Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Filipos 3:4-14

Mga Taga-Filipos 3:4-14 RTPV05

Ang totoo, ako'y may sapat na dahilan upang panghawakan ang mga panlabas na seremonya. Kung iniisip ninuman na siya'y may katuwirang umasa sa ganitong gawain, lalo na ako. Ako'y tinuli nang ikawalong araw mula nang ako'y isilang. Ako'y isang tunay na Israelita, buhat sa angkan ni Benjamin at katutubong Hebreo. Kung pagsunod naman sa Kautusan ang pag-uusapan, ako'y isang Pariseo. Dahil sa masugid kong pagsunod sa Kautusan, inusig ko ang iglesya. Kaya't kung sa pagiging matuwid ayon sa Kautusan, wala ring maisusumbat sa akin. Ngunit dahil kay Cristo, ang mga bagay na pinapahalagahan ko noon ay itinuring kong walang kabuluhan ngayon. Oo, itinuturing kong walang kabuluhan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan, makamtan ko lamang si Cristo at lubusang makasama niya. Ang aking pagiging matuwid ay hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pananalig kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ngayo'y buhat sa Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay, makibahagi sa kanyang mga paghihirap, at maging katulad niya sa kanyang kamatayan upang ako man ay muling buhayin mula sa mga patay. Hindi sa nakamtan ko na ang mga bagay na ito. Hindi rin sa ako'y ganap na; ngunit sinisikap kong makamtan ang gantimpala sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako'y tinawag ni Cristo Jesus. Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan. Nagpapatuloy nga ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na hahantong sa langit.