Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

The Cross | Ang Krus at ang Kahulugan Nito sa Naliligaw na SangkatauhanHalimbawa

The Cross | Ang Krus at ang Kahulugan Nito sa Naliligaw na Sangkatauhan

ARAW 4 NG 5

Habang ang Iglesya ay patuloy na lumalalim sa ugnayan kay Jesu-Cristo, mas lumalaki ang epekto ng ebanghelyo sa ibang tao, sa mga campus, sa mga komunidad, at sa buong mundo.

Kaya nga ipinangangaral namin si Cristo sa lahat ng tao. Pinapaalalahanan at tinuturuan namin ang bawat isa ayon sa karunungang ibinigay sa amin ng Dios. Sa ganoon, maihaharap namin ang bawat isa sa Dios nang ganap sa pakikipag-isa nila kay Cristo.
Colosas 1:28

Basahin din:

Colosas 2:7; 3:12–17

P A G - I S I P A N

Ipinaliwanag ni apostol Pablo kung sino ang dapat nating ipahayag—si Cristo at si Cristo lamang.

Ang pahayag na ito ay may kasamang babala at katuruan. Ang sulat ni Pablo sa mga taga-Colosas ay isang paalala sa mga mananampalataya na manatiling matatag laban sa mga mapanlinlang at maling pilosopiya na nakakaapekto sa kanilang iglesya noong panahong iyon.

Kaya’t unang binigyang-diin ni Pablo ang kahalagahan at kadakilaan ni Cristo sa pagsabing Siya lamang ang tunay na pinakamataas at may awtoridad. Siya ang namumuno sa lahat ng nilalang, pati na rin sa mga espirituwal na pangangatwiran at kapangyarihan sa kanilang lungsod at rehiyon. Nagbigay si Pablo ng matinding babala sa iglesya upang hindi sila basta maniwala sa kahit ano o magpaloko sa mga maling katuruan. Habang patuloy na itinuturo si Cristo, magkakaroon ng matatag na pundasyon ang mga mananampalataya kay Cristo, upang patuloy na lumago at tumibay sa Kanya (Colosas 2:7).

Ang layunin ay ang paglago ng bawat mananampalataya kay Cristo. Tayo ay nagiging katulad ng imahe Niya at dapat ay mas lalo pang nagiging katulad Niya sa araw-araw. Bilang mga naligtas ng ebanghelyo, tayo ay patuloy ding ginagawang banal nito. Ang prosesong ito sa buong buhay natin ay kinabibilangan ng pagiging maingat at pagtugon sa mga babala na natanggap natin para talikuran ang ating dating pagkatao, umiwas sa maling aral, at magpatuloy sa paglago sa karunungan ng mga paraan ng Diyos.

Ang paglagong ito ay hindi lamang para sa atin bilang mga indibidwal na mananampalataya. Ito rin ay para sa Iglesya. Kapag tiningnan natin ang ating kalagayan at ang mga kakulangang nararanasan pa natin, parang imposibleng isipin na may isang malagong Iglesya na maihaharap kay Cristo. Dahil ang espirituwal na pag-unlad ng mga mananampalataya ay konektado sa pagiging mas katulad ni Cristo, ang isang malagong Iglesya ay kakikitaan ng malalim na pagmamahalan sa isa’t isa, pagbibigayan ng kapatawaran, at pagtuon ng pag-asa kay Jesu-Cristo (Colosas 3:12–17). Bahagi ito ng layunin at plano ng Diyos para sa atin, kung saan makikita natin nang buo ang bunga ng natapos na gawain ni Cristo sa krus, at ito ang ating inaasahan at ipinapahayag. Habang ang Iglesya ay patuloy na lumalalim sa ugnayan kay Jesu-Cristo, mas lumalaki ang epekto ng ebanghelyo sa ibang tao, sa mga campus, sa mga komunidad, at sa buong mundo.

T U M U G O N

  • Bilang isang tagasunod ni Cristo, ano ang mga bagay na maaaring sinasabihan ka ng Diyos na layuan? Paano ka patuloy na magiging matatag sa Kanya?
  • Paano mo maipapakita kung sino si Cristo sa iyong pamilya at komunidad?
  • Ang layunin natin ay maipahayag si Cristo. Tukuyin kung paano mo ito magagawa, at humingi sa Diyos ng tapang, lakas ng loob, at mga pagkakataon para makapaglingkod.

Panginoong Jesus,

Naniniwala kami na Ikaw ang pinakamataas, makapangyarihan, at may awtoridad. Nawa’y makita ang katotohanang ito sa buhay namin at nawa’y maisalamin namin kung sino Ka sa lahat ng aming ginagawa. Nawa’y mas maging matatag ang Iglesya at maipahayag Ka namin sa aming mga salita, kilos, at buhay. Nawa’y mas lalo pa kaming maging katulad Mo araw-araw.

Amen.

Tungkol sa Gabay na ito

The Cross | Ang Krus at ang Kahulugan Nito sa Naliligaw na Sangkatauhan

Sa simula at kalagitnaan ng bawat taon, nagsasama-sama tayo para manalangin at mag-ayuno upang mas makilala ang Diyos. Tinawag Niya tayo upang ibukod ang ating sarili para sa Kanya. Kabilang dito ang lahat ng ginagawa natin, at nakikita ito sa pagbibigay-karangalan sa Kanya at pagdidisipulo sa paaralan, komunidad, at lahat ng bansa. Sama-sama nating pag-isipan ang ginawa ni Cristo sa krus at alamin kung paano natin maisasabuhay ang ebanghelyo araw-araw.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: church.victory.org.ph