Mga Taga-Roma 7:13-25
Mga Taga-Roma 7:13-25 ASD
Nangangahulugan bang mabuting bagay pa ang siyang nagdulot sa akin ng kamatayan? Aba, hindi! Ang kasalanan ang siyang nagdulot nito. Ginamit ng kasalanan ang Kautusan, na isang mabuting bagay, upang akoʼy mahatulan ng kamatayan. At dahil dito, nalaman ko kung gaano talaga kasama ang kasalanan. Alam nating ang Kautusan ay espirituwal; ngunit akoʼy tao lamang, at alipin ng kasalanan. Hindi ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabubuting bagay na gusto kong gawin, sa halip, ang kinasusuklaman ko ang siya kong ginagawa. At kung ayaw ko ang mga ginagawa kong masama, ibig sabihin nitoʼy sumasang-ayon ako na tama nga ang sinasabi ng Kautusan. Kaya hindi talaga ako ang gumagawa ng masama, kundi ang kasalanang likas sa akin. Alam kong walang mabuti sa akin; ang tinutukoy ko ay ang makasalanan kong pagkatao, dahil kahit gusto kong gumawa ng mabuti, hindi ko ito magawa. Dahil dito, ang mabubuting bagay na gusto kong gawin ay hindi ko magawa, pero ang mga bagay na kinasusuklaman kong gawin ang siya kong ginagawa. Kung ginagawa ko man ang ayaw kong gawin, hindi na ako ang talagang gumagawa nito kundi ang kasalanang likas sa akin. Kaya naiintindihan ko na ang prinsipyong ito: Kapag gusto kong gumawa ng mabuti, hinahadlangan ako ng kasamaang likas sa akin. Sa kaibuturan ng aking puso, nalulugod ako sa Kautusan ng Diyos, pero may napapansin akong ibang kapangyarihan na kumikilos sa aking pagkatao, na sumasalungat sa pagsunod ko sa Kautusan na alam ko. Dahil dito, naging alipin ako ng kapangyarihan ng kasalanang likas sa aking pagkatao. Kawawa naman ako! Sino ang magliligtas sa akin sa makasalanan kong pagkatao na nagdudulot sa akin ng kamatayan? Salamat sa Diyos, na nagliligtas sa akin sa pamamagitan ni Hesu-Kristo na ating Panginoon! Ito ang aking kalagayan: Ang kaisipan ko ay nagpapasakop sa Kautusan ng Diyos, ngunit ang aking makasalanang pagkatao ay nagpapasakop sa kapangyarihan ng kasalanan.

