MGA TAGA ROMA 8:5-14
MGA TAGA ROMA 8:5-14 ABTAG01
Sapagkat ang mga ayon sa laman ay nagtutuon ng kanilang isipan sa mga bagay ng laman; subalit ang mga ayon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu. Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan; subalit ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan. Sapagkat ang kaisipan ng laman ay pagkapoot laban sa Diyos; sapagkat hindi ito napapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi nga maaari; at ang mga nasa laman ay hindi makapagbibigay-lugod sa Diyos. Ngunit kayo'y wala sa laman, kundi nasa Espiritu, yamang nananatili sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Subalit kung ang sinuma'y walang Espiritu ni Cristo, siya'y hindi sa kanya. At kung si Cristo ay nasa sa inyo, ang katawan ay patay dahil sa kasalanan; ngunit ang espiritu ay buháy dahil sa katuwiran. Ngunit kung ang Espiritu niyaong bumuhay na muli kay Jesus ay nananatili sa inyo, siya na bumuhay na muli kay Cristo mula sa mga patay ay magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kanyang Espiritu na naninirahan sa inyo. Kaya nga, mga kapatid, mga may utang tayo, hindi sa laman, upang mamuhay ayon sa laman; sapagkat kung mamuhay kayo ayon sa laman, kayo ay mamamatay, subalit kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, kayo ay mabubuhay. Sapagkat ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay sila ang mga anak ng Diyos.









