Mga Taga-Filipos 4:13-23
Mga Taga-Filipos 4:13-23 ASD
Kaya kong harapin ang kahit anong sitwasyon sa pamamagitan ni Kristo na nagpapatatag sa akin. Ganoon pa man, nagpapasalamat ako dahil tinulungan ninyo ako sa kagipitan ko. Alam naman ninyong mga taga-Filipos na noong umalis ako sa Macedonia at nagsisimula pa lang sa pangangaral ng Magandang Balita, walang ibang iglesya na tumulong sa akin sa mga pangangailangan ko kundi kayo lang. Kahit noong nasa Tesalonica ako, ilang ulit din kayong nagpadala ng tulong sa akin. Sinasabi ko ito, hindi dahil gusto kong makatanggap ulit ng tulong mula sa inyo, kundi dahil gusto kong makatanggap kayo ng mga gantimpala dahil sa kagandahang-loob ninyo. Ngayon, dahil sa tulong na ipinadala ninyo sa akin sa pamamagitan ni Epafrodito, natugunan na ang mga pangangailangan ko at sobra pa nga. Ang tulong ninyo ay tulad ng mabangong handog sa Diyos na tinatanggap niya nang may kasiyahan. At dahil kayoʼy nakay Kristo Hesus, ibibigay sa inyo ng aking Diyos ang lahat ng pangangailangan ninyo, mula sa kasaganaan ng kayamanan niya. Purihin natin ang ating Diyos at Ama magpakailanman. Amen. Ikumusta ninyo ako sa lahat ng mga hinirang diyan ng Diyos na nakay Kristo Hesus. Kinukumusta kayo ng mga kapatid kay Kristo na kasama ko rito. Kinukumusta rin kayo ng lahat ng mga hinirang ng Diyos dito, lalong-lalo na ang mga naglilingkod sa palasyo ng Emperador. Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Hesu-Kristo.