Mga Taga-Roma 6:12-23
Mga Taga-Roma 6:12-23 ASD
Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang namamatay, upang hindi na ninyo sundin ang masasamang hilig nito. Huwag na ninyong gamitin ang alinmang bahagi ng inyong katawan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, ialay ninyo ang inyong sarili sa Diyos bilang mga taong binigyan ng buhay. Ilaan ninyo sa Diyos ang inyong katawan sa pamamagitan ng paggawa ng nararapat sa kanyang harapan. Sapagkat hindi na dapat maghari pa sa inyo ang kasalanan, dahil wala na kayo sa ilalim ng Kautusan kundi nasa ilalim na ng biyaya ng Diyos. Ngayon, dahil wala na tayo sa ilalim ng Kautusan kundi nasa biyaya na ng Diyos, nangangahulugan bang magpapatuloy pa rin tayo sa paggawa ng kasalanan? Siyempre hindi! Hindi ba ninyo alam na alipin tayo ng anumang sinusunod natin? Kaya kung sinusunod natin ang kasalanan, alipin tayo ng kasalanan at ang dulot nitoʼy kamatayan. Ngunit kung sumusunod tayo sa Diyos, mga alipin tayo ng Diyos at ang dulot nitoʼy pagiging matuwid. Noong una, alipin kayo ng kasalanan. Ngunit salamat sa Diyos dahil ngayon, buong puso ninyong sinusunod ang mga aral na itinuro sa inyo. Pinalaya na kayo sa kasalanan at ngayoʼy mga alipin na kayo ng katuwiran. Ginagamit kong halimbawa ang tungkol sa mga alipin upang madali ninyong maunawaan ang ibig kong sabihin. Noong unaʼy nagpaalipin kayo sa karumihan at kasamaan, at naging masama nga kayo. Ngayon namaʼy magpaalipin kayo sa kabutihan upang maging banal kayo. Noong alipin pa kayo ng kasalanan, wala kayong pakialam sa matuwid na pamumuhay. Ano nga ba ang napala ninyo sa dati ninyong gawain na ikinakahiya nʼyo na ngayon? Ang dulot ng mga iyon ay kamatayan. Ngunit pinalaya na kayo sa kasalanan at alipin na kayo ng Diyos. At ang dulot nitoʼy kabanalan at buhay na walang hanggan. Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon.



