Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 8

8
Wala nang Baha
1Hindi nawaglit sa isipan ng Diyos si Noe at ang lahat ng hayop na kasama niya sa malaking barko. Kaya't pinaihip niya ang hangin, at nagsimulang humupa ang tubig. 2Huminto ang mga bukal at tumigil ang pagbuhos ng ulan. 3Patuloy na humupa ang tubig, at pagkaraan ng 150 araw ay mababa na ang baha. 4Sumadsad ang barko sa Bundok ng Ararat noong ikalabimpitong araw ng ikapitong buwan. 5Patuloy ang paghupa ng tubig at nang unang araw ng ikasampung buwan, lumitaw ang taluktok ng mga bundok.
6Pagkalipas ng apatnapung araw, binuksan ni Noe ang bintana ng barko na kanyang ginawa. 7Pinalipad niya ang isang uwak at ito'y nagpabalik-balik hanggang matuyo ang tubig sa lupa. 8Pagkatapos nito, pinalipad naman niya ang isang kalapati upang tingnan kung wala nang tubig. 9Palibhasa'y laganap pa ang tubig, hindi makalapag ang kalapati, kaya't nagbalik ito at muling ipinasok ni Noe sa barko. 10Pitong araw pang naghintay si Noe, at pagkatapos ay muli niyang pinalipad ang kalapati. 11Pagbalik nito kinagabihan, ito'y may tangay nang sariwang dahon ng olibo. Kaya't natiyak ni Noe na kati na ang tubig. 12Nagpalipas ng pitong araw si Noe saka pinalipad muli ang kalapati. Hindi na ito nagbalik.
13Noon ay 601 taóng gulang na si Noe. Nang unang araw ng unang buwan, inalis ni Noe ang takip ng barko at nakita niyang natutuyo na ang lupa. 14Nang ikadalawampu't pitong araw ng ikalawang buwan, tuyung-tuyo na ang lupa.
15Sinabi ng Diyos kay Noe, 16“Lumabas ka na sa barko kasama ng iyong asawa, mga anak at mga manugang. 17Palabasin mo na rin ang lahat ng mga hayop na kasama mo—maamo at mailap, gumagapang at lumalakad sa lupa, at pati ang mga ibon. Hayaan mo silang dumami at manirahan sa buong daigdig.” 18At lumabas na nga si Noe at ang kanyang asawa, mga anak at mga manugang. 19Gayundin, sunod-sunod na lumabas ang lahat ng hayop, mailap at maamo, lahat ng gumagapang at lumalakad, pati ang mga ibon ayon sa kani-kanilang uri.
Naghandog si Noe
20Si Noe ay nagtayo ng altar para kay Yahweh. Kumuha siya ng isa sa bawat malinis na hayop at ibon, at sinunog bilang handog. 21Nang maamoy ni Yahweh ang mabangong samyo nito, sinabi niya sa sarili, “Hindi ko na susumpain ang lupa dahil sa gawa ng tao bagama't alam kong masama ang kanyang isipan mula sa kanyang kabataan. Hindi ko na lilipuling muli ang anumang may buhay kagaya ng ginawa ko ngayon.
22Hanggang naririto't buo ang daigdig,
tagtanim, tag-ani, palaging sasapit;
tag-araw, tag-ulan, tag-init, taglamig,
ang araw at gabi'y hindi mapapatid.”

Kasalukuyang Napili:

Genesis 8: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya