Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Paghahanap ng Kalayaan mula sa StressHalimbawa

Finding Freedom From Stress

ARAW 5 NG 5

Ilipat ang iyong pinagtutuunan.

Hindi kailangang stress ang magbigay-pakahulugan sa iyong kasaysayan. Nalaman na nating ang stress ay isang likas na bahagi ng buhay, ngunit kaya ni Jesus na tulungan tayong ganap na mapagtagumpayan ito sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang kapayapaan. Kaya nga, paano nating maisusuko ang stress upang makapagpatuloy tayo sa ating buhay?

Kailangang ilipat natin ang ating pinagtutuunan palayo sa ating stress at patungo sa Diyos. Ngunit saan nga ba tayo magsisimula? Unang-una, dapat mong malaman na pinagmamalasakitan ka ng Diyos sa lahat ng nararanasan mong stress. Ito man ay ang pagwawala mo dahil sa iyong midterm o ang kaguluhan sa isipan mo tungkol sa maaaring mangyari sa buhay mo sa hinaharap, nagmamalasakit ang Diyos at bibigyan ka Niya ng kapayapaan. Maaaring ang kapayapaan Niya ay hindi laging tulad ng iyong inaasahan, ngunit sa tuwina, ito ay ang kinakailangan mo.

Kaya't tingnan natin kung paano natin maiaalis ang pagtutuon natin sa stress.

  1. Sumamba ka bago ka pa man maging handa. Tinuturuan tayo ni Pablo sa Mga Taga-Filipos kung anong gagawin kapag tayo ay nakakaranas ng stress, at nagsimula siya sa pagsasabi sa atin na dapat tayong laging magalak sa Panginoon. Lagi. Ibig sabihin, sambahin natin ang Diyos kapag ito ay gusto natin at maging hindi natin gusto sapagkat nagbabago man ang ating kalooban, ang Diyos ay hindi kailanman nagbabago. Karapat-dapat Siyang sambahin sa tuwina, masalimuot man ang ating kalagayan. Kapag sinasamba natin ang Diyos, inaalala natin kung sino Siya at kung saan Niya tayo iniligtas. At ang Diyos natin ay higit na malaki sa ating stress at sa ating mga pag-aalala.
  2. Isuko ang iyong stress. Ang sunod na hakbang ay ang manalangin at ang pagkalag sa paghawak mo rito. Kailangang lubos nating alisin ang pagkakahawak natin sa ating sitwasyon at magtiwala na ang Diyos ang mangangalaga sa atin. Sa Message version ng Mga Taga-Filipos 4, sinasabi ritong "shape your worries into prayers … it’s wonderful what can happen when Christ displaces worry in your life.” Iyan mismo ang ibig sabihin ng pagpapalaya sa iyong stress—ang ganap na pagsuko at wala nang paglingon dito.
  3. Ituon sa iba ang iyong isip. Hindi sapat na subukang ihinto ang pagiging stressed. Kailangan din nating baguhin ang ating iniisip. Isinulat ni Pablo na kailangan nating ituon ang ating isipan sa kung anong malinis, matuwid, at kaibig-ibig. Ituon ang iyong isip sa mga bagay na iyon, huwag sa kung saan ka nai-stress. Huwag kalilimutang magpasalamat sa kung anong mayroon ka, kung saan ka iniligtas ng Diyos, at sa mga kahanga-hangang tao sa iyong buhay. Hayaan mong ang pagpapasalamat na iyan ang umapaw sa iyong isip at sa iyong puso. At kahuli-hulihan, bihagin ang lahat ng iyong kaisipan at gawin itong masunurin kay Cristo. Palitan mo ang pagsasabi ng "Stressed ako," ng "Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo." Durugin ang mga kasinugalingang ibinibigay ng stress sa pamamagitan ng makapangyarihang katotohanan ng Salita ng Diyos.

Kapag naging gawi mong gawin ang tatlong bagay na iyon, mararanasan mo ang kapayapaan ng Diyos sa bawat sitwasyon. Kaya't kilalanin mo ang stress mo, gumawa ka ng hakbang upang palitan ito ng katotohanan, at ibigay ito sa iyong Ama sa langit na nagmamalasakit sa iyo. Maaari mong maranasan ang kapayapaan araw-araw, kaya't hanapin ito at iwanan mo na ang iyong stress.

Pag-usapan Ito

  • Alin sa tatlong kaisipang ito ang kinakailangang pagtuunan mo ng pansin nang mas madalas?
  • Ano ang ilan sa mga kasinungalingang madalas ibinibigay sa iyo ng stress? Ano ang maaari mong ipalit sa mga kasinungalingang iyon?
  • Pagpasyahan kung ano ang magiging reaksyon mo sa susunod na pagkakataong nararamdaman mo ang stress o napupuspos ka ng kabigatan.
Araw 4

Tungkol sa Gabay na ito

Finding Freedom From Stress

Ang stress ay totoo, ngunit hindi nito kailangang patakbuhin ang iyong buhay. Kay Cristo, may kakayahan tayong tukuyin, at bigyan ito ng bagong kahulugan. Kung ikaw ay nakakaranas ng stress, suriin mo ang 5-araw na Gabay sa Bibliang ito upang malaman kung paano makakamit ang kalayaan at kapayapaan.

More

Nais naming pasalamatan ang Life.Church sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin ang: https://www.life.church/