Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ezekiel 27

27
Ang Panaghoy Para sa Tiro
1Sinabi sa akin ni Yahweh, 2“Ezekiel, anak ng tao, awitan mo ng panaghoy ang Tiro. Sabihin mo sa kanya: 3Lunsod ng Tiro, lunsod na nasa bunganga ng dagat, at nakikipagkalakalan sa mga bansa sa malalayong dako. Ito ang ipinapasabi sa iyo ni Yahweh:
‘Tiro, ipinagmamalaki mo ang iyong kagandahan at sinasabing wala kang kapintasan.’
4Ang tahanan mo ay ang karagatan.
Ikaw ay ginawang tila isang magandang sasakyang-dagat.
5Mga piling kahoy buhat sa Bundok Hermon ang tablang ginamit,
at ang palo ay kahoy buhat sa Lebanon.
6Ang mga sagwan mo ay ensina buhat pa sa Bashan.
Mga tablang sedar buhat pa sa Cyprus
ang matibay mong kubyerta at may disenyo pang garing.
7Hinabing lino buhat sa Egipto ang iyong layag
at siya mo ring bandila;
telang kulay ube na yari sa Cyprus ang bubong mo.
8Mga taga-Sidon at Arvad ang iyong tagasagwan,
ang mga tripulante'y mga dalubhasa mong tauhan.
9Ang mga karpintero mo'y sinanay pa sa Biblos.
Ang nakipagkalakalan sa iyo ay mga tripulante ng iba't ibang barko.
10“Mga taga-Persia, Lydia at Libya ang bumubuo ng iyong hukbo. Mga kalasag at helmet nila'y nakapalamuti sa iyong mga dingding. 11Mga taga-Arvad ang nakapaligid sa iyo, at mga taga-Gamad ang nasa iyong bantayan. Ang kanilang mga kalasag at helmet ang lumulubos sa iyong kagandahan.
12“Ang Tarsis ay nakipagkalakalan sa iyo. Ang kanyang minang pilak, bakal, lata, at tingga ay ipinagpalit niya sa mga pangunahing paninda mo. 13Ang Javan, Tubal at Meshec ay nagdala sa iyo ng mga alipin at kagamitang tanso bilang kapalit ng iyong mga produkto. 14Kabayo at asno naman ang ibiniyahe sa iyo ng Beth-togarma. 15Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Rodes. Maraming lugar sa baybayin ang dinalhan mo ng paninda; garing at pangil naman ng elepante ang kanilang ipinalit. 16Nakipagkalakalan din sa iyo ang Siria; esmeralda, purpurang pinong lino na nabuburdahan nang maganda, batong koral, at pulang rubi ang ipinalit niya sa mga pangunahin mong produkto. 17Trigo naman, olibo, pulot-pukyutan, langis, at balsamo ang ipinalit ng Juda at Israel sa mga kalakal mo. 18Ang Damasco ay nagdadala sa iyo ng inumin na yaring Helbon, puting lana, 19inuming yaring Uzal na siyang pamalit sa kinuha niya sa iyo; mga kagamitang yaring bakal, akasya at kalamo ang iyong inaangkat. 20Magagaspang na lanang panapin naman ang dinala sa iyo ng Dedan. 21Ang Arabia naman at ang mga pangunahin ng Kedar ang pinanggalingan ng kailangan mong kordero, tupang lalaki, at mga kambing. 22Nakipagkalakalan din sa iyo ang Seba at Raama; ang dala nila'y lahat ng uri ng piling pabango, mamahaling bato, at mga ginto. 23Nakipagkalakalan din sa iyo ang Haran, Cane, Eden, Assur, at Kilmad. 24Mamahaling damit na asul at burdado, alpombrang magaganda at iba't ibang kulay at natataliang mabuti ng kordon. Ang mga ito ang ibinibiyahe nila sa iyo. 25Mga#Pah. 18:11-19. malalaking barko ang pambiyahe mo ng iyong mga produkto.
“Ikaw ay punung-puno ng mabigat na kalakal
sa gitna ng karagatan.
26Dinadala ka ng mga tagasagwan mo sa iba't ibang lugar,
ngunit binayo ka ng hanging mula sa silangan, at nawasak sa gitna ng dagat.
27Ang iyong kayamanan, kalakal,
mga marinero, kapitan,
tagakumpuni, mangangalakal, at mga kawal
ay kasama mong nalubog sa dagat nang ikaw ay mawasak.
28Mga lugar sa baybayin ay nayanig
sa sigaw ng mga tagasagwan mong nalulunod sa gitna ng tubig.
29“Wala nang tao isa man sa mga barko;
nag-alisan na ang mga tripulante.
30Tinangisan ka nila nang buong kapaitan.
Nilagyan nila ng alabok ang kanilang ulo saka gumulong sa bunton ng abo.
31Nag-ahit sila ng ulo.
Pagkatapos, nagbihis ng damit-panluksa
at nanangis nang kapait-paitan.
32Ang panaghoy nila'y hinaluan pa ng panaghoy:
‘Sino ang nawasak sa gitna ng dagat na tulad ng Tiro?’ tanong nila.
33Ang mga kalakal mo
ay pantugon sa pangangailangan ng marami.
Dahil sa yaman mo at paninda
ay bumuti ang buhay ng mga hari.
34Ngayon, ikaw ay wasak na sa gitna ng karagatan.
Lumubog na kasama mo ang iyong mga produkto at mga tauhan.
35Ang lahat sa baybay-dagat, pati nasa katihan,
ay nagtatakang natatakot sa iyong sinapit.
36Katapusan mo na, mawawala ka na nang lubusan.
Lahat ng mangangalakal sa daigdig ay takot na takot at baka matulad sila sa iyong sinapit.”

Kasalukuyang Napili:

Ezekiel 27: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya