Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Awit 66

66
Awit ng Pagpupuri at Pasasalamat
Isang Awit na kinatha para sa Punong Mang-aawit.
1Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
2At purihin ang Diyos na may kagalakan; wagas na papuri sa kanya'y ibigay!
Awitan siya't luwalhatiin siya!
3Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
“Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga;
yuyuko sa takot ang mga kaaway, dahilan sa taglay mong kapangyarihan.
4Ang lahat sa lupa ika'y sinasamba,
awit ng papuri yaong kinakanta;
ang iyong pangala'y pinupuri nila.” (Selah)#4 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
5Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan,
ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.
6Naging#Exo. 14:21; Jos. 3:14-17. tuyong lupa kahit na karagatan,
mga ninuno nati'y doon dumaan;
doo'y naramdaman labis na kagalakan.
7Makapangyarihang hari kailanman,
siya'y nagmamasid magpakailanman;
kaya huwag magtatangkang sa kanya'y lumaban. (Selah)#7 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
8Ang lahat ng bansa'y magpuri sa Diyos,
inyong iparinig papuring malugod.
9Iningatan niya tayong pawang buháy,
di tayo bumagsak, di niya binayaan!
10O Diyos, sinubok mo ang iyong mga hirang,
sinubok mo kami upang dumalisay;
at tulad ng pilak, kami'y idinarang.
11Iyong binayaang mahulog sa bitag,
at pinagdala mo kami nang mabigat.
12Sa mga kaaway ipinaubaya,
sinubok mo kami sa apoy at baha,
bago mo dinala sa dakong payapa.
13Ako'y maghahandog sa banal mong templo
ng aking pangako na handog sa iyo.
14Pati pangako ko, nang may suliranin,
ay ibibigay ko, sa iyo dadalhin.
15Natatanging handog ang iaalay ko;
susunuging tupa, kambing, saka toro,
mababangong samyo, halimuyak nito. (Selah)#15 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
16Lapit at makinig, ang nagpaparangal sa Diyos,
at sa inyo'y aking isasaysay ang kanyang ginawang mga kabutihan.
17Ako ay tumawag, sa Diyos ay nagpuri,
kanyang karangalan, aking sinasabi.
18Kung sa kasalanan ako'y magpatuloy,
di sana ako dininig ng ating Panginoon.
19Ngunit tunay akong dininig ng Diyos,
sa aking dalangin, ako ay sinagot.
20Purihin ang Diyos! Siya'y papurihan,
pagkat ang daing ko'y kanyang pinakinggan,
at ang pag-ibig niya sa aki'y walang katapusan.

Kasalukuyang Napili:

Mga Awit 66: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya