Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ruth 2:1-13

Ruth 2:1-13 ASD

Isang araw, sinabi ng Moabitang si Ruth kay Naomi, “Gusto ko po sanang pumunta sa bukid at mamulot ng mga nalaglag na uhay mula sa mga tagapag-ani sa bukid na magpapahintulot sa akin.” Sumagot si Naomi, “O sige, anak.” Kaya umalis si Ruth at namulot ng mga nalaglag na uhay mula sa mga tagapag-ani. Nagkataon na doon siya namulot sa bukid ni Boaz na kamag-anak ni Elimelec. Si Boaz ay mayaman at makapangyarihan. Habang nandoon si Ruth ay dumating si Boaz mula sa Bethlehem at binati ang mga tagapag-ani, “Sumainyo nawa ang PANGINOON!” Sumagot ang mga tagapag-ani, “Pagpalain nawa kayo ng PANGINOON!” Tinanong ni Boaz ang kanyang katiwala na nangangasiwa sa mga tagapag-ani, “Sino ang dalagang iyan?” Sumagot ang katiwala, “Isa po siyang Moabita na sumáma kay Naomi na bumalik mula sa Moab. Nakiusap siya sa akin na payagan ko siyang mamulot ng mga uhay na nalalaglag mula sa mga tagapag-ani. Mula kaninang umagaʼy tuloy-tuloy ang pagtatrabaho niya hanggang ngayon. Nagpahinga lang siya nang sandali sa kubol.” Sinabi ni Boaz kay Ruth, “Anak, makinig ka. Huwag ka nang pumunta sa ibang bukid para mamulot ng mga nalaglag. Dito ka na lang mamulot kasama ng mga utusan kong babae. Tingnan mo kung saan nag-aani ang mga tauhan ko at sumunod ka sa mga utusan kong babae. Sinabihan ko na ang mga tauhan ko na huwag kang galawin. At kapag nauhaw ka, uminom ka lang sa mga tapayan na inigiban ng mga tauhan ko.” Nagpatirapa si Ruth sa harapan ni Boaz at sinabi, “Bakit napakabuti nʼyo po sa akin gayong dayuhan lang ako?” Sumagot si Boaz, “May nagkuwento sa akin ng lahat ng ginawa mo para sa biyenan mong babae mula pa noong nabiyuda ka. Iniwan mo raw ang mga magulang mo at ang bayang sinilangan mo para manirahang kasama ng mga taong hindi mo kilala. Pagpalain ka nawa ng PANGINOON dahil sa iyong ginawa. Malaking gantimpala nawa ang matanggap mo mula sa PANGINOON, ang Diyos ng Israel, na siyang pinagkanlungan mo.” Sinabi ni Ruth, “Napakabuti po ninyo sa akin. Pinalakas ninyo ang loob ko at sinabihan ng mabuti kahit hindi ako isa sa mga utusan ninyo.”