Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lahat ng Kailangan KoHalimbawa

Everything I Need

ARAW 3 NG 3

Kadalasan, kapag iniisip kong may gustung-gusto ako o kailangang isang bagay na bago sa aking buhay, ang talagang ninanasa ko ay ang presensya ng Diyos, ang tinig ng Diyos, at ang Salita ng Diyos. Sa Kanyang presensya, mabilis pa kaysa sa maliliit na butiki sa aking daraanan sa bangketa ng South Florida ang pagtakbo ng takot, at ang kapayapaan ay tila isang mainit na kumot na bumabalot sa isang araw na tag-niyebe, at ang mga pangarap ay nagsisiluksuhan at sumasayaw sa bagong katuwaan.  

Mga pangarap na ni hindi natin batid na nasa mga puso pala natin.

Sa Kanyang presensya, nangangarap tayo sa ibang mga pamamaraan. Inihahanay natin ang ating sarili sa Kanyang puso dahil nananatili Siya sa atin ay binabago Niya tayo mula sa loob papalabas. Nakakatagpo tayo ng layunin mula sa Katotohanan ng Kanyang Salita. Sa Kanyang presensya, anumang kailangan natin ay kusang dumadaloy sa bawat aspeto ng ating mga buhay. Mula sa kasaganaang iyon ay lumilikha tayong kasama ang ating Panginoong Manlilikha, at ang Panginoong Manlilikha ay lumilikha sa pamamagitan natin.  

Sa tuwina at sa habang panahon, Siya ay gumagawa ng mga bagong bagay mula sa mga luma at natuyong bahagi ng iyong buhay. Hindi lamang pinapalitan ng Diyos ang mga sitwasyon at pakikibaka mo sa buhay, kundi sumusulat Siya ng mga BAGONG kasaysayan, mga BAGONG alaala, at mga BAGONG pakikipagsapalaran.  

Ginagawa ng presensya ng Diyos na maging buo ang mga bagay na nasira. Hindi dahil sa anumang ginawa natin, kundi dahil Siya ay buo. Wala Siyang sira; wala Siyang kapinsalaan. Hindi Siya nahati o nahiwalay; Hindi Siya sugatan o may kapansanan. Hindi Siya nasugatan; Siya ay buo. Hindi Siya nasaktan. Siya ay maayos. 

At sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, tayo man at buo rin. Ginawa tayong bago sa Kanyang presensya.

Wala nang hihigit pa sa pagiging masigasig makarating sa Kanyang presensya sa ating paghahanap ng ating bahagi sa pamamagitan Niya. Wala nang maihahalintulad sa paghahanap sa Kanya na ating Tagapagtustos.

Itaguyod ang iyong Tagapagtustos nang may papuri at pasasalamat, nang may pagsamba, at may katotohanan ng Kanyang Salita.

At huwag laging magtaguyod nang mag-isa lamang, kahit na tila mahirap o nakakahiya. Paglabanan ang pagnanais na bumalik sa kaginhawahan ng pag-iisa sa iyong sofa ( o sa panonood ng Netflix nang mag-isa). Kung saan may dalawa o higit pang nagkakatipon sa Kanyang pangalan, nangako ang Diyos na Siya ay naroon. Nakakita na ako ng mga kamangha-manghang himala na ginawa sa mga puso at katawan ng mga taong hinahanap ang Diyos nang sama-sama…nangyari na ito mismo sa aking buhay. Makisali sa pamayanan at manatili sa pamayanan. Dito tayo nagkakaroon ng paglago. 

Ipahayag na ang Diyos ay Diyos sa lahat ng mabubuti at masasamang panahon, sa tagtuyot at sa mabungang mga panahon, sa panahon ng kaabalahan at kapahingahan. Nais Niyang marinig na ipinapahayag natin ang katotohanang ito, dahil ang Kanyang katotohanan ay mabuti at malakas. Kapag sinasabi natin ang Kanyang katotohanan, nagkakaroon tayo ng kagalakan at nagpapasalamat tayo. Ninanasa Niya ang ating pagpapasalamat, ang ating papuri, ang ating pagsamba dahil alam Niyang ito'y magpapaalaala sa atin na Siya ay nasa trono at nauna na sa anumang kakaharapin natin ngayon.   

Ang puso ko ay tumitibok para sa iyo, sa iyong nagbabasa ng mga salitang ito. Higit sa lahat, gusto kong makikilala mo Siya, at malaman kung gaano Siya kabuti. Hindi Niya tayo iniiwang mag-isa, hindi Siya basta nakaupo na lamang at pinanonood tayong asikasuhin ang sarili natin kapag humihingi tayo ng tulong mula sa Kanya. 

Ipinangako Niyang kun ghahanapin natin Siya, matatagpuan natin Siya. Saan man tayo naroon, at kung paanong paraan man tayo nakarating doon, ang Diyos ay may perpektong bahaging naghihintay para sa atin.

Katapusang Pagninilay at Panalangin

O Diyos, ang lahat ng mabuti at perpektong kaloob ay nanggagaling sa Iyo, at hindi namin kayang liripin kung anong inilaan Mo para sa amin sa aming hinaharap…ngunit batid namin na ito ay Iyo nang sinigurado para sa amin, binayaran Mo na, inihanda Mo na ang landas upang makamit namin ito.

O Diyos, nais naming makasama Ka kung saan Ka naroroon. Nais naming makita ang Iyong mukha, marinig ang Iyong tinig, makarating sa presensya ng Iyong ganap na Pag-ibig. Isang pag-ibig na walang dungis. Pag-ibig na singdalisay ng iyak ng bagong silang na sanggol.  

Halika at katagpuin Mo ang mga taong nagbabasa nito ngayon kung nasaan man sila sa sandaling ito, dahil kilalang-kilala Mo sila. Alam Mo ang mga pakikibaka, ang mga paghihirap, ang mga kabiguan, at ang mga bundok na kanilang kinakaharap. Alam Mo kung anong kailangan upang manalo, at sinigurado Mo na ito. Higit pa sa mabubuting kaloob na dinadala Mo sa aming lahat, dalhin Mo ang Iyong presensya sa kanila ngayon.

Sa kagipitan, sa kadiliman, sa pakikibaka, sa disyerto, hindi kami titigil sa pagpupuri sa Iyo, sa pagsamba sa Iyo, sa pag-iyak sa Iyo, sa pagtitiwala sa Iyo, habang nagpapakumbaba kami sa Iyo, at inaalala kung paanong buong katapatan Mo kaming dinala rito.

Buo ang aming pag-asang naghihintay sa Iyo, O Panginoon. Ikaw ang aming ganap na bahagi. Ikaw ang lahat ng aming kailangan.

Tungkol sa Gabay na ito

Everything I Need

Nauna na ang Diyos sa atin at iniingatan Niya tayo mula sa ating likuran. Natapos na Niya ang ating mga pakikibaka. Nasakop na Niya ang mga hindi natin nakikita. Hindi Siya nagugulat sa mga hindi inaasahan. Ang 3-araw na debosyonal na ito ay makapaghihikayat sa iyo sa katotohanang ang Diyos ang tagapagbigay ng hustong dami, hustong sukat, para sa buhay mo.

More

Nais naming pasalamatan si Holly Magnuson sa pagpapaunlak ng Gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang: http://www.hollymagnusonco.com