Leviticus 19
19
Ibaʼt ibang Kautusan
1Inutusan ng Panginoon si Moises 2na sabihin ito sa lahat ng mamamayan ng Israel: Magpakabanal kayo dahil ako ang Panginoon na inyong Diyos ay banal.
3Dapat ninyong igalang ang inyong ina at ama. Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga. Ako ang Panginoon na inyong Diyos.
4Huwag kayong sasamba sa mga diyos-diyosan o gagawa ng mga imahen nila. Ako ang Panginoon na inyong Diyos.
5Kung mag-aalay kayo ng handog pangkapayapaan sa akin na inyong Panginoon, ialay ninyo ito sa paraang katanggap-tanggap sa akin. 6Kainin ninyo ito sa araw ding iyon o sa kinabukasan. Ngunit kung may matitira pa sa pangatlong araw, sunugin na ninyo ito. 7Kapag sa ikatlong araw ay kinain pa ninyo ito, hindi ko na ito tatanggapin dahil itoʼy karumal-dumal na. 8At ang sinumang kumain nito ay mananagot dahil binalewala niya ang banal na bagay na para sa akin na inyong Panginoon, kaya ang taong iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.
9Kung mag-aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong bukirin, at huwag na ninyong balikan para pulutin ang mga natira. 10Ganoon din sa inyong ubasan, huwag na ninyong babalikan para kunin ang mga natirang bunga o mga nalaglag. Iwanan ninyo iyon para sa mahihirap at mga dayuhan. Ako ang Panginoon na inyong Diyos.
11Huwag kayong magnanakaw, o magsisinungaling, o mandadaya ng inyong kapwa.
12Huwag kayong manunumpa ng kasinungalingan sa aking pangalan dahil kapag iyon ay ginawa ninyo iyon nilalapastangan ninyo ang aking pangalan. Ako ang Panginoon.
13Huwag ninyong lalamangan o pagnanakawan ang inyong kapwa. Huwag ninyong ipagpapaliban ang pagbabayad ng suweldo ng taong pinagtatrabaho ninyo.
14Huwag kayong magsasalita ng masama sa bingi, at huwag ninyong lalagyan ng katitisuran ang dinadaanan ng bulag. Ipakita ninyong kayoʼy may takot sa akin sa pamamagitan ng pagsunod ng mga utos ko. Ako ang Panginoon.
15Kinakailangang matuwid at walang kinikilingan ang inyong paghatol sa inyong kapwa, mayaman man o dukha.
16Huwag ninyong siraan ang inyong kapwa. Huwag kayong gagawa ng anumang maglalagay sa panganib ng inyong kapwa. Ako ang Panginoon.
17Huwag ninyong kapopootan ang inyong kapwa. Paalalahanan ninyo siya kung siyaʼy nagkasala upang wala kayong pananagutan.
18Huwag kayong gumanti ng masama o magtatanim ng galit sa inyong kapwa, kundi mahalin ninyo siya gaya ng inyong sarili. Ako ang Panginoon.
19Sundin ninyo ang aking mga utos. Huwag ninyong palalahian ang isang hayop sa ibang uri ng hayop. Huwag kayong magtatanim ng dalawang klaseng binhi sa iisang bukid. Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa dalawang klaseng tela.
20Kung ang isang lalaki ay sumiping sa isang aliping babae na nakatakdang ikasal sa ibang lalaki, pero hindi pa natutubos o napapalaya ang babae,#19:20 hindi … ang babae: Ang ibig sabihin, hindi pa siya natutubos ng kanyang mapapangasawa o ng ibang tao sa kanyang amo para siyaʼy lumaya sa pagkaalipin. dapat silang parusahan. Ngunit huwag silang patayin dahil hindi pa napapalaya ang nasabing babae. 21-22Kinakailangang magdala ang lalaki ng lalaking tupa malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan bilang handog na kabayaran ng kanyang pagkakasala sa Panginoon. Sa paghahandog ng pari ng tupang iyon sa aking harapan, ituturing kong malinis ang lalaking iyon sa kanyang kasalanan at patatawarin ko siya.
23Kapag dumating na kayo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, huwag ninyong kakainin ang bunga ng mga punongkahoy na inyong itinanim sa loob ng tatlong taon. Ituring ninyong marumi iyon. 24Sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga ay ituturing na banal, ihandog ninyo ito sa akin na inyong Panginoon bilang papuri sa akin kaya huwag ninyo itong kakainin. 25Sa ikalimang taon, makakain na ninyo ang mga bunga ng inyong mga pananim. At kung susundin ninyo ang tuntuning ito, magiging sagana ang bunga ng inyong mga pananim. Ako ang Panginoon na inyong Diyos.
26Huwag kayong kakain ng karneng may dugo pa.
Huwag ninyong gagawin ang ginagawa ng mga manghuhula at mangkukulam.
27Kung magluluksa kayo, huwag ninyong pagugupitan ang inyong buhok sa palibot ng inyong ulo o magpuputol ng inyong balbas.
