid ay inilalayo sa bagabag,
ngunit ang masama ay doon bumabagsak.
9Ang labi ng walang Diyos, sa iba ay mapanira,
ngunit ang dunong ng matuwid ay nagliligtas ng kapwa.
10Kapag ang matuwid ay pinagpapala, ang bayan ay nagagalak,
ngunit higit ang katuwaan kapag ang masama'y napapahamak.
11Dahil sa salita ng matuwid ang bayan ay tumatatag,
ngunit sa kasinungalingan ng masama ang lunsod ay nawawasak.
12Ang kapos sa kaalaman ay humahamak sa kapwa,
ngunit laging tahimik ang taong may unawa.
13Walang maitatago sa bibig ng madaldal,
ngunit ang tunay na kaibigan, iyong mapagkakatiwalaan.
14Sa#Kar. 6:24. kakulangan ng tuntunin, ang bansa ay bumabagsak,
ngunit sa payo ng nakararami, tagumpay ay tiyak.
15Ang nananagot para sa iba, sa gusot ay nasasadlak,
ngunit ang ayaw gumarantiya ay malayo sa bagabag.
16Ang babaing mahinhin ay nag-aani ng karangalan,
ngunit ang walang dangal, tambakan ng kahihiyan.
Lagi sa kahirapan ang taong tamad,#16 ngunit ang walang dangal…tamad: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
ngunit masagana ang buhay ng isang masipag.
17Ang taong mabait ay nag-iimpok ng kabutihan,
ngunit winawasak ng marahas ang sarili niyang buhay.
18Anuman ang anihin ng masama ay walang kabuluhan,
ngunit ang gawang mabuti ay may pagpapalang taglay.
19Ang taong nasa matuwid ay makasusumpong ng buhay,
ngunit ang landas ng masama ay patungo sa kamatayan.
20Ang kaisipang masama kay Yahweh ay kasuklam-suklam,
ngunit ang lakad ng matuwid, kay Yahweh ay kasiyahan.
21Ang taong masama'y di makakaligtas sa kaparusahan,
ngunit hindi maaano ang nabubuhay sa katuwiran.
22Ang magandang babae ngunit mangmang naman,
ay tila gintong singsing sa nguso ng baboy.
23Anumang nais ng matuwid ay nagbubunga ng kabutihan,
ngunit ang mahihintay lang ng masama ay kaparusahan.
24Ang taong mapagbigay ay lalong yumayaman,
ngunit naghihirap ang tikom na mga kamay.
25Ang taong matulungin, sasagana ang pamumuhay,
at ang marunong tumulong ay tiyak na tutulungan.
26Sinusumpa ng lahat ang nagkakait ng butil,
ngunit pinupuri ang nagbibigay ng pagkain.
27Kung mabuti ang hangarin, ikaw ay igagalang,
kapag humanap ng gulo, iyon ay masusumpungan.
28Malalantang tila dahon ang nagtitiwala sa kanyang yaman,
ngunit ang matuwid ay giginhawa, tulad ng sariwang halaman.
29Ang nagpupunla ng gulo sa sariling sambahayan,
mag-aani ng problema, gugulo ang pamumuhay.
Ang taong mangmang at walang nalalaman,
ay alipin ng matalino habang siya'y nabubuhay.
30Buhay ang dulot ng matuwid na pamumuhay,
at kamatayan naman ang hatid ng karahasan.#30 karahasan: Sa ibang manuskrito'y matalino.
31Ang#1 Ped. 4:18. matuwid ay ginagantimpalaan dito sa lupa,
ngunit paparusahan naman ang mga makasalanan at masasama!
Currently Selected:
:
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society