Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Of First Importance: Isang Debosyonal Para Sa Semana SantaHalimbawa

Of First Importance: Isang Debosyonal Para Sa Semana Santa

ARAW 7 NG 8




Si Cristo, ang Namumuno sa Iglesya

BASAHIN

Siya ang batong buhay na itinakwil ng mga tao pero pinili ng Diyos at mahalaga sa paningin niya. At habang lumalapit kayo sa kanya, kayo na tulad din ng batong buhay ay itinatayo ng Diyos bilang isang gusaling espiritwal. At bilang mga banal na paring pinili ng Diyos, nag-aalay kayo sa kanya ng mga espiritwal na handog na kalugod-lugod sa kanya dahil ginagawa nʼyo ito sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. . . . Ngunit kayoʼy mga taong pinili, mga maharlikang pari, at mga mamamayan ng Diyos. Pinili kayo ng Diyos na maging kanya upang ipahayag ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hanga niyang kaliwanagan. 1 PEDRO 2:4–5, 9

KARAGDAGANG BABASAHIN: 1 Corinto 12:12–27

PAG-ISIPAN

Matapos ang Kanyang paghihirap at kamatayan, inilibing si Jesus. Nagkahiwa-hiwalay ang mga disipulo sa takot at kahihiyan. Natupad ang mga propesiya tungkol sa pagdaraanan Niyang sakit at hirap para sa atin. Ang araw na ito, na tinatawag na Sabado de Gloria, ay puno ng kalungkutan, kawalan, at pagdadalamhati. Ngunit ngayon, babalikan natin kung paano naghirap si Jesus para sa kaparusahan sa ating mga kasalanan, upang hindi na natin ito maranasan. Sinaktan at pinahirapan ang katawan Niya, na nagbigay katuparan sa kailangang mangyari upang magampanan Niya ang Kanyang misyon.

Sa pagtatapos ng Mahal na Araw, nawa’y makapagbigay sa atin ng pag-asa ang paghihirap ni Cristo at ang katiyakang naipanalo na ang laban. Maaari tayong magkaroon ng pag-asa sa gitna ng pagkalugmok dahil inialay ni Jesus ang katawan Niya para sa atin. Gumawa ito ng daan upang tumanggap tayo at maging bahagi ng Kanyang katawan, ang bagong templo, ang pundasyong bato. Si Jesus ang perpektong alay, na buong kusa at pagsasakripisyong nagbigay ng Kanyang sarili para sa atin. Dahil dito, naging bahagi tayo ng Kanyang katawan at buhay na templo.

Kahit na Sabado de Gloria, maaari tayong magdiwang dahil sa pagtakwil kay Jesus, tayo ay maaari nang tanggapin. Bahagi na tayo ng isang pamilya—hindi lamang ng isang pisikal na pamilya dito sa lupa, kundi pati na rin ng espiritwal na pamilya—ang komunidad ng iglesya. Miyembro na tayo ng espiritwal na sambahayan ng Diyos. Hindi na tayo muling mag-iisa sa paglalakbay natin. Mayroon na tayong mga kapatid kay Cristo na makakasama natin at magiging bahagi ng ating buhay. Tayo ang iglesya, ang mga miyembro ng katawan ni Cristo. Siya ang ulo ng katawang ito, at binigyan Niya tayo ng isang banal na tungkulin at layunin. Pinili tayo upang gampanan ang papel na ibinigay Niya sa bawat isa sa atin.

Bagama’t ayon sa kasaysayan, ang araw na ito ay madilim at puno ng kalungkutan dahil ang ating Tagapagligtas ay nasa libingan, ang araw na ito rin ang nagpapaalala sa atin ng tagumpay sa Kanyang kwento. Ito ay isang tagumpay na ibinahagi Niya sa atin—tayo na pinili ng Diyos, mga maharlikang pari, mga mamamayan ng Diyos, at mga tinawag upang maging Kanya. Ngayon, bilang isang iglesya, huwag nating kalimutang umasa. Palitan natin ang kalungkutan ng kagalakan, at ang pagluluksa ng pagdiriwang.

Magsaya tayo, paparating na ang Linggo!

TUMUGON

1. Pagnilayan ang paghihirap at pagkamatay ni Jesus. Itinakwil siya at sinaktan upang tayo’y matanggap at maging ganap. Paano mo pahahalagahan at tutugunan ang Kanyang perpektong sakripisyo para sa iyo?

2. Tukuyin kung ano ang pinakaipinagpapasalamat mo sa pagiging bahagi ng iyong komunidad ng iglesya. Maaari kang magpadala ng mensahe ng pasasalamat sa mga taong tumulong sa iyo upang mas makilala mo si Cristo.

3. Pag-isipan ang tungkuling ginagampanan mo sa katawan ni Cristo. Ano ang magagawa mo upang makasama ang iba sa iyong paglalakbay at makaambag sa Kanyang misyon?

Araw 6Araw 8

Tungkol sa Gabay na ito

Of First Importance: Isang Debosyonal Para Sa Semana Santa

Taun-taon, ginugunita ng buong mundo ang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo—ang pinakamahalagang katotohanan. Sama-sama nating gunitain ang pagnanais ng Diyos na ...

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://beta.victory.org.ph/

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya