Ecclesiastico 41
41
Tungkol sa Kamatayan
1O kamatayan, anong pait ng iyong alaala
sa taong payapang nagpapasasa sa kanyang kayamanan.
Sa taong walang alalahanin at masagana sa lahat ng bagay,
sa taong malusog at maaari pang magpasasa sa masarap na pagkain.
2Ngunit anong laking kaaliwan ang idinulot mo sa iyong pagdating
sa taong nagdaralita at tinakasan na ng lakas,
sa taong iginupo na ng katandaan at mga alalahanin,
sa taong hindi na makakita at wala nang pag-asa.#41:2 hindi na makakita at wala nang pag-asa: Ganito ang nasa tekstong Hebreo. Sa tekstong Griego ay mapaghimagsik at walang tiyaga.
3Huwag kang matakot sa hatol ng kamatayan,
alalahanin mong saklaw nito ang lahat: ang mga nauna sa iyo at ang mga darating pa.
4Ito ang itinalaga ng Panginoon sa lahat ng may buhay,
at sino kang tututol sa kalooban ng Kataas-taasang Diyos?
Mabuhay ka man nang sampu, sandaan o sanlibong taon,
hindi na iyan mahalaga sa daigdig ng mga patay.
Ang Kapalaran ng Masasama
5Ang mga anak ng makasalanan ay lahing kasuklam-suklam,
lahing walang isip, na nawiwiling makisalamuha sa mga makasalanan.
6Ang kanilang mana ay mauubos nang tuluyan,
at ang kanilang mga inapo ay hahamakin magpakailanman.
7Sisisihin ng kanyang mga anak ang isang makasalanang ama,
sapagkat nagdaranas sila ng kahihiyan nang dahil sa kanya.
8Kawawa kayo, mga hindi natatakot sa Diyos,
kayong lahat na tumalikod sa Kautusan ng Kataas-taasang Diyos.
9Kung kayo'y magkaanak, mapapahamak sila
at walang maiiwan sa inyo kundi kapighatian.
Ipagdiwang ang inyong pagbagsak;
at pagkamatay ninyo, kayo'y susumpain.
10Ang nanggaling sa lupa'y sa lupa rin magbabalik;
gayundin naman, ang hindi kumikilala sa Diyos ay sa kapahamakan naman masasadlak.
11Ang katawan ng tao ay pansamantala lamang,
ngunit ang mabuting pangalan ay mananatili magpakailanman.
12Pangalagaan mong mabuti ang iyong pangalan, sapagkat iyan ang maiiwan mo kapag ikaw ay namatay;
at ang halaga niya'y higit pa sa maraming kayamanan.
13Ang maginhawang buhay ay panandalian lamang,
ngunit ang mabuting pangalan ay magpakailanman.
Mga Dapat Ikahiya
14Mga anak, sundin ninyo ang aking aral at mananatili kayo sa kapayapaan.
Ano ang papakinabangin ninyo sa kayamanang nakabaon o kaya'y sa karunungang nakatago?
15Mas mabuti pa ang nagkukubli ng kanyang kamangmangan
kaysa nagtatago ng kanyang karunungan.
16Pahalagahan ninyo itong aking sasabihin
mga bagay na may kinalaman sa pagkahiya;#41:16 Pahalagahan…pagkahiya: o kaya'y Mga anak ko, pakinggan ninyo ang ituturo kong mga kalagayan kung kailan kayo dapat mahiya.
may pagkahiyang hindi nararapat
at may pagkahiya ring hindi napapanahon.
17Mahiya kang gumawa ng kahalayan sa harapan ng iyong ama't ina,
o magsabi ng kasinungalingan sa harap ng may kapangyarihan.
18Mahiya kang lumabag sa batas sa harapan ng hukom o pinuno ng bayan,
o ng kalapastanganan sa Diyos sa kapulungan ng buong bayan.
Mahiya kang magtaksil sa kasama o kaibigan,
19o magnakaw kaya sa iyong mga kapitbahay.
Ikahiya mo ang di pagtupad sa kasunduan o sa sinumpaan,#41:19 di pagtupad sa kasunduan o sa sinumpaan: Ganito ang nasa tekstong Hebreo. Sa tekstong Griego ay iyong sarili sa harap ng katotohanan ng Diyos.
at ang magaspang na kilos sa harap ng pagkain.
Ikahiya mo ang karamutan kapag ikaw ay hinihingan,
20o ang pagkalimot bumati sa mga bumabati sa iyo.
Ikahiya mo ang pagtitig sa isang mahalay na babae,
21at ang di mo paglingap sa isang kamag-anak.
Ikahiya mo ang pagkuha sa kaparte ng ibang tao,
o ang panliligaw sa asawa ng iba.
22Ikahiya mo ang pagpatol sa iyong utusang babae,
kaya't huwag kang lalapit kailanman sa higaan nito.
Ikahiya mo ang panlalait sa iyong mga kaibigan,
o ang panunumbat sa taong iyong tinulungan.
23Ikahiya mo ang pagkakalat ng mga narinig mong usapan,
o ang pagsisiwalat ng lihim na ipinagkatiwala sa iyo.
24Sa gayon, magkakaroon ka ng wastong kahihiyan,
at kalulugdan ka ng lahat ng tao.
Kasalukuyang Napili:
Ecclesiastico 41: MBBTAG12
Haylayt
Kopyahin
Paghambingin
Ibahagi
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
New Testament © 2012 Philippine Bible Society
Old Testament © 2005 Philippine Bible Society