Kawikaan 1
1
Ang Kahalagahan ng Kawikaan
1Ito ang mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel.
2Sa pamamagitan ng mga kawikaang ito,
magkakaroon ka ng karunungan,
maitutuwid ang iyong ugali
at iyong mauunawaan
ang mga aral na sa iyoʼy
magbibigay karunungan.
3Sa pamamagitan din nitoʼy magiging disiplinado ka,
dahil itinuturo nito ang matuwid
na paraan ng pamumuhay,
mabuting pag-uugali, paggawa ng tama,
at pagiging makatarungan.
4Makapagbibigay ito ng karunungan
sa mga walang kaalaman
at sa kabataaʼy magtuturo
ng tamang pagpapasya.
5Sa pakikinig nito, ang marunong
ay lalong magiging marunong
at ang may pinag-aralan
ay magiging dalubhasa
6sa pag-unawa sa kahulugan
ng mga kawikaan,
mga talinghaga, at mga bugtong
ng marurunong.
7Ang pagkatakot sa Panginoon
ang simula ng karunungan.
Ngunit sa hangal, walang halaga
ang karunungan
at ayaw niyang maturuan.
Paunang Salita upang Yakapin ang Karunungan
Payo sa Pag-iwas sa Masamang Tao
8Anak, dinggin mo ang turo at pagtutuwid
sa iyong pag-uugali ng iyong mga magulang,
9dahil itoʼy makapagbibigay
sa iyo ng karangalan
katulad ng koronang gawa sa bulaklak
at makapagpapaganda katulad ng kuwintas.
10Anak, huwag kang padadala
sa panghihikayat ng mga taong
makasalanan.
11Huwag kang sasáma kapag sinabi nilang,
“Halika, sumáma ka sa amin!
Bilang katuwaan, mag-abang tayo ng papatayin,
manambang tayo ng inosente.
12Kahit nasa kasibulan pa
ng kanilang buhay,
patayin natin sila upang matulad sila
sa mga taong pumunta
sa lugar ng mga patay.
13Makakakuha tayo sa kanila
ng mga mamahaling ari-arian,
at pupunuin natin ang ating mga bahay
ng ating mga nasamsam.
14Sige na, sumáma ka na sa amin,
at paghahatian natin
ang ating mga nasamsam.”
15Anak, huwag kang sumáma sa kanila;
iwasan mo sila.
16Sapagkat mabilis sila
sa paggawa ng masama
at sa pagpatay ng tao.
17Walang kabuluhan ang paglalagay ng bitag
kung ang ibong iyong huhulihin
ay nakatingin.
18Ngunit ang taong masasama,
hindi nila alam na sila rin
ang magiging biktima ng ginagawa nila.
19Ganyan ang mangyayari
sa mga taong ang ari-arian
ay nakuha sa masamang paraan.
Mamamatay sila
sa ganoon ding paraan.
Kapag Itinakwil ang Karunungan
20Ang karunungan ay sumisigaw
sa lansangan,
sa pamilihan siya ay humihiyaw.
21Nilalakasan niya ang kanyang boses
sa plasa at sa pintuang-bayan
at nagsasabing:
22“Kayong mga walang alam,
hanggang kailan kayo
mananatiling ganyan?
Kayong mga nanunuya,
hanggang kailan kayo matutuwa
sa inyong panunuya?
Kayong mga hangal,
hanggang kailan ninyo
tatanggihan ang karunungan?
23Pakinggan ninyo
ang pagsaway ko sa inyo.
Sasabihin ko sa inyo
kung ano ang iniisip ko.
Ipapaalam ko sa inyo
ang aking sasabihin laban sa inyo,
24sapagkat hindi ninyo pinansin
ang panawagan ko
na lumapit kayo sa akin,
25at binalewala ninyo
ang lahat ng aking payo
at hindi tinanggap
ang aking pagsaway.
26Dahil ditoʼy pagtatawanan ko kayo
kapag napahamak kayo.
Kukutyain ko kayo
kapag natatakot kayo,
27kapag dumating ang kinatatakutan
ninyo na parang bagyo,
kapag dumaan ang kapahamakan
sa inyo na parang ipuipo,
at kapag sumapit
sa inyo ang hinagpis at gulo.
28“Tatawag kayo sa akin,
ngunit hindi ko kayo sasagutin.
Hahanapin ninyo ako
ngunit hindi ninyo ako makikita.
29Dahil ayaw ninyo na tinuturuan kayo
at wala kayong takot sa Panginoon.
30Tinanggihan ninyo ang mga payo ko
at minasama ang aking pagsaway sa inyo.
31Kaya aanihin ninyo ang bunga
ng inyong mga ginagawa
at ng mga binabalak nʼyong masama.
32Sapagkat ang katigasan ng ulo
ng mga taong wala sa katinuan
ang papatay sa kanila,
at ang pagsasawalang-bahala
ng mga hangal ang magpapahamak sa kanila.
