The Mission | Ang Unti-unting Paglalahad ng Layunin ng DiyosHalimbawa

Ipinapakita ng kasunduan ng Diyos kay Abraham ang layunin Niya na hindi nagbabago—ang dalhin ang pagtubos at pagpapala sa lahat ng bansa sa pamamagitan ni Cristo.
Ngayon, sinabi ng PANGINOON kay Abram, “Lisanin mo ang iyong bansa, ang mga kamag-anak mo, at kahit ang sambahayan ng iyong ama, at pumunta ka sa lugar na ipapakita ko sa iyo. Gagawin kong isang tanyag na bansa ang lahi mo. . . . Sa pamamagitan mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo.”
Genesis 12:1–3
Ang ama ni Abraham, si Tera, ay pumanaw na. Panahon na para magpatuloy siya sa paglalakbay. Matagal na siyang nakatira sa Haran. Ilang taon na ang nakalipas nang magsimula ang paglalakbay niya sa Ur, isang lungsod na sumasamba sa diyos ng buwan. Tulad ng kanyang pamilya, nakilahok din si Abraham sa mga ritwal ng idolatriya o pagsamba sa mga diyos-diyosan. Tuwing gabi, nagsisindi sila ng ilaw sa altar sa kanilang bahay, nananalangin para sa kalusugan, pagkakaroon ng anak, at proteksyon laban sa mga panganib kapag gabi. Nakaugat na sa buhay niya ang idolatriya—iyon lang ang alam niya.
Ngunit nagpakita sa kanya ang Diyos ng kaluwalhatian at inutusan siyang umalis ng Ur. Sumunod si Abraham kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta.
Kasama niya ang kanyang ama sa simula, hanggang sa makarating sila sa Haran. Doon sila tumira hanggang mamatay si Tera. Pagkatapos, iniwan ni Abraham ang kanyang tahanan at pumunta sa lupa na may pagpapala.
Ang salitang “pagpapala” ang sentro ng Genesis 12:1–3. Apat na beses itong binanggit sa talata 2 at 3. Paano nangyari iyon? Sa mga naunang kabanata (Genesis 3–11), puro kasalanan at kahihiyan ang nakita natin—mula sa pagkakasala ni Adan hanggang sa kayabangan sa Babel. Inaasahan natin ang parusa, ngunit ang sinabi ng Diyos ay pagpapala. Ayon kay Christopher Wright,
“Ang Genesis 12:1–3 ay isang mahalagang teksto, hindi lang sa Genesis kundi sa buong Bibliya. Ito ang mabuting balita: sa kabila ng lahat ng nakita natin sa Genesis 3–11, ang layunin ng Diyos ay pagpalain ang sangkatauhan. At ang buong Bibliya ay isang kuwento kung paano dumating ang pagpapalang iyon sa lahat ng bansa, at si Cristo ang nasa sentro.”a
Ang pagpapala ay higit pa sa kasiyahan. Ito ay kasaganaan, kapayapaan, mahabang buhay, masaganang lupa, at lumalaking pamilya. Higit sa lahat, ito’y buhay na nakaayon sa Diyos at nakakaranas ng Kanyang kaluwalhatian.
Ang mga pangako ng Diyos kay Abraham, sa kanyang pamilya, at sa buong mundo, ay pagpapatuloy ng orihinal na pagpapala na ibinigay Niya kay Adan (Genesis 1:28–30). Ipinapakita nito na hindi nagbago ang layunin Niya na punuin ang mundo ng Kanyang presensya. Habambuhay Siyang tapat sa Kanyang pangakong pagpapalain ang lahat ng bansa.
Tayo ay naging konektado sa pangakong ito sa pamamagitan ni Cristo. Tinatanggap natin ang pagpapala ni Abraham. Ngunit hindi lamang tayo tinawag para tumanggap—tinawag din tayong magbahagi. Kung paanong isinugo ng Diyos si Abraham, tayo rin ay inaanyayahang makiisa sa Kanyang misyon na pagpalain ang lahat ng bansa.
Karagdagang Babasahin
Genesis 17:1–8; Salmo 67:1–2; Isaias 49:6; Galacia 3:8–9
Pag-isipan
Sumunod si Abraham sa Diyos nang buo ang pagtitiwala kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. Kinailangan niyang iwan ang nakaraan para tanggapin ang pangako ng Diyos. Ano ang hinihiling ng Diyos na iwan mo para sumunod sa Kanya?
Gawin
Kung paanong iniwan ni Abraham ang idolatriya na dati niyang ginagawa, suriin ang sarili mong buhay. May mga bagay bang pumipigil sa iyo na ibigay ang buo mong debosyon sa Diyos at sa Kanyang misyon? Pumili ng isang kilos, nakasanayang kaisipan, o tukso na isusuko mo sa Diyos, at palitan ito ng isang gawain na magbibigay luwalhati sa Kanya.
Awit para sa Araw na Ito
Send Us
Panalangin
Panginoon, tinawag Mo si Abraham na umalis—iwan ang mga bagay na pamilyar at ligtas—at magtiwala sa Iyo para sa mga mas nakakahigit na bagay. Pinangakuan Mo siya ng pagpapalang hindi lang para sa kanya, kundi para sa lahat ng bansa sa pamamagitan niya. Ang layuning ito ay nananatili hanggang ngayon. Kay Cristo, tinatawag, pinagpapala, at isinusugo Mo pa rin kami para ipagpatuloy ang Iyong misyon.
Kahit winasak ng kasalanan ang mundo, nananatili ang Iyong layunin—ang tubusin at ibalik ang lahat ayon sa Iyong disenyo. Dahil Ikaw ay tapat, pinipili naming mamuhay nang may pananampalataya, nagtitiwalang gagabayan Mo kami. Isinusuko namin ang aming sarili sa Iyong di-nagbabagong misyon, kahit hindi malinaw ang daan sa hinaharap. Bigyan Mo po kami ng tapang na sumunod saan Mo man kami ipadala at na maging pagpapala sa mundo, gaya ng Iyong sa amin. Amen.
Tungkol sa Gabay na ito

Taun-taon, tayo ay nagtitipon upang manalangin at mag-ayuno para marinig natin ang tinig ng Diyos at sundin ang Kanyang kalooban. Bilang mga tagasunod ni Kristo, nawa’y tapat nating dalhin ang ebanghelyo sa mga bansa bilang pagsunod sa Dakilang Utos.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: church.victory.org.ph









