Salmo 92
92
Salmo 92
Awit na inaawit sa Araw ng Pamamahinga.
1Kataas-taasang Diyos na Panginoon namin,
napakasarap magpasalamat
at umawit ng papuri sa inyo.
2Napakasarap ipahayag
ang inyong pag-ibig at katapatan,
araw at gabi,
3habang tumutugtog ng mga instrumentong
may kuwerdas.
4Sapagkat pinasaya nʼyo ako, Panginoon,
sa pamamagitan ng inyong
mga kahanga-hangang gawa.
At dahil dito, akoʼy umaawit sa tuwa.
5O Panginoon, kay dakila ng inyong mga gawa.
Hindi namin kayang unawain.
6Hindi maunawaan ng mga hangal at matitigas ang ulo
7na kahit umunlad ang taong masama
gaya ng damong lumalago,
ang kahahantungan pa din niya
ay walang hanggang kapahamakan.
8Ngunit kayo, Panginoon,
ay dakila sa lahat magpakailanman.
9Tiyak na mapapahamak
ang lahat ng inyong kaaway
at kakalat ang lahat
ng gumagawa ng masama.
10Pinalakas nʼyo ako na
tulad ng lakas ng toro
at binigyan nʼyo rin ako ng kagalakan.#92:10 binigyan nʼyo rin ako ng kagalakan: Sa literal, pinahiran ako ng magandang klase ng langis.
11Nasaksihan ko ang pagkatalo
ng aking mga kaaway,
at narinig ko ang pagdaing ng masasamang kumakalaban sa akin.
12Uunlad ang buhay ng mga matuwid
gaya ng mga palma,
at tatatag na parang puno ng sedro
na tumutubo sa Lebanon.
13Para silang mga punong itinanim sa templo ng Panginoon na ating Diyos,
na tumutubo nang mayabong,
14lumalago at namumunga
kahit matanda na,
berdeng-berde ang mga dahon
at nananatiling matatag.
15Ipinapakita lamang nito na ang Panginoon,
ang aking Batong kanlungan, ay matuwid.
Sa kanyaʼy walang anumang
kalikuan na matatagpuan.
Kasalukuyang Napili:
Salmo 92: ASD
Haylayt
Ibahagi
Paghambingin
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.