Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Levitico 14

14
Paglilinis Matapos Gumaling sa Sakit sa Balat
1Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2“Ganito#Mt. 8:4; Mc. 1:44; Lu. 5:14; 17:14. naman ang tuntunin sa paglilinis ng taong may sakit sa balat na parang ketong. Sa araw na siya'y lilinisin, haharap siya sa pari 3sa labas ng kampo at susuriin. Kung magaling na ang maysakit, 4magpapakuha ang pari ng dalawang ibong buháy at malinis, kapirasong kahoy na sedar, pulang lana at hisopo. 5Ipapapatay sa kanya ng pari ang isang ibon sa tapat ng isang bangang may tubig na galing sa bukal. 6Itutubog niya sa dugo nito ang ibong buháy, ang kahoy na sedar, ang pulang lana at ang hisopo. 7Ang dugo ay iwiwisik nang pitong beses sa taong may sakit sa balat at ipahahayag siya ng pari bilang malinis. Pagkatapos, paliliparin niya sa kabukiran ang ibong buháy. 8Lalabhan ng nagkasakit ang kanyang damit, siya'y magpapakalbo at maliligo, sa gayon, ituturing na siyang malinis. Pahihintulutan na siyang makapasok sa kampo ngunit mananatili pang pitong araw sa labas ng kanyang tolda. 9At sa ikapitong araw, aahitin niyang muli ang lahat ng buhok niya sa ulo, ang kanyang balbas at kilay at lahat ng balahibo sa katawan. Lalabhan niya ang kanyang damit at siya'y maliligo; sa gayon, magiging malinis siya.
10“Sa ikawalong araw, magdadala siya ng tatlong tupa na isang taóng gulang at walang kapintasan; dalawa nito'y lalaki. Magdadala rin siya ng isa't kalahating salop ng mainam na harina na may halong langis at 1/3 litrong langis bilang handog na pagkaing butil. 11Dala ang kanyang handog, isasama siya ng pari sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 12Itataas ng pari sa harapan ni Yahweh ang isang lalaking tupa at ang 1/3 litrong langis bilang natatanging handog na pambayad sa kasalanan. 13Papatayin ang tupa doon sa lugar na pinagpapatayan ng mga handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na susunugin sa loob ng lugar na banal. Ang handog na pambayad sa kasalanan, tulad ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan, ay para sa pari at napakabanal. 14Kukuha ang pari ng dugo ng handog na pambayad sa kasalanan at papahiran niya ang lambi ng kanang tainga at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa ng taong nililinis. 15Pagkatapos, kukunin ng pari ang langis at magbubuhos ng kaunti sa kanyang kaliwang palad. 16Isasawsaw niya rito ang isang daliri sa kanyang kanang kamay at pitong beses niyang wiwisikan ang harap ng altar. 17Kukuha pa siya ng kaunting langis sa kanyang palad at kaunting dugo mula sa handog na pambayad sa kasalanan at ipapahid niya ito sa lambi ng tainga at sa hinlalaki ng kamay at paa ng taong nililinis. 18Ang natirang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ulo ng taong nililinis bilang handog kay Yahweh para sa kapatawaran ng kasalanan.
19“Iaalay ng pari ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan at sa pamamagitan nito'y tutubusin ang taong nililinis. Pagkatapos, papatayin niya ang handog na susunugin 20at ihahandog niya ito sa altar kasama ng handog na pagkaing butil. Sa gayon, matutubos ang taong iyon at magiging malinis.
21“Kung dukha ang taong maghahandog, mag-aalay siya ng isang tupang lalaki bilang natatanging handog na pambayad sa kasalanan, kalahating salop ng harinang may halong langis bilang handog na pagkaing butil at 1/3 litrong langis. 22Mag-aalay rin siya ng dalawang batu-bato o kalapati, ayon sa kanyang kaya; ang isa'y handog para sa kasalanan at handog na susunugin naman ang isa. 23Pagdating ng ikawalong araw, dadalhin niya ang kanyang mga handog sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 24Kukunin at itataas ng pari sa harapan ni Yahweh ang tupang lalaki at ang 1/3 litrong langis bilang handog na pambayad sa kasalanan. 