Mga Taga-Roma 15
15
1Tayong malalakas sa pananampalataya ay dapat tumulong sa mga kapatid nating mahihina. Hindi lang ang sarili nating kapakanan ang dapat nating isipin, 2kundi ang kapakanan din ng iba, upang mapalakas ang kanilang pananampalataya. 3Maging si Kristo ay hindi hinangad ang sariling kapakanan, kundi ayon sa Kasulatan, “Nasaktan din ako sa mga panlalait na ginawa sa inyo.”#15:3 Salmo 69:9. 4Ang lahat ng nakasulat sa Kasulatan noong unang panahon ay isinulat upang turuan tayo. At sa pamamagitan ng Kasulatan, tayoʼy magiging matatag at malakas ang loob, at magkakaroon ng pag-asa.
5Nawa ang Diyos na nagpapalakas at nagbibigay sa atin ng pag-asa ay tulungan kayong mamuhay nang may pagkakaisa bilang mga alagad ni Kristo Hesus. 6Sa ganoon, sama-sama kayong magpupuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesu-Kristo.
7Kaya tanggapin ninyo ang isaʼt isa gaya nang pagtanggap ni Kristo sa inyo upang mapapurihan ang Diyos. 8Sapagkat sinasabi ko sa inyo na isinugo ng Diyos si Kristo upang maglingkod sa mga Hudyo at ipakita na ang Diyos ay tapat sa pagtupad ng kanyang mga pangako sa kanilang mga ninuno, 9at upang magpuri sa Diyos ang mga Hentil dahil sa kanyang habag. Ayon nga sa Kasulatan:
“Pasasalamatan kita sa harap ng mga Hentil,
at aawit ako ng mga papuri sa iyo.”#15:9 2 Sam. 22:50; Salmo 18:49.
10At sinabi pa sa Kasulatan:
“Kayong mga Hentil,
makigalak kayo sa mga taong sakop ng Diyos.”#15:10 Deu. 32:43.
11At sinabi pa,
“Kayong lahat na mga Hentil, purihin ninyo ang Panginoon.
Kayong lahat, purihin siya.”#15:11 Salmo 117:1.
12Sinabi naman ni Isaias,
“Magmumula sa lahi ni Jesse
ang isang mamumuno sa mga Hentil,
at aasa sila sa kanya.”#15:12 Isa. 11:10. Ito ay hango sa saling Septuagint.
13Nawa ang Diyos na nagbibigay sa atin ng pag-asa ang siya ring magbigay sa inyo ng buong kagalakan at kapayapaan dahil sa inyong pananampalataya sa kanya, upang patuloy na lumago ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
Ang Dahilan ng Pagsulat ni Pablo
14Mga kapatid, lubos akong naniniwala na puno kayo ng kabutihan, may sapat na kaalaman, at marunong magpaalala sa isaʼt isa. 15Ganoon pa man, sumulat pa rin ako nang walang pag-aalinlangan tungkol sa mga bagay na dapat ipaalala sa inyo, dahil ipinagkaloob ng Diyos sa akin 16na maging lingkod ni Kristo Hesus para sa mga Hentil. Naglilingkod ako sa kanila tulad ng isang pari at ipinapangaral ko ang Magandang Balita ng Diyos upang silaʼy maging handog na katanggap-tanggap sa kanya, na itinalaga sa kanya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
17At dahil akoʼy nakay Kristo Hesus, maipagmamalaki ko ang aking mga nagawa para sa Diyos. 18Hindi ako mangangahas na magmalaki tungkol sa anumang bagay, maliban sa kung ano ang ginawa ni Kristo sa pamamagitan ko. Nahikayat ko ang mga Hentil na sumunod sa Diyos sa pamamagitan ng aking mga aral at gawa. 19Binigyan niya ako ng kapangyarihang gumawa ng mga tanda at kababalaghan. At ang lahat nang itoʼy sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos. Kaya naipangaral ko ang Magandang Balita tungkol kay Kristo mula sa Jerusalem hanggang Ilirico.
20Ang tanging nais koʼy maipangaral ang Magandang Balita sa mga lugar na hindi pa naipapangaral si Kristo upang hindi ako makapangaral sa lugar na may gawaing sinimulan na ng iba. 21Sinasabi sa Kasulatan:
“Ang mga hindi pa nasasabihan
tungkol sa kanya ay makakakita.
At ang mga hindi pa nakakarinig
ay makakaunawa.”#15:21 Isa. 52:15. Ito ay hango sa saling Septuagint.
22Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa ako nakakarating diyan sa inyo.
Ang Plano ni Pablo na Pagpunta sa Roma
23Ngunit ngayong natapos ko na ang mga gawain ko rito, at dahil matagal ko nang gustong pumunta riyan, 24inaasahan kong magkikita-kita na tayo ngayon. Dadaan ako riyan sa pagpunta ko sa España. At alam kong magiging masaya ako sa ating pagkikita kahit saglit lang. Inaasahan ko rin na matutulungan ninyo ako sa pagpunta ko sa España mula riyan.
25Ngunit sa ngayon, kailangan ko munang pumunta sa Jerusalem para ihatid ang tulong sa mga hinirang ng Diyos. 26Sapagkat minabuti ng mga kapatid sa Macedonia at Acaya na magbigay ng tulong para sa mga mahihirap na hinirang ng Diyos doon sa Jerusalem. 27Masaya nilang ginagawa ito, at ito ang nararapat, dahil may utang na loob sila sa mga kapatid sa Jerusalem. Kung ang mga Hentil ay nakabahagi sa pagpapalang espirituwal ng mga Hudyo, dapat lang na tulungan nila ang mga Hudyo sa mga pagpapalang materyal. 28Pagkatapos kong maihatid ang nakolektang tulong sa mga kapatid sa Jerusalem, dadaan ako riyan sa inyo bago ako pumunta sa España. 29Naniniwala ako na pagdating ko riyan, dala ko ang maraming pagpapala para sa inyo mula kay Kristo.
30Kaya nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, alang-alang sa Panginoong Hesu-Kristo at sa pag-ibig na bigay ng Espiritu, tulungan ninyo ako sa pamamagitan ng inyong taimtim na panalangin sa Diyos para sa akin. 31Ipanalangin ninyo na maligtas ako sa mga di-mananampalataya sa Judea, at malugod na tanggapin ng mga hinirang ng Diyos sa Jerusalem ang dala kong tulong para sa kanila. 32Sa ganoon, masaya akong darating diyan sa inyo kung loloobin ng Diyos, at makakapagpahinga sa piling ninyo.
33Patnubayan nawa kayo ng Diyos na nagbibigay ng kapayapaan. Amen.
Kasalukuyang Napili:
Mga Taga-Roma 15: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.