Salmo 22:1-11
Salmo 22:1-11 ASD
Diyos ko, Diyos ko, bakit nʼyo ako pinabayaan? Bakit kay layo nʼyo sa akin? Dumadaing ako sa hirap, ngunit hindi nʼyo pa rin ako tinutulungan. Diyos ko, araw-gabiʼy tumatawag ako sa inyo, ngunit hindi nʼyo ako sinasagot, kaya wala akong kapahingahan. Ngunit banal ka, at nakaluklok ka sa iyong trono, at pinupuri ng mga Israelita. Ang aming mga ninuno ay sa inyo nagtiwala, at silaʼy inyong iniligtas. Tinulungan nʼyo sila nang sila ay tumawag sa inyo. Sila ay nagtiwala at hindi nabigo. Akoʼy hinahamak at hinihiya ng mga tao. Sinasabi nila na para akong higad at hindi tao. Bawat makakita sa akin ay nangungutya, nang-aasar, at iiling-iling na nagsasabi, “Hindi baʼt nagtitiwala ka sa PANGINOON, bakit hindi ka niya iniligtas? Hindi baʼt nalulugod siya sa iyo, bakit hindi ka niya tinulungan?” Ngunit kayo ang naglabas sa akin sa sinapupunan ng aking ina, at tinuruan nʼyo akong magtiwala sa inyo kahit noong akoʼy sanggol pa lamang. Mula sa aking pagsilang, akoʼy nakadepende na sa inyo, mula si sinapupunan, ikaw ang aking Diyos. Huwag po kayong maging malayo sa akin, dahil ang kaguluhan ay malapit nang dumating, at walang ibang makakatulong sa akin.


