Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Salmo 37:1-22

Salmo 37:1-22 ASD

Huwag kang mabahala dahil sa mga gumagawa ng masasama, o mainggit sa mga gumagawa ng mali. Dahil tulad ng damo, silaʼy madaling matutuyo, at tulad ng sariwang halaman, silaʼy malalanta. Magtiwala ka sa PANGINOON at gumawa ng mabuti. Sa gayon ay mananahan ka nang ligtas sa lupaing ito. Sa PANGINOON mo hanapin ang kaligayahan, at ibibigay niya sa iyo ang ninanais mo. Ipagkatiwala mo sa PANGINOON ang lahat ng iyong ginagawa; magtiwala ka sa kanya at tutulungan ka niya. Ihahayag niya nang malinaw na ikaw ay matuwid at makatarungan, kasinliwanag ng sinag ng araw sa katanghaliang tapat. Pumanatag ka sa piling ng PANGINOON, at matiyagang maghintay sa gagawin niya. Huwag mong kaiinggitan ang masasama na gumiginhawa, kahit pa magtagumpay ang masasamang plano nila. Huwag kang magagalit, pigilan mo ang iyong poot. Ni huwag kang mababalisa, dahil ito sa iyo ay makakasama. Ang masama ay ipagtatabuyan, ngunit ang nagtitiwala sa PANGINOON ay mananatili sa lupaing ito. Hindi magtatagal at mawawala ang masasama. At kahit hanapin mo man sila ay hindi mo na makikita. Ngunit ang mga mapagpakumbaba ay patuloy na mananahan sa lupain ng Israel nang mapayapa at masagana. Ang mga masama ay nagpaplano ng hindi mabuti laban sa mga matuwid, at galit na galit sila. Ngunit tinatawanan lamang ng Panginoon ang mga masama, dahil alam niyang malapit na ang oras ng paghahatol. Binunot na ng masasama ang kanilang mga espada, at nakaumang na ang kanilang mga pana upang patayin ang mga dukha na namumuhay nang matuwid. Ngunit sila rin ang masasaksak ng kanilang sariling espada at mababali ang kanilang mga pana. Ang kaunting tinatangkilik ng matuwid ay mas mabuti kaysa sa kayamanan ng masama. Dahil tutulungan ng PANGINOON ang matuwid, ngunit mawawalan ng kakayahan ang taong masama. Araw-araw, inaalagaan ng PANGINOON ang mga taong matuwid. At tatanggap sila ng gantimpalang pangwalang hanggan. Sa panahon ng kahirapan hindi sila malalagay sa kahihiyan. Kahit na taggutom, magkakaroon pa rin sila ng kasaganaan. Ngunit ang mga taong masama ay mamamatay. Ang mga kaaway ng PANGINOON ay tulad ng bulaklak sa parang, Silaʼy maglalaho na gaya ng usok. Ang taong masama ay nangungutang pero hindi nagbabayad, ngunit ang taong matuwid ay naaawa at nagbibigay ng sagana. Ang mga pinagpapala ng PANGINOON ay patuloy na mananahan sa lupain ng Israel. Ngunit silang mga isinumpa niya ay palalayasin.