YouVersion Logo
Search Icon

2 Mga Cronica 31

31
Ang mga Pagbabagong Ginawa ni Ezequias
1Pagkatapos ng pista, ang mga Israelita na nagsidalo roon ay nagpunta sa mga bayan ng Juda, at pinagdudurog nila ang mga alaalang bato at pinagputol-putol ang mga posteng imahen ni Ashera. Giniba nila ang mga sambahan sa matataas na lugar sa buong Juda, Benjamin, Efraim at Manases. Pagkatapos nilang gibain ang lahat ng ito, umuwi silang lahat sa kanilang mga bayan at lupain.
2Ipinagbukod-bukod ni Ezequias ang mga pari at ang mga Levita ayon sa kani-kanilang gawain upang mag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan, upang magpasalamat at umawit ng mga papuri sa mga pintuan ng Templo ng Panginoon. 3Nagbigay ang hari ng sarili niyang mga hayop para sa mga handog na sinusunog sa umaga at sa gabi, at upang rin sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Bagong Buwan, at sa iba pang mga pista, ayon sa nakasulat sa Kautusan ng Panginoon. 4Inutusan din niya ang mga tao na nakatira sa Jerusalem na ibigay sa mga pari at mga Levita ang kanilang bahagi upang makapaglingkod sila nang lubusan sa Kautusan ng Panginoon. 5Nang maipaalam na ito sa mga tao, bukas-palad na nagbigay ang mga Israelita ng unang ani ng kanilang trigo, bagong alak, langis, pulot at ng iba pang produkto ng lupa. Ibinigay nila ang ikapu ng lahat nilang produkto. 6Ang mga taga-Israel na lumipat sa Juda, at ang mga taga-Juda ay nagbigay din ng ikasampung bahagi ng kanilang mga baka, tupa at ng mga bagay na itinalaga nila sa Panginoon na kanilang Diyos, at tinipon nila ito. 7Sinimulan nila ang pag-iipon nito nang ikatlong buwan, at natapos sa ikapitong buwan. 8Nang makita ni Ezequias at ng kanyang mga opisyal ang mga nakatumpok na ito, pinuri nila ang Panginoon at pinasalamatan ang mga mamamayan niyang Israelita.
9Tinanong ni Ezequias ang mga pari at ang mga Levita tungkol sa mga nakatumpok. 10Sumagot si Azarias, ang punong pari na mula sa angkan ni Sadoc, “Mula nang nagsimulang magdala ang mga tao ng kanilang mga handog sa Templo ng Panginoon, nagkaroon na kami ng sapat na pagkain at marami pang sumobra, dahil pinagpala ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan.”
11Nag-utos si Ezequias na gumawa ng mga bodega sa Templo ng Panginoon, at nangyari nga ito. 12At matapat na dinala roon ng mga tao ang kanilang mga handog, mga ikapu at ang mga bagay na itinalaga nila sa Panginoon. Si Conanias na isang Levita ang siyang pinagkatiwalaan ng mga bagay na ito, at katulong niya ang kanyang kapatid na lalaki na si Simei. 13Sina Jehiel, Azazias, Nahat, Asael, Jerimot, Josabad, Eliel, Ismaquias, Mahat at Benaias ang mga tagapangasiwa sa ilalim ng pamamahala nina Conanias at Simei. Pinili sila nina Haring Ezequias at Azarias na punong opisyal ng Templo ng Diyos.
14Si Kore na anak ni Imna na Levita, na tagapagbantay sa silangang pintuan ng Templo, ang pinagkatiwalaan sa pamamahagi ng mga handog na kusang-loob na ibinibigay sa Diyos, at sa mga bagay na itinalaga sa Panginoon at ng mga banal na handog. 15Ang matatapat niyang katulong ay sina Eden, Minyamin, Jeshua, Semaias, Amarias, at Secanias. Pumunta sila sa mga bayan na tinitirhan ng mga pari na kanilang kadugo at ipinamahagi sa kanila ang kanilang bahagi sa mga handog, ayon sa kanilang grupo at tungkulin, bata man o matanda.
16Binigyan ang lahat ng mga lalaki na nasa tatlong taóng gulang pataas ang edad, na pumupunta sa Templo ng Panginoon upang gawin ang kanilang araw-araw na gawain ayon sa tungkulin ng kani-kanilang grupo. 17Binigyan ang mga paring nakalista sa talaan ng mga angkan ng kanilang bahagi, at ganoon din ang mga Levita na nasa dalawampung taóng gulang pataas, na naglilingkod ayon sa tungkulin ng kani-kanilang grupo. 18Binigyan din ang mga pamilya ng mga Levita, ang kanilang mga asawa, mga anak, pati ang maliliit nilang anak. Ginawa ito sa lahat ng Levita na nakalista sa talaan ng kanilang angkan. Sapagkat matapat din sila sa paglilinis ng kanilang sarili.
19Tungkol naman sa mga pari na angkan ni Aaron, na nakatira sa mga bukirin sa palibot ng mga bayan at sa ibang mga bayan, may mga taong pinagkatiwalaan na mamigay ng kanilang bahagi at sa bahagi ng lahat ng Levita na nakalista sa talaan ng kanilang angkan.
20Ganoon ang ginawa ni Ezequias sa buong Juda. Ginawa niya ang mabuti at ang tama, at naging tapat siya sa harapan ng Panginoon na kanyang Diyos. 21Naging matagumpay siya, dahil sa lahat ng ginawa niya sa Templo ng Diyos at sa pagsunod niya sa kautusan, dumulog siya sa kanyang Diyos nang buong puso.

Currently Selected:

2 Mga Cronica 31: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

Video for 2 Mga Cronica 31