Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Jeremias 22

22
Tagubilin sa mga Namumuno sa Juda
1Pinapunta ako ni Yahweh sa palasyo ng hari ng Juda at 2ipinasabi niya sa hari, sa mga lingkod nito, at sa lahat ng taga-Jerusalem: 3“Pairalin ninyo ang katarungan at katuwiran. Ipagtanggol ninyo ang mga naaapi laban sa mapagsamantala. Huwag ninyong sasaktan o aapihin ang mga dayuhan, mga ulila, at mga balo. Huwag kayong papatay ng mga taong walang kasalanan sa banal na lunsod na ito. 4Kung susundin ninyo ang mga utos ko, mananatili ang paghahari ng angkan ni David. At papasok silang nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, kasama ang kanilang mga tauhan at nasasakupan. 5Subalit#Mt. 23:28; Lu. 13:35. kung hindi kayo makikinig sa sinasabi ko, isinusumpa ko na aking wawasakin ang palasyong ito. 6Ganito ang sabi ni Yahweh tungkol sa palasyo ng hari ng Juda:
“Ang palasyong ito'y singganda ng lupain ng Gilead, at nakakatulad ng Bundok ng Lebanon. Ngunit isinusumpa ko na gagawin ko itong isang disyerto, isang lunsod na walang mananahan. 7Magpapadala ako ng mga wawasak dito; may dalang palakol ang bawat isa. Puputulin nila ang mga haliging sedar nito at ihahagis sa apoy.
8“Magtatanungan ang mga taong magdaraan dito mula sa iba't ibang bansa, ‘Bakit ganyan ang ginawa ni Yahweh sa dakilang lunsod na ito?’ 9At ang isasagot sa kanila, ‘Sapagkat hindi nila tinupad ang kasunduan nila ni Yahweh na kanilang Diyos; sa halip, sumamba sila at naglingkod sa mga diyus-diyosan.’”
Ang Pahayag Tungkol kay Sallum
10Huwag ninyong iyakan ang isang taong patay,
o ikalungkot ang kanyang kamatayan.
Sa halip, tangisan ninyo si Sallum,
sapagkat siya'y dinalang-bihag, at hindi na magbabalik.
Hindi na niya makikita pa ang lupang kanyang sinilangan.
11Ito#2 Ha. 23:31-34; 2 Cro. 36:1-4. ang pahayag ni Yahweh tungkol kay Sallum na humalili sa kanyang amang si Josias bilang hari ng Juda, “Umalis siya ng Juda at hindi na magbabalik. 12Doon na siya mamamatay sa lugar na pinagdalhan sa kanya bilang bihag, at hindi na niya makikita pang muli ang kanyang bayan.”
Ang Pahayag Tungkol kay Jehoiakim
13“Kahabag-habag ang magiging wakas ng taong nagtatayo ng kanyang bahay sa pamamagitan ng pandaraya,
at naglalagay ng mga silid dito sa pamamagitan ng panlilinlang.
Pinagtatrabaho niya ang kanyang kapwa nang walang kabayaran.
14Sinasabi pa niya,
‘Magtatayo ako ng malaking bahay
na may malalaking silid sa itaas.
Lalagyan ko ito ng mga bintana,
tablang sedar ang mga dingding,
at pipinturahan ko ng kulay pula.’
15Kung gumamit ka ba ng sedar sa iyong bahay,
ikaw ba'y isa nang haring maituturing?
Alalahanin mo ang iyong ama; siya'y kumain at uminom,
naging makatarungan siya at matuwid;
kaya siya'y namuhay na tiwasay.
16Tinulungan niya ang mga dukha at nangangailangan,
kaya pinagpala siya sa lahat ng bagay.
Pinatunayan niyang ako'y kanyang nakikilala.
17Subalit kayo, wala kayong iniisip kundi ang sariling kapakanan.
Pumapatay kayo ng taong walang kasalanan,
at pinagmamalupitan ang mga tao.”
Ito ang sabi ni Yahweh.
18Kaya#2 Ha. 23:36–24:6; 2 Cro. 36:5-7. ganito ang sabi ni Yahweh tungkol kay Jehoiakim, anak ni Haring Josias ng Juda:
“Walang tatangis sa kanyang pagpanaw o magsasabing,
‘Mahal kong kapatid! O, ang kapatid ko!’
Wala ring tatangis para sa kanya, at sisigaw ng,
‘O, panginoon! O aking hari!’
19Ililibing siyang tulad sa isang patay na asno;
kakaladkarin at ihahagis sa labas ng pintuang-bayan ng Jerusalem.”
Ang Pahayag Tungkol sa Sasapitin ng Jerusalem
20Umakyat kayo sa Lebanon at humiyaw,
sumigaw kayo hanggang sa marinig sa Bashan ang inyong tinig.
Kayo'y manangis mula sa tuktok ng Bundok Abarim,
sapagkat nilipol nang lahat ang kapanalig ninyo.
21Nagsalita ako sa inyo noong kayo'y masagana,
subalit hindi kayo nakinig.
Ganyan na ang ugali ninyo mula pa sa inyong kabataan;
kahit minsan ay hindi kayo sumunod sa akin.
22Tatangayin ng malakas na hangin ang inyong mga pinuno;
mabibihag ang lahat ng nagmamahal sa inyo.
Wawasakin ang lunsod ninyo at kayo'y mapapahiya
dahil sa inyong masasamang gawa.
23Kayong nakatira sa mga bahay na yari sa sedar buhat sa Lebanon,
kaawa-awa kayo sa hirap na daranasin ninyo pagdating ng panahon,
gaya ng hirap ng babaing manganganak!
Ang Kahatulan ni Yahweh kay Jehoiakin
24Sinabi#2 Ha. 24:8-15; 2 Cro. 36:9-10. ni Yahweh, “Kung ikaw man, Conias, anak ni Haring Jehoiakim ng Juda, ay naging singsing na aking pantatak, huhugutin kita sa aking daliri. 25Ibibigay kita sa kamay ng mga ibig pumatay sa iyo, sa mga taong iyong kinatatakutan, kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa kanyang mga sundalo. 26Itatapon ko kayong mag-ina sa isang lupaing malayo sa lupang sinilangan mo. Doon na kayo mamamatay. 27At hindi na kayo makakabalik sa sariling bayan na nais ninyong makitang muli.”
28Ito bang si Conias ay tulad sa isang bangang itinakwil, basag, at walang ibig umangkin? Bakit siya itinapon, pati ang kanyang mga anak, sa isang bansang wala silang nalalaman?
29O aking bayan!
Pakinggan ninyo ang mensahe ni Yahweh!
30Ganito ang sinasabi niya:
“Isulat mo tungkol sa lalaking ito na siya'y hinatulang mawawalan ng anak,
na hindi magtatagumpay sa kanyang buhay,
sapagkat wala siyang anak na hahalili sa trono ni David
at maghaharing muli sa Juda.”

Kasalukuyang Napili:

Jeremias 22: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya