Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Paghahanap ng KapayapaanHalimbawa

Finding Peace

ARAW 5 NG 17

Paano Nakakaapekto Ang Laman Ng Iyong Pag-iisip Sa Iyong Kapayapaan

Kung tayo ay totoo sa ating mga sarili, karamihan sa atin ay hindi ang inaakala nating sino o ano tayo. Ang ating pag-iisip ay napakabulok, lihis at kadalasan, kailangang baguhin.

Paano ko malalamang ito ay totoo? Bukod sa aking karanasan sa pagiging pastor sa loob ng napakaraming taon, ang Salita ng Diyos ay nanghihikayat sa atin ng "pagbabago" sa ating mga isipan. Ang kahulugan nito ay ang pagbabago ng ating mga dating pang-unawa, opinyon, ideya, paniniwala, at mga makasariling pag-uugali patungo sa mga panibagong pang-unawa, opinyon, ideya, paniniwala, at saloobin na hinubog ng Diyos sa atin. Ang mga makadiyos na pagtugon ay maaalagaan sa pamamagitan ng palaging pagbabasa ng Banal na Kasulatan at pagbubulay-bulay sa mga nabasa mula Biblia. Ang mga tagasunod ni Cristo ay hinihimok na huwag "makiayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang maunawaan ninyo ang kalooban ng Diyos, kung ano ang mabuti at kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos" (Mga Taga-Roma 12: 2).

Mula sa pagbabago ng ating pag-iisip ay nagbabago din ang ating mga paraan sa pagsasalita at ating mga pag-uugali. Habang nagbabago ang ating paraan ng pagsasalita at pag-uugali, magbabago din ang ating pakikipag-ugnayan sa iba. At habang nagbabago ang ating pakikipag-ugnayan, ang ating mundo ay nababago rin. Nagsisimula ang lahat sa ating isipan kung ano ang pipiliin nating isipin at kung ano ang mga paniniwalang mananahan sa atin.

May kakayahan kang tukuyin kung ano ang iisipin mo. Sa anumang oras, maaari kang mag-isip muli at magkaroon ng isang bagong paksa, gawain, o suliraning dapat lutasin sa halip na mga negatibong pag-iisip na magnanakaw ng iyong kapayapaan at/o magdudulot sa iyo ng hangarin upang maghimagsik o magkasala. May kakayahan kang sabihin, "pinipili kong magtiwala sa Diyos," sa ano mang bagay na iyong haharapin o sa mga kaisipang mayroon ka.

Bukod pa dito, sinumang anak ng Diyos ang maninindigan nang lubos laban sa mga paraan ng pag-iisip na nakakasama ay pagkakalooban ng daan upang matakasan ang sitwasyong ito. Tutulungan ka ng Diyos upang ituon ang iyong pansin sa ibang mga bagay maliban sa iyong suliranin o masasamang pag-iisip kung gagawin mo ang unang hakbang sa Kanyang direksyon. 

Kapag binantayan mo ang iyong pag-iisip, binabantayan mo ang iyong kapayapaan. Kapag nag-aalay ka sa Diyos ng mga panalangin nang may pananampalataya at pasasalamat—maging ano pa man ang mga pagsubok na iyong haharapin—titiyakin Niya ang iyong pangkaloobang kapayapaan (Fil. 4: 6-7). At kapag itinuon mo ang iyong pag-iisip sa kung ano ang totoo, marangal, banal, kaibig-ibig, dalisay, at kapuri-puri, makaka-asa ka sa Diyos ng paglago sa pananampalataya at pagtitiwala. 

Hindi mo lubos na mauubos ang iyong kakayahang mag-isip tungkol sa kabutihan at kadakilaan ng Diyos. Piliing tumugon sa buhay nang kagaya sa pagtugon ni Jesus. Bantayan ang iyong buhay panalangin. Bantayan ang laman ng iyong pag-iisip. Hanapin ang Ama at ang lahat ng mga bagay na makadiyos. Ipinapangako ng Kanyang Salita na kapag pinupuno mo ang iyong isip ng mabuti at kapuri-puri, "sasainyo ang Diyos ng kapayapaan" (Mga Taga-Fil. 4: 9).

Tungkol sa Gabay na ito

Finding Peace

Nais mo bang magkaroon ng higit pang kapayapaan sa iyong buhay? Nais mo bang maging higit pa sa kahilingan lamang ang kapanatagan? Maaari mong makamtan ang tunay na kapayapaan ngunit mula lamang sa isang bukal -- Ang Diyos. Samahan si Dr. Charles Stanley habang ipinapakita niya sa iyo ang paraan tungo sa nakapagpapabagong-buhay na kapanatagan ng loob, na magbibigay sa iyo ng mga kasangkapan upang lutasin ang mga nakaraang pagsisisi, harapin ang mga kasalukuyang suliranin, at pawiin ang mga agam-agam tungkol sa hinaharap.

More

Nais naming pasalamatan ang In Touch Ministries sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, maaaring bisitahin ang: https://intouch.cc/peace-yv