Zacarias 6
6
Pangitain tungkol sa Apat na Karwahe
1May nakita pa akong apat na karwahe na lumabas sa pagitan ng dalawang bundok na tanso. 2Ang unang karwahe ay hinihila ng mga pulang kabayo, ang pangalawa ay hinihila ng mga itim na kabayo, 3ang pangatlo ay hinihila ng mga puting kabayo, at ang pang-apat ay hinihila ng mga batik-batik na kabayo. Ang mga kabayo ay pawang malalakas. 4Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ano po ang ibig sabihin ng mga karwaheng iyan?”
5Sumagot ang anghel, “Ang mga iyan ay ang apat na hangin sa kalawakan#6:5 hangin sa kalawakan: O espiritu sa langit. na paparating mula sa presensya ng Panginoon ng buong mundo. 6Ang karwaheng hinihila ng mga itim na kabayo ay papunta sa isang lugar sa hilaga. Ang karwaheng hinihila ng mga puting kabayo ay papunta sa kanluran.#6:6 papunta sa kanluran: Sa Hebreo, sumusunod sa kanila. At ang karwaheng hinihila ng mga batik-batik na kabayo ay papunta sa isang lugar sa timog.”
7Nang papalabas pa lang ang malalakas na kabayo, nagmamadali na silang lumibot sa buong mundo. Sinabi ng anghel#6:7 anghel: O Panginoon. sa kanila, “Sige, libutin na ninyo ang buong mundo.” Kaya nilibot nila ang buong mundo.
8At malakas na sinabi ng Panginoon#6:8 Panginoon: O anghel. sa akin, “Tingnan mo ang mga kabayong patungo sa isang lugar sa hilaga. Sila ang magbibigay ng kapahingahan sa aking Espiritu sa dakong iyon sa hilaga.”
Ang Korona para kay Josue
9Sinabi ng Panginoon sa akin, 10“Kunin mo ang regalong pilak at ginto na dala nina Heldai, Tobias, at Jedaias, mga bihag na nagsibalik mula sa Babilonia. Pagkatapos, pumunta ka agad sa bahay ni Josias na anak ni Zefanias. 11Dalhin mo ang pilak at ginto at ipagawa mong korona, at isuot mo ito sa ulo ng punong pari na si Josue na anak ni Josadac. 12Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoon ng mga Hukbo, ay nagsasabi, ‘Ang taong tinatawag na Sanga ay lalago sa kalagayan niya ngayon,#6:12 lalago … ngayon: Sa literal, tutubo sa kanyang pinagtaniman. 13at itatayo niyang muli ang Templo ng Panginoon. Pararangalan siya bilang hari at mamamahala siya. May paring tatayo sa tabi ng kanyang trono#6:12‑13 tatayo … trono: O uupo sa kanyang trono., at magkakaroon sila ng mabuting relasyon.’ 14Ang korona ay ilalagay sa templo ng Panginoon bilang alaala kina Heldai,#6:14 Heldai: Ito ang nasa Syriac. Sa Hebreo, Helem. Tobias, Jedaias, at Josias#6:14 Josias: Ito ang nasa Syriac. Sa Hebreo, Hen. na anak ni Zefanias.”
15May mga taong darating sa Israel mula sa malalayong lugar at tutulong sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon. Kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoong Makapangyarihan ang nagsugo sa akin sa inyo. At talagang mangyayari ang lahat ng ito kung susundin ninyong mabuti ang Panginoon na inyong Diyos.
Kasalukuyang Napili:
Zacarias 6: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.