Pagsamba: Isang Aralin sa Mga AwitHalimbawa

Ano ang sinasabi nito?
Huwag mabalisa kapag nagtatagumpay ang masasamang tao, kundi gumawa ng mabuti. Magtiwala at magalak sa Panginoon. Manahimik at italaga ang iyong pamamaraan sa Kanya, matiyagang maghintay dahil itinataguyod Niya ang matuwid.
Ano ang ibig sabihin nito?
Ibinahagi ni David ang karunungan ng isang nakatatandang lalaki na naobserbahan ang masasama at mga makadiyos na tao. Hindi tulad ng aklat ng Job, ang awit na ito ay hindi tumatalakay sa, "Bakit pinahihintulutan ng Diyos na umiral ang kasamaan?" Sa halip, itinuon ni David ang kanyang pansin sa tanging bagay na maaaring kontrolin ng matuwid na mga tao – ang kanilang tugon sa patuloy na kasamaan sa mundo. Ang nagtitiwalang anak ng Diyos ay nakakasumpong ng kasiyahan sa kung ano ang nakalulugod sa Kanya, na nagiging sanhi ng mga personal na hangarin na umayon sa kalooban ng Panginoon. Ang matuwid ay hindi kailangang magplano upang makahanap ng katiwasayan; maaari silang mamuhay ayon sa ibinibigay ng Diyos, batid na Kanyang aasikasuhin ang bawat pangangailangan. Sa kalaunan ay mauubos ang oras para sa masasama. Balang araw ay aayusin ng Diyos ang lahat. Ang masasama ay ganap na aalisin sa Kanyang harapan, ngunit ang mga makadiyos ay tatamasahin ang pabor at pagpapala ng Panginoon sa walang hanggan.
Paano ako dapat tumugon?
Nakakapanlumong panoorin ang kasamaan habang patuloy na nabubulok ang ating pambansang moral. Tinatawag ng Diyos ang Kanyang bayan upang kumilos, ngunit ang mga unang hakbang ay mas personal kaysa sa mga petisyon o liham sa mga kongresista. Tingnan muli ang Awit 37; bilugan o i-highlight ang mga pandiwa na ginamit ni David: magtiwala, malugod, italaga, manahimik, gumawa ng mabuti, maghintay, at panatilihin ang Kanyang pamamaraan (RTPV05). Gayundin, tandaan kung ano ang dapat nating gawin: huwag mabalisa, umiwas sa galit, tumalikod sa poot at kasamaan. Alin sa mga ito ang maituturing na iyong mga kalakasan, at alin ang mga lugar pa rin ng kahinaan sa iyong buhay? Bago ka magreklamo sa social media tungkol sa kung ano ang mali sa mundo, hilingin sa Diyos na ipaalam sa iyo kung saan hindi ka pa personal na nagtitiwala o nalulugod sa Kanya. Paano mo ipapakita ang buong pusong pananampalataya sa Salita ng Diyos ngayon?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Ang Mga Awit ay isang koleksyon ng mga tula at awit na isinulat sa loob ng 1,000 taon. Habang ang Mga Awit ay naglalaman ng masasayang papuri at malulungkot na panaghoy, ang buong aklat ay nagpapatotoo sa tapat na pag-ibig ng Diyos sa Kanyang bayan sa bawat pagkakataon. Bilang sentro ng pagsamba sa Lumang Tipan, inaasahan ng bawat awit ang kasukdulan ng papuri sa Diyos sa pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo.
More