28At huwag din ninyong susugatan ang inyong katawan. Huwag din kayong magpapatatu. Ako ang Panginoon.
29Huwag ninyong ilagay sa kahihiyan ang inyong anak na babae sa pamamagitan ng pagpilit sa kanila na ipagbili ang kanilang sarili para sa panandaliang aliw, dahil ito ang magiging dahilan ng paglaganap ng kasamaan sa inyong bayan.
30Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga, at igalang ninyo ang aking santuwaryo. Ako ang Panginoon.
31Huwag kayong sasangguni sa mga espiritistang nakikipag-usap sa kaluluwa ng mga patay, dahil kapag ginawa ninyo ito, ituturing kayo na marumi. Ako ang Panginoon na inyong Diyos.
32Igalang ninyo ang matatanda. Igalang nʼyo ako na inyong Diyos, ako ang Panginoon.
33Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. 34Ituring ninyo silang gaya ng inyong mga kababayan at ibigin ninyo sila gaya ng sa inyong sarili, dahil kayo rin noon ay naging mga dayuhan sa Ehipto. Ako ang Panginoon na inyong Diyos.
35Huwag kayong mandadaya sa inyong pagtitimbang, pagsukat at pagtatakal. 36-37Gamitin ninyo ang tamang timbangan, sukatan, o takalan.
Ako ang Panginoon na inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Ehipto. Sundin ninyo ang lahat ng tuntunin at utos ko. Ako ang Panginoon.
Currently Selected:
Leviticus 19: ASD
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.
LEVITICO 19
19
Mga Batas tungkol sa Kabanalan at Katarungan
1At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2“Magsalita#Lev. 11:44, 45; 1 Ped. 1:16 ka sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Kayo'y magpakabanal, sapagkat akong Panginoon ninyong Diyos ay banal.
3Ang#Exo. 20:12; Deut. 5:16; Exo. 20:8; Deut. 5:12 bawat isa ay gumalang sa kanyang ina at sa kanyang ama, at inyong ingatan ang aking mga Sabbath; ako ang Panginoon ninyong Diyos.
4Huwag#Lev. 26:1; Exo. 20:23; 34:17; Deut. 17:2-5 kayong babaling sa mga diyus-diyosan, ni huwag kayong gagawa para sa inyong sarili ng mga diyos na inanyuan; ako ang Panginoon ninyong Diyos.
5“At kapag kayo'y naghahandog sa Panginoon ng alay na mga handog pangkapayapaan, inyong ialay ito upang kayo'y tanggapin.
6Ito ay kakainin sa araw na ito na inialay, o sa kinabukasan. Ang nalabi sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy.
7At kapag ito ay kinain sa ikatlong araw, ito ay karumaldumal; ito'y hindi tatanggapin,
8at ang sinumang kumain nito ay magpapasan ng kanyang kasamaan, sapagkat nilapastangan niya ang isang banal na bagay ng Panginoon; at ititiwalag ang gayong tao sa kanyang bayan.
9“Kapag#Lev. 27:15; Deut. 24:19-22 inyong ginagapas ang anihin sa inyong lupain, huwag ninyong gagapasan ang inyong bukid hanggang sa mga sulok nito, ni huwag ninyong titipunin ang mga nalaglag sa inyong ginapasan.
10Huwag uubusin ang bunga ng inyong ubasan, ni huwag ninyong titipunin ang mga nalaglag sa inyong ubasan; iiwan ninyo ang mga iyon para sa mga dukha at sa dayuhan: ako ang Panginoon ninyong Diyos.
11“Huwag#Exo. 20:15; Deut. 5:19; Exo. 20:16; Deut. 5:20 kayong magnanakaw, ni mandaraya, ni magsisinungaling sa isa't isa.
12At#Exo. 20:7; Deut. 5:11; Mt. 5:33 huwag kayong susumpa sa pamamagitan ng aking pangalan sa kasinungalingan; sa gayo'y lalapastanganin ninyo ang pangalan ng inyong Diyos: Ako ang Panginoon.
13“Huwag#Deut. 24:14, 15 mong gigipitin ang iyong kapwa o pagnakawan siya. Ang sahod ng isang upahang lingkod ay hindi dapat manatili sa iyo sa buong gabi hanggang sa umaga.
14Huwag#Deut. 27:18 mong mumurahin ang bingi, ni maglalagay ng katitisuran sa harap ng bulag, kundi katakutan mo ang iyong Diyos: Ako ang Panginoon.
15“Huwag#Exo. 23:6-8; Deut. 16:19 kayong gagawa ng kalikuan sa paghatol; huwag kang magtatangi sa pagkatao ng dukha ni itatangi ang pagkatao ng makapangyarihan, kundi hahatulan mo ang iyong kapwa ayon sa katarungan.
16Huwag kang magpaparoo't-parito sa iyong bayan bilang tagapagdala ng tsismis, ni huwag kang titindig laban sa dugo ng iyong kapwa: Ako ang Panginoon.