25Ang tupa'y papatayin ng pari, kukuha siya ng dugo nito at ipapahid sa lambi ng kanang tainga at hinlalaki ng kanang kamay at paa ng maghahandog. 26Magbubuhos ang pari ng kaunting langis sa kaliwang palad niya, 27isasawsaw ang isang daliri sa kanyang kanang kamay at pitong beses niyang wiwisikan ang harap ng altar. 28Papahiran din niya ng kaunting langis ang lambi ng kanang tainga at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa ng taong gumaling sa sakit, doon sa mismong bahaging pinahiran ng dugong galing sa handog na pambayad sa kasalanan. 29Ang natirang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ulo ng taong iyon bilang pantubos sa kanya sa harapan ni Yahweh. 30Ihahandog din niya ang dalawang batu-bato o kalapati na kanyang nakayanan; 31ang isa nito'y para sa kasalanan at ang isa naman ay para sa handog na susunugin kasama ang handog na pagkaing butil. Ito ang gagawin ng pari upang linisin ang nagkasakit. 32Ganito ang tuntunin na dapat sundin para sa taong may sakit sa balat na parang ketong at hindi kayang maghandog ng ukol dito.”
Ang Paglilinis ng Amag na Kumakalat sa Bahay
33Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron: 34“Pagdating ninyo sa Canaan, sa lupaing ibibigay ko sa inyo, at magkaroon ng amag#34 amag: Sa wikang Hebreo, ang katumbas na salita ay tumutukoy sa maraming uri ng sakit sa balat na parang ketong. na kumakalat ang bahay na tinitirhan ninyo, 35kailangang ipagbigay-alam agad ito sa pari. 36Ipapaalis ng pari ang lahat ng kasangkapan doon bago siya magsiyasat; kung hindi, ituturing ding marumi ang mga bagay na naroon. Pagkatapos, papasok na siya upang magsiyasat. 37Kung makita niyang may mga palatandaang bahid sa mga dingding, maging ang kulay ay berde o pula, 38lalabas agad siya at pitong araw niyang ipasasara ang bahay na iyon. 39Babalik siya sa ikapitong araw at kung ang bahid ay humawa sa dingding ng bahay, 40ipapabakbak niya ang mga batong may bahid at ipapatapon sa labas ng bayan, sa tambakan ng dumi. 41Ipapabakbak din ang palitada ng loob ng bahay at itatapon sa tambakan ng basura ang lahat ng duming makukuha. 42Ang mga batong binakbak sa loob ng bahay ay papalitan ng bago at papalitadahan nang panibago ang loob ng bahay.
43“Kung ang amag ay lumitaw na muli sa bahay matapos gawin ang lahat ng ito, 44magsisiyasat muli ang pari. Kung ang amag ay kumalat, ipahahayag na niyang marumi ang bahay na iyon. 45Ipasisira na niya ito nang lubusan at ipatatambak sa labas ng bayan sa tapunan ng basura. 46Ang sinumang pumasok sa tahanang iyon habang nakasara ay ituturing na marumi hanggang gabi. 47Ang sinumang kumain o matulog doon ay dapat magbihis at maglaba ng damit na kanyang sinuot.
48“Kung makita ng pari na hindi naman kumakalat ang amag pagkatapos palitadahang muli ang bahay, ipahahayag niyang ito'y malinis na. 49Upang lubos itong luminis, kukuha ang pari ng dalawang ibon, kapirasong kahoy na sedar, pulang lana at hisopo. 50Papatayin niya ang isa sa mga ibon at ang dugo nito'y patutuluin sa isang bangang may tubig na galing sa bukal. 51Ang kapirasong sedar, ang pulang lana, ang hisopo at ang buháy na ibon ay itutubog niya sa banga. Pagkatapos, wiwisikan niya ng pitong beses ang bahay. 52Sa gayon, magiging malinis na ito. 53Pakakawalan naman niya sa kaparangan ang buháy na ibon. Sa gayon, matutubos ang bahay at muling ituturing na malinis.”
54Ito ang mga tuntunin tungkol sa sakit sa balat na parang ketong at pangangati: 55sa amag sa damit o sa bahay, at 56sa namamaga o anumang tumutubong sugat. 57Ito ang mga tuntunin upang malaman kung ang isang tao o bagay ay malinis o marumi.

Kasalukuyang Napili:

Levitico 14: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya