Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Araw ng Pamamahinga - Pamumuhay Ayon sa Ritmo ng DiyosHalimbawa

Sabbath - Living According to God's Rhythm

ARAW 7 NG 8

ANG ARAW NG PAMAMAHINGA AT PAGIGING BUKAS-PALAD  

PAGBUBULAY

Lahat tayo ay may pagnanais para sa kabanalan at kawastuhan. Ninanais natin ang buhay na puno ng kabutihan at naghahangad ng lipunang "buo", para sa isang minimithing mundo. Ang mga kautusan sa Araw ng Pamamahinga ay higit pa sa alituntuning magkaroon ng isang araw na pahinga sa bawat linggo. Sa panawagang ipagdiwang ang Taon ng Paglaya, binigyan ng Diyos ang Kanyang hinirang bayan ng patikim ng kung ano magiging ang walang-hanggang kabanalan – patikim ng walang-hanggang Araw ng Pamamahinga. 

Tinatalakay ng aklat ni Moises at ng Bagong Tipan ang patungkol sa Araw ng Pamamahinga at Taon ng Paglaya bilang paraang mapanatili ang pagiging bukas-palad, katarungan at pagpapanumbalik sa katiwasayan ng mga mamamayan ng Diyos. Ang bawat lipi ay nakaasa sa pagmamay-ari ng sapat na laki ng lupa upang masustentuhan ang bawat miyembro ng komunidad. 

Sa isang banda, ang kautusan ng Araw ng Pamamahinga ay tumutulong sa atin bilang mga indibidwal. Tinutulungan tayo ng mga itong makahanap ng kapahingahan mula sa pagtatrabaho at masumpungan ang oras upang sambahin ang Diyos, habang ang ating trabaho naman ay nagbibigay ng ating mga pang-araw-araw na pangangailangan. Ngunit higit pa sa pagtulong sa atin bilang mga indibidwal, ang mga kautusan ng Araw ng Pamamahinga ay nakasentro sa pamumuhay bilang isang komunidad. Ang mga kautusan ay nagpapakita sa atin ng pagkatao ng Diyos at kung paano tayo bilang mga tao – at lalo na bilang mga Cristiano – ay nilalang upang mamuhay sa komunidad. Ang ating buhay na magkakasama ay kinakailangang kakitaan ng pagkabukas-palad bilang tanda ng biyaya ng Diyos, na atin mismong naranasan. Ang ating buhay ay kinakailangang kakitaan ng katarungan, na nais nating makamtan din ng iba dahil ang Diyos ay Diyos ng katarungan. Ang ating buhay ay kinakailangang kakitaan ng pagpapanumbalik sa katiwasayan, sa pamamagitan ng pagtulong sa mga taong nasa ating paligid na makilahok sa lipunan nang may dignidad. Sa kasalukuyan, ito ay hindi nangangahulugang tayo ay magmamay-ari ng isang pirasong lupa. Sa halip, ito ay ang sikaping matulungan ang ibang makakuha ng trabaho, magkaroon ng maayos na tirahan at maayos na pakikipagkapwa sa iba. 

Sa globalisadong mundo, kabilang din sa ating kapwa ang mga taong namumuhay sa buong mundo. Obligado tayong isipin ang mga epektong pang-ekolohiyang dala ng ating pamamaraan ng pamumuhay. Kapag itinuring natin ang mga likas na yaman at ang kapaligiran nang may paggalang at pagmamalasakit, pinabubuti natin ang buhay at ang Araw ng Pamamahinga sa Africa, Asya, at sa iba pang bahagi ng mundo. Ang pagkabukas-palad ay hindi nalilimitahan ng hangganan ng teritoryo.

MGA KATANUNGAN PARA SA PAGNINILAY  

  • Personal ko na bang naranasan ang pagkabukas-palad, katarungan, o pagpapanumbalik sa katiwasayan sa pamamagitan ng ibang tao?  
  • Ano ang ating matutunan patungkol sa Diyos kung ang mga tao ay bukas-palad, nakikipaglaban sa kawalang-katarungan, at tumutulong upang panumbalikin ang dignidad ng iba?  
  • Paano ko mararanasan ang mga kautusan ng Araw ng Pamamahinga –maliban sa pamamahinga– bilang pagkakataon para sa katarungang panlipunan?   
  • Sa anong bahagi ng buhay ko maisasagawa ang pagkabukas-palad sa mga bagong paraan? 

MGA PAKSA SA PANALANGIN  

  • Ipanalangin natin ang mga taong nakararanas ng malubhang kawalan ng katarungan.  
  • Ipanalangin natin ang mga nasa laylayan ng lipunang naghahangad ng buhay na may dangal.  
  • Ipanalangin nating masalamin ng simbahan ang pagkabukas-palad at katarungan ng Diyos.  
  • Panginoon, ipakita Mo sa akin kung paano ko maibabahagi ang Iyong katarungan at pagkabukas-palad sa aking pang-araw-araw na buhay.

MUNGKAHING PANALANGIN 

Salamat sa Iyo, Ama sa Langit, sa Iyong hindi masukat na pagkabukas-palad sa amin. Ito ay humantong sa Iyong pagbibigay ng Iyong Anak na mamatay para sa amin. Hindi lamang Niya ipinakita ang Iyong biyaya at katarungan sa pamamagitang ng Kanyang buhay sa mundo, subalit ginawa Niyang posibleng matanggap namin ang Iyong biyaya at katarungan sa Kanyang pagkamatay sa krus at sa muling pagkabuhay noong Pasko ng Pagkabuhay. 

Bigyan Mo kami ng karunungan at kapangyarihan sa pamamagitan ng Espiritu Santo na makapamuhay ng buhay na bukas-palad at makatarungan. At tulungan Mo kaming pangalagaan ang Iyong mga nilikha dahil kami ay nilikha sa Iyong larawan. Bigyan Mo kami ng matang makita yaong mga nangangailangan ng panunumbalik sa katiwasayan upang kami'y maging daluyan ng Iyong pag-ibig ngayon. Amen.


Marc Jost, Pangkalahatang Kalihim ng Swiss Evangelical Alliance (bahaging nagsasalita ng Aleman), Switzerland.

Banal na Kasulatan

Tungkol sa Gabay na ito

Sabbath - Living According to God's Rhythm

Ang Evangelical Alliance Week of Prayer (WOP) ay pandaigdigan ngunit sa kalakhang bahagi isinasagawa sa Europa na ang mga babasahing materyal ay nagmumula sa European Evangelical Alliance. Ang WOP 2022 ay isinasagawa sa temang "Araw ng Pamamahinga." Sa loob ng walong araw ang mga mambabasa ay inaanyayahang tumuon sa isang aspeto ng Araw ng Pamamahinga: pagkakakilanlan, probisyon, kapahingahan, kahabagan, pag-alaala, kagalakan, pagkabukas-palad, at pag-asa. Dalangin namin na ang babasahing ito ay makatutulong sa inyong (muling) tuklasin ang buhay ayon sa ritmo ng Diyos!

More

Nais naming pasalamatan ang European Evangelical Alliance para sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang http://www.europeanea.org