Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Awit 7

7
Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan
Shigaion#SHIGAION: Ang kahulugan ng salitang ito'y maaaring tumutukoy sa isang uri ng awit ng pagdadalamhati. ni David na kanyang inawit kay Yahweh; patungkol kay Cus, na isang Benjaminita.
1O Yahweh, aking Diyos, sa iyo ako lumalapit,
iligtas mo ako sa mga taong sa aki'y tumutugis,
2kundi, sila'y parang leon na lalapa sa akin
kung walang magliligtas, ako nga ay papatayin.
3O Yahweh, aking Diyos, kung ako ma'y nagkasala,
at kung aking mga kamay ay puminsala sa iba,
4kung ako ay naging taksil sa tapat kong kaibigan,
kung ako po'y naminsala o nang-api ng kaaway,
5payag akong hulihin, patayin kung kailangan,
iwan akong walang buhay at sa lupa'y mahandusay. (Selah)#5 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
6O Yahweh, bumangon ka, puksain mo ang kaaway,
ako'y iyong ipagtanggol sa malupit nilang kamay!
Gumising ka't sagipin mo, ako ngayon ay tulungan,
dahil ang hangad mo'y maghari ang katarungan.
7Tipunin mo sa iyong piling ang lahat ng mga bansa,
at mula sa trono sa kaitaasan, ikaw Yahweh ang mamahala.
8Sa lahat ng mga bayan ikaw ang hukom na dakila,
humatol ka sa panig ko sapagkat ako'y taong tapat.
9Ikaw#Pah. 2:23. ay isang Diyos na matuwid,
batid mo ang aming damdamin at pag-iisip;
sugpuin mo ang gawain ng masasama,
at ang mabubuti'y bigyan mo ng gantimpala.
10Ang Diyos ang aking sanggalang;
inililigtas niya ang may pusong makatarungan.
11Ang Diyos ay isang hukom na makatarungan,
at nagpaparusa sa masama sa bawat araw.
12Kung di sila magbabago sa masasama nilang gawa,
ang tabak ng Diyos ay kanyang ihahasa;
pati ang kanyang pana ay kanyang ihahanda.
13Mga pamatay na sandata ay kanyang itatakda,
kanya ring iuumang ang mga palasong nagbabaga.
14Pagmasdan mo ang masama, sa baluktot niyang isip,
ipinaglilihi niya ang kalokohan at ipinanganganak niya ang kasamaan.
15Humuhukay nang patibong para sa ibang tao,
subalit siya rin mismo ang nahuhulog dito.
16Siya rin ang may gawa sa parusang tinatanggap,
sa sariling karahasan, siya ngayo'y naghihirap.
17Pasasalamatan ko si Yahweh sa kanyang katarungan,
aawitan ko ng papuri ang Kataas-taasan niyang ngalan.

Kasalukuyang Napili:

Mga Awit 7: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya