Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Nabagong Pamumuhay: Pagkatapos ng PaghihiwalayHalimbawa

Living Changed: After Divorce

ARAW 5 NG 7

Hinabol



Kahit na ang panahon pagkatapos ng paghihiwalay ay tunay na mahirap, sa Diyos, ito ay puwede ring matamis. Kapag ang lahat ay naglalaho at Siya lang ang mayroon ka, mas madali mong makikita kung gaano ka kamahal ng Diyos. 



Lumaki sa simbahan, narinig ko kung paanong iniwan ng Diyos ang 99 upang hanapin ang isa na nawawala. Subalit hindi ko naunawaan na ang Kanyang walang-lubay na paghabol sa atin ay hindi tumitigil sa kaligtasan. Ang katotohanan ay, hindi Niya tayo iiwan at hindi Siya titigil na habulin tayo. Samantalang ako ay nagkakaroon ng pagkaalam sa paghabol ng Diyos, mas nakikilala ko na ang Kanyang presensya sa aking pang-araw-araw na buhay at batid na hindi ako nag-iisa.



Ang paghahabol ng Diyos ay waring naiiba para sa bawat isa. Ito ay partikular na dinisenyo sa bawat tao. Para sa akin, gustong-gusto ko ang takipsilim, lalo na yaong pumupuno sa langit na mga matitingkad na pula at kulay kahel. Nang ako ay bata pa, pinanonood ko ang takipsilim at nabibighani sa nilikha ng Diyos. Ngayon, napagtanto ko na ang paghanga na aking naramdaman sa panonood ng magandang paglubog ng araw ay isa sa mga paraan na ang DIyos ay nakikipag-usap sa aking puso. Ito ang Kanyang paraan para sabihin sa akin, "Alam ko kung gaano mo kagusto ang mga ito, at iniisip kita." Ipinaaalala nito ang Kanyang pag-ibig noong kailangan ko ito. 



Ang unang kasalan na aking dinaluhan pagkatapos ng aking paghihiwalay ay mahirap. Pinigilan ko ang aking damdamin sa buong gabing iyon—hanggang sa dumating ang Anniversary Dance. Na kung saan ang lahat ng mga mag-asawa ay tutungo sa gitna upang magsayaw. Pagkatapos ay paaalisin ng DJ ang mga mag-asawa hanggang sa matira ang dalawang pinakamatagal nang mag-asawa. Ito ang pinakapaborito kong bahagi ng kasal noon. Pero sa pagkakataong ito, ako ay nagtungo sa banyo at umiyak. Noon ko lang naramdaman ang mag-isa.



Lumipas ang ilang oras habang ang bawat isa ay nagpapaalam na, nagsimulang bumuhos ang ulan. Kahit na araw pa lang, ang langit ay dumilim na parang gabi mula sa mga pagkulog at pagkidlat. Habang ang aking kaibigan ay nagmamaneho, nakatitig ako sa malayo, nagagalak at nakaligtas ako sa pabagu-bagong emosyon. Pagkatapos napansin ko na parang may gumagalaw sa mga puno. Inakala ko na ang mga ito ay nasusunog. Subalit nang makita ko, hindi pala, lumingon ako at tiningnan kung saan nanggagaling ang liwanag. 



At doon, sa pamamagitan ng maliit na puwang sa mga namumuong ulap, ay ang pinakamagandang mamula-mulang kulay kahel na takipsilim na aking nakita. Naroroon lang iyon ng ilang saglit. Kasing bilis ng paghihiwalay ng mga ulap, muli silang nagsara. Ito ay nakakamangha, at nagdulot ng luha sa aking mga mata dahil alam ko na ang paglubog ng araw ay sadyang para sa akin. Ang Diyos ay umaabot upang sabihin sa akin na hindi ako nag-iisa. Siya na nasa aking tabi, hindi ako kailanman nag-isa at hindi ako mag-iisa. At ganoon din sa iyo. 



Kahit biguin ka ng lahat, hindi kailanman ang Diyos. Mahal ka Niya nang walang maliw na damdamin na hindi mapipigilan. Kahit gaano kalayo ang iyong tinakbo o kung makailang beses mo Siyang itinulak papalayo, hindi Siya susuko. Siya ay patuloy na susunod sa iyo, ipapaalala sa iyo na ikaw ay sa Kanya. Hindi Siya mapapagod sa iyo o mawawalan ng interes. Siya ang perpektong lalaki, ang knight in shining armor na pinapangarap mo noong ikaw ay maliit pang bata. Hayaan mong ibigin ka Niya. Hayaan mong ipaalala sa iyo na ikaw ay ninanais—nang labis kaya nagbayad Siya ng pinakamalaking halaga, ang kamatayan sa krus, upang makasama ka Niya nang walang hanggan. 



O Diyos, salamat sa Iyong walang-humpay na pag-ibig at sa paghabol sa akin. Nagpapasalamat ako dahil kahit alam Mo ang bilang ng mga buhok sa aking ulo, nais Mong makilala pa ako nang lubusan. Kapag ako ay nakadarama ng lungkot, ipaalala Mo sa akin na hindi ako nag-iisa dahil ipinangako Mo sa akin na palagi kitang kasama. Ipahayag Mo sa akin ang mga paraan ng paghabol Mo sa aking puso upang mas makilala ko ang iyong presensya sa aking buhay. Sirain Mo ang aking mga pader at tulungan Mo ako na tanggapin ang iyong sakdal na pag-ibig. Sa pangalan ni Jesus, Amen!


Araw 4Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

Living Changed: After Divorce

Ang paghihiwalay ay nakapagdadalamhati sa puso ng Diyos. Nasusuklam Siya na nakikita tayong nasasaktan at pinanghahawakan ang kasalanan, kahihiyan at takot. Sa kabila ng ating mga pagkakamali, inaasam Niya na tanggapin n...

More

Nais naming pasalamatan ang Changed Women's Ministries para sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang https://www.changedokc.com/

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya