Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Pahayag 13

13
Ang Halimaw mula sa Dagat
1Pagkatapos, may nakita akong halimaw na umaahon sa dagat. Pito ang ulo nito at sampu ang sungay. Bawat sungay nito ay may korona, at sa bawat ulo naman ay may nakasulat na pangalang lumalapastangan sa Diyos. 2Ang halimaw ay parang leopardo, at may mga paang katulad ng sa oso. Ang bibig niya ay parang bibig ng leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang kapangyarihan at trono upang maging malawak ang kapangyarihan nito. 3Nakita kong ang isa sa mga ulo ng halimaw ay nasugatan nang lubha, ngunit gumaling na ang nakamamatay na sugat nito. Kaya humanga sa halimaw ang mga tao sa buong mundo at naging alagad sila nito. 4Sinamba nila ang dragon dahil siya ang nagbigay ng kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw, at sinabi, “Wala nang makakatulad sa halimaw! Walang makakalaban sa kanya!”
5Hinayaang magsalita ang halimaw ng kalapastanganan at maghari sa loob ng apatnapuʼt dalawang buwan. 6Nagsalita siya ng kalapastanganan laban sa Diyos; laban sa pangalan ng Diyos, sa kanyang tahanan, at sa lahat ng nakatira sa langit. 7Pinahintulutan ang halimaw na makipaglaban sa mga hinirang ng Diyos at talunin sila. Binigyan din siya ng karapatang maghari sa bawat angkan, lahi, wika at bansa. 8Sasambahin siya ng lahat ng tao sa mundo na ang mga pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay. Bago pa man likhain ang mundo, ang mga pangalan nila ay hindi nakasulat sa aklat na ito na hawak ng Korderong pinatay.
9Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang mga bagay na ito.
10“Ang sinumang itinakdang bihagin ay magiging bihag.
At ang sinumang itinakdang mamatay sa espada
ay mamamatay sa espada.”#13:10 Jer. 15:2.
Kaya ang mga hinirang ng Diyos ay kailangang maging matiisin at matatag sa kanilang pananampalataya.
Ang Halimaw mula sa Lupa
11Pagkatapos, nakita ko ang isa pang halimaw na lumalabas mula sa lupa. Ito ay may dalawang sungay na katulad ng sa tupa, ngunit parang dragon kung magsalita. 12Pinagsilbihan niya ang unang halimaw at ginamit ang lahat ng kapangyarihan nito. Pinipilit niya ang lahat ng tao sa lupa na sumamba sa unang halimaw na gumaling mula sa nakamamatay na sugat nito. 13Gumawa ng mga kamangha-manghang tanda ang pangalawang halimaw tulad ng pagpapaulan ng apoy mula sa langit patungo sa lupa, upang ipakita sa mga tao ang kanyang kapangyarihan. 14At dahil sa mga himalang ipinagawa sa kanya ng unang halimaw, nalinlang niya ang mga tao sa mundo. Inutusan niya ang mga tao na gumawa ng imahen ng unang halimaw na malubhang nasugatan ng espada ngunit nabuhay pa. 15Hinayaan ng Diyos ang pangalawang halimaw na magbigay ng buhay sa imahen ng unang halimaw. Kaya nakapagsalita ang imahen at nakapag-utos na patayin ang lahat ng ayaw sumamba sa kanya. 16Pinilit ng pangalawang halimaw ang lahat ng tao, dakila o hindi, mayaman o mahirap, alipin o malaya, na magpatatak sa kanang kamay o sa noo. 17At ang sinumang ayaw magpatatak ng pangalan o numero ng unang halimaw ay hindi maaaring bumili o magbenta.
18Kailangan dito ang talino upang maunawaan ang kahulugan ng numero ng unang halimaw, dahil sagisag ito ng pangalan ng tao. At ang numero ay 666.

Kasalukuyang Napili:

Pahayag 13: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in