Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Deuteronomio 6

6
Ang Pangunahing Utos
1“Ito nga ang Kautusan at mga tuntuning ibinigay niya sa akin, na siya ninyong susundin sa lupaing inyong sasakupin. 2Ang mga ito'y ibinigay sa inyo ni Yahweh at sa inyong mga anak at sa mga susunod na salinlahi upang magkaroon kayo ng takot sa kanya. Kung ito'y susundin ninyo, hahaba ang inyong buhay. 3Kaya nga, pakinggan ninyo ito at sunding mabuti. Kung magkagayo'y sasagana kayo, at darami ang inyong lahi pagdating ninyo sa lupaing ipinangako ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay.
4“Pakinggan#Mc. 12:29. mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh.#4 Si Yahweh…tanging Yahweh: o kaya'y Si Yahweh ang ating Diyos, si Yahweh ay iisa, o Si Yahweh na ating Diyos, si Yahweh ay iisa lang. 5Ibigin#Mt. 22:37; Mc. 12:30; Lu. 10:27. mo si Yahweh na iyong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas. 6Ang#Deut. 11:18-20. mga utos niya'y itanim ninyo sa inyong puso. 7Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga. 8Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, itali sa inyong noo, 9isulat sa mga hamba ng pintuan ng inyong bahay at mga tarangkahan.
Babala Laban sa Pagsuway
10“Malapit#Gen. 12:7; Gen. 26:3; Gen. 28:13. na kayong dalhin ni Yahweh sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Maninirahan kayo sa malalaki at magagandang lunsod na hindi kayo ang nagtatag. 11Titira kayo sa mga tahanang sagana sa lahat ng bagay ngunit hindi ninyo pinaghirapan. Iinom kayo ng tubig na galing sa mga balong hindi ninyo hinukay. Mamimitas kayo sa mga ubasan at sa mga olibong hindi ninyo itinanim. Kung kayo'y naroon na at masagana na sa lahat ng bagay, 12huwag na huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na naglabas sa inyo sa Egipto, sa bayan ng pagkaalipin. 13Magkaroon#Mt. 4:10; Lu. 4:8. kayo ng takot kay Yahweh, paglingkuran ninyo siya at sa kanyang pangalan kayo manumpa. 14Huwag kayong maglilingkod sa diyus-diyosan ng mga bayang pupuntahan ninyo 15sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay mapanibughuing Diyos; kapag sumamba kayo sa diyus-diyosan magagalit siya sa inyo at lilipulin niya kayong lahat.
16“Huwag#Mt. 4:7; Lu. 4:12; Exo. 17:1-7. ninyong susubukin si Yahweh na inyong Diyos, tulad ng ginawa ninyo sa Masah. 17Sundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos at mga tuntunin. 18Gawin ninyo kung ano ang tama at mabuti sa paningin ni Yahweh, at mamumuhay kayong matiwasay. Masasakop ninyo ang lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno; 19mapapalayas ninyo ang inyong mga kaaway, tulad ng pangako niya sa inyo.
20“Kapag dumating ang araw na itanong ng inyong mga anak kung bakit kayo binigyan ni Yahweh ng kautusan at mga tuntunin, 21ganito ang sabihin ninyo: ‘Noong araw, inalipin kami ng Faraon sa Egipto. Pinalaya kami roon ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 22Nasaksihan namin ang maraming kababalaghang ginawa niya laban sa Faraon at sa mga Egipcio. 23Inilabas niya kami sa Egipto upang dalhin sa lupaing ipinangako niya sa ating mga ninuno. 24Ibinigay niya sa amin ang kautusan at mga tuntuning ito upang magtaglay kami ng takot sa kanya. Sa ganoon, sasagana tayo at iingatan niyang tulad ng ginagawa niya sa atin ngayon. 25Kalulugdan tayo ng Diyos nating si Yahweh kung susundin natin nang buong katapatan ang lahat ng ipinag-uutos niya sa atin.’

Kasalukuyang Napili:

Deuteronomio 6: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya