Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Kawikaan 30

30
Ang mga Kawikaan ni Agur
1Ito ang mga kawikaan at pahayag ni Agur na anak ni Jakeh.
Sinabi niya:
Panginoon, ako po ay pagod.
Pagod na pagod na po ako
at hinang-hina na.#30:1 Pagod na … hinang-hina na: O Sinabi niya ito kay Itiel, kay Itiel at Ucal.
2Ako ang pinakamangmang
sa lahat ng tao.
Ang isip koʼy
parang hindi sa tao.
3Hindi ko natutunan ang karunungan,
at hindi ko nakamtan ang katalinuhan
ng Nag-iisang Banal.
4May tao bang nakaakyat na sa langit
at bumaba sa mundo?
May tao bang nakadakot ng hangin
sa kanyang mga kamay
o kaya ay nakabalot ng tubig
sa kanyang damit?
May tao bang nakapaglagay
ng hangganan sa mundo?
Kung may kilala ka,
sabihin mo sa akin
ang kanyang pangalan
at ang pangalan ng kanyang anak.
5Ang bawat salita ng Diyos
ay tunay na mapagkakatiwalaan.
Siya ay tulad ng panangga
sa mga umaasa ng kanyang pag-iingat.
6Huwag mong dadagdagan
ang kanyang mga salita,
dahil kung gagawin mo ito,
sasawayin ka niya
at ipapakita na ikaw ay sinungaling.”
7 Panginoon, may dalawang bagay
akong hihilingin sa inyo.
Kung maaari ibigay nʼyo ito sa akin
bago ako mamatay.
8Una, ilayo ninyo ako
sa kasinungalingan at kabulaanan.
Pangalawa, huwag ninyo akong
gawing mayaman o mahirap,
sa halip bigyan lamang ninyo ako
ng pagkain na aking kakailanganin.
9Dahil kung yumaman ako,
baka sabihin kong hindi ko na kailangan
ang Panginoon;
at kung ako naman ay maghirap,
baka matuto akong magnakaw
at mailagay ko kayo sa kahihiyan.
Mga Karagdagang Kawikaan
10Huwag mong sisiraan ang katulong
sa harap ng kanyang amo,
baka isumpa ka niya at magdusa ka.
11May mga sumusumpa sa kanilang mga ama
at hindi pinagpapala ang kanilang mga ina.
12May mga malilinis ang turing sa sarili,
subalit hindi sila nalilinis
sa kanilang karumihan.
13May mga taong mapagmataas
na kung tumingin akala mo kung sino.
14May mga tao namang sakim at napakalupit,
pati mahihirap ay kanilang ginigipit.
15“Ang mga taong sakim
ay parang linta.
Ang laging sinasabi ay,
‘Bigyan mo ako!’
“May tatlong bagay na hindi nakokontento,
apat na hindi nagsasabi ng ‘Tama na!’:
16ang libingan,
ang baog na sinapupunan,
ang lupang palaging tigang na sa tubig,
at ang apoy na hindi kailanman
magsasabi ng ‘Tama na!’
17“Ang anak na kumukutya
at sumusuway sa kanyang magulang
ay tutukain ng uwak sa mga mata,
at kakainin ng mga agila
ang bangkay niya.
18“May tatlong bagay na para sa akin ay kamangha-mangha,
apat na hindi ko maunawaan:
19Kung paano nakakalipad ang agila sa kalangitan,
kung paano nakakagapang ang ahas sa batuhan,
kung paano nakapaglalayag ang barko sa karagatan,
at ang pamamaraan ng lalaki sa isang dalaga.
20“Ganito ang ginagawa ng babaeng
nagtataksil sa kanyang asawa:
Sumisiping siya sa ibang lalaki
pagkatapos sasabihin niya,
‘Wala akong ginagawang masama.’
21“May tatlong bagay na sa daigdig ay yumayanig,
apat na bagay na hindi nito matitiis,
22Ang aliping naging hari,
ang mangmang na sagana sa pagkain,
23ang babaeng masungit na nakapag-asawa,
at ang babaeng alipin na pumalit sa kanyang amo.
24“Dito sa lupa ay may apat na nilalang,
na salat sa laki ngunit pambihira
ang katalinuhan:
25Ang mga langgam, kahit hindi kalakasan,
nag-iipon sila ng pagkain kung tag-araw.
26Ang mga badyer, kahit mahihina sila,
nakagagawa sila ng kanilang tirahan
sa mabatong lugar.
27Ang mga balang,
kahit walang hari,
maayos na lumilipad nang sama-sama.
28Ang mga butiki,
kahit madaling hulihin ng kamay,
matatagpuan kahit sa palasyo ng hari.
29“May apat na nilalang na akala mo kung sino
kapag lumakad:
30ang leon (pinakamatapang sa lahat ng hayop at walang kinatatakutan),
31ang tandang,
ang lalaking kambing,
at ang haring nangunguna sa kanyang mga kawal.
32“Kung sa kahangalan moʼy
nagmamayabang ka
at nagbabalak ng masama,
tigilan mo na iyan!
33Hindi ba kapag hinalo nang hinalo
ang malapot na gatas
ay magiging mantikilya?
Hindi ba kapag sinuntok mo
ang ilong ng isang tao
ay magdurugo ito?
Kaya kapag ginalit mo ang tao
tiyak na magkakaroon ng gulo.”

Kasalukuyang Napili:

Kawikaan 30: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in