17“Huwag#Mt. 18:15 mong kapopootan ang iyong kapatid sa iyong puso; tunay na sasawayin mo ang iyong kapwa, upang hindi ka magpasan ng kasalanan dahil sa kanya.
18Huwag#Mt. 5:43; 19:19; 22:39; Mc. 12:31; Lu. 10:27; Ro. 13:9; Ga. 5:14; San. 2:8 kang maghihiganti o magtatanim ng galit laban sa mga anak ng iyong bayan; kundi iibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng sa iyong sarili: Ako ang Panginoon.
19“Tutuparin#Deut. 22:9-11 ninyo ang aking mga tuntunin. Huwag mong palalahian ang iyong mga hayop sa ibang uri; huwag mong hahasikan ang iyong bukid ng magkaibang binhi; ni huwag kang magsusuot ng damit na hinabi mula sa dalawang magkaibang uri ng hibla.
20“Kung ang isang lalaki ay sumiping sa isang aliping babae na nakatakdang ipakasal sa isang lalaki, at hindi pa natutubos ang babae, o hindi pa nabibigyan ng kalayaan, ay dapat magkaroon ng pagsisiyasat. Hindi sila papatayin yamang siya'y hindi pa malaya.
21Ngunit magdadala ang lalaki ng kanyang handog na tupang lalaki para sa Panginoon sa pintuan ng toldang tipanan para sa budhing maysala.
22At ipantutubos sa kanya ng pari ang tupang handog para sa budhing maysala sa harapan ng Panginoon, para sa kasalanang kanyang nagawa; at ipatatawad sa kanya ang kasalanan na kanyang nagawa.
23“Pagdating ninyo sa lupain at nakapagtanim na kayo ng sari-saring punungkahoy bilang pagkain, ay ituturing ninyo ang bunga niyon na ipinagbabawal;#19:23 Sa Hebreo ay hindi tuli. tatlong taon itong ipagbabawal para sa inyo; hindi ito dapat kainin.
24Subalit sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga niyon ay magiging banal, isang alay na papuri sa Panginoon.
25At sa ikalimang taon ay makakakain na kayo ng bunga niyon upang lalong magbunga ang mga ito para sa inyo: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.
26“Huwag#Gen. 9:4; Lev. 7:26, 27; 17:10-14; Deut. 12:16, 23; 15:23; Deut. 18:10 kayong kakain ng anumang kasama ang dugo; ni huwag kayong mang-eengkanto ni manggagaway.
27Huwag#Lev. 21:5; Deut. 14:1 ninyong gugupitin ng pabilog ang mga buhok sa palibot ng inyong ulo, ni sisirain ang mga sulok ng iyong balbas.
28Huwag ninyong hihiwaan ang inyong laman dahil sa namatay; ni huwag kayong maglalagay ng tatu na tanda sa inyong sarili: Ako ang Panginoon.
29“Huwag#Deut. 23:17 mong durungisan ang iyong anak na babae, na siya'y iyong gagawing upahang babae, baka ang lupain ay masadlak sa pakikiapid, at mapuno ng kasamaan.
30Ipapangilin#Lev. 26:2 ninyo ang aking mga Sabbath, at igagalang ninyo ang aking santuwaryo: Ako ang Panginoon.
31“Huwag#Deut. 18:11; 1 Sam. 28:3; 2 Ha. 23:4; Isa. 8:19 kayong sasangguni sa mga nakikiugnay sa masasamang espiritu ni sa mga mangkukulam; huwag ninyo silang hanapin upang madungisan nila: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.
32“Titindig ka sa harapan ng may gulang at igagalang mo ang matanda, at katakutan mo ang iyong Diyos: Ako ang Panginoon.
33“Kapag#Exo. 22:21; Deut. 24:17, 18; 27:19 ang isang dayuhan ay nanirahang kasama ninyo sa inyong lupain, huwag ninyo siyang gagawan ng masama.
34Ang dayuhang kasama ninyo ay magiging kagaya ng isang katutubong kasama ninyo. Iibigin mo siya na gaya ng sa iyong sarili; sapagkat kayo ay naging mga dayuhan sa lupain ng Ehipto: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.
35“Huwag#Deut. 25:13-16; Kaw. 20:10; Ez. 45:10 kayong mandaraya sa pagsukat ng haba, timbang, o dami.
36Magkakaroon kayo ng wastong pamantayan, wastong timbangan, wastong efa#19:36 Ang isang efa ay katimbang ng halos 22 litro. at wastong hin.#19:36 Ang isang hin ay katimbang ng halos 4 na litro. Ako ang Panginoon ninyong Diyos na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto.
37Inyong tutuparin ang lahat ng aking mga tuntunin, at ang lahat ng aking kahatulan, at gagawin ninyo ang mga iyon: Ako ang Panginoon.”
Currently Selected:
:
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001