33Ngunit ang taong nakikinig sa akin
ay mabubuhay ng matiwasay,
ligtas siya sa panganib
at walang katatakutan.”
Currently Selected:
Kawikaan 1: ASD
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.
Mga Kawikaan 1
1
Ang Kahalagahan ng mga Kawikaan
1Ang#1 Ha. 4:32. mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel.
2Sa pamamagitan nito, ang tao'y magtatamo ng karunungan at pang-unawa sa mga salitang puno ng aral sa buhay. 3Itinuturo nito ang matuwid na paraan ng pamumuhay, katuwiran, katarungan, at katapatan. 4Mabibigyan nito ng talino ang mga walang karanasan, at ang mga kabataa'y matuturuang magpasya nang tama. 5Sa pamamagitan nito, lalong tatalino ang matalino at magiging dalubhasa ang kakaunti ang kaalaman. 6Sa gayon, lubos nilang mauunawaan ang mga kawikaan, gayon din ang palaisipan ng mga marurunong.
Payo sa mga Kabataan
7Ang#Job 28:28; Awit 111:10; Kaw. 9:10; Ecc. 1:14. paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan,
ngunit walang halaga sa mga mangmang ang aral at mga saway.
8Anak ko, dinggin mo ang aral ng iyong ama,
at huwag ipagwalang-bahala ang turo ng iyong ina;
9sapagkat ang mga iyon ay parang korona sa iyong ulo,
parang kuwintas na may dalang karangalan.
10Aking anak, sakali mang akitin ka ng mga makasalanan,
huwag kang papayag, tanggihan mo sila.
11Kung sabihin nilang, “Halika't tayo ay mag-abang,
bilang katuwaa'y daluhungin ang mga walang malay.
12Sila'y ating dudumugi't walang awang papatayin,
at sila ay matutulad sa patay na ililibing.
13Ating sasamsamin ang lahat nilang kagamitan,
bahay nati'y mapupuno ng malaking kayamanan.
14Halika at sa amin ikaw nga ay sumama,
lahat ng masasamsam, bibigyan ang bawat isa.”
15Aking anak, sa kanila ay iwasan mong makisama,
umiba ka ng landas mo, papalayo sa kanila.
16Ang lagi nilang hangad, gumawa ng kasamaan,
sa tuwina ang bisig ay nakahanda sa pagpatay.
17Sa pag-uumang ng bitag ay walang mangyayari,
kung nakikita ng ibon na nais mo siyang mahuli.
18Ngunit hindi nalalaman ng mga taong iyon,
bitag nila ang sisilo sa sarili nilang ulo.
19Ganyan ang uuwian ng nabubuhay sa karahasan,
sa ganyan nga magwawakas ang masamang pamumuhay.
Ang Paanyaya ng Karunungan
20Karununga'y#Kaw. 8:1-3. umaalingawngaw sa mataong lansangan,
tinig niya'y nangingibabaw sa lugar ng pamilihan.
21Ito'y lumalampas sa mataas na mga muog,
ang ugong niya'y naririnig sa pintuan nitong lunsod:
22“Taong mangmang, walang hustong kaalaman,
hanggang kailan ka tatagal sa abâ mong kalagayan?
Hanggang kailan ka mananatili sa iyong kamangmangan?
Kailan mo pa iisiping maghanap ng kaalaman?
23Ang payo ko ay pakinggan n'yo at dinggin ang aking pangaral;
sasainyo ang diwa ko at ang aking kaalaman.
24Patuloy nga itong mga panawagan ko sa inyo,
ngunit hindi ninyo pansin pati mga saway ko.
25Winalang-bahala n'yo ang aking mga payo,
ayaw ninyong bigyang pansin, paalala ko sa inyo.
26Dahil dito, kayo'y aking tatawanan,
kapag kayo'y napahamak, nasadlak sa kaguluhan.
27Kapag kayo ay hinampas ng bagyo nitong buhay,
dinatnan ng kahirapan, ipu-ipo ang larawan,
at kung datnan kayo ng hapis at matinding dalamhati,
28sa araw na iyon ay di ko papakinggan ang inyong panawagan.
Hahanapin ninyo ako ngunit hindi masusumpungan.
29Pagkat itong karunungan ay di ninyo pinahahalagahan,
kay Yahweh ay di sumunod nang may lakip na paggalang.
30Inyo pa ngang tinanggihan itong aking mga payo,
itinapong parang dumi itong paalala ko.
31Kaya nga, inyong aanihin ang bunga ng inyong gawa,
at kayo ay uusigin ng inyong pagnanasang ubod sama.
32Katigasan ng ulo ang papatay sa mangmang,
sa dusa ay masasadlak sa kawalan ng kaalaman.
33Ngunit ang makinig sa akin, mananahan nang tiwasay,
mabubuhay nang payapa, walang katatakutan.”
Currently Selected:
:
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society