Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Kawikaan 24

24
Ikadalawampung Kawikaan
1Huwag kang mainggit sa mga taong masama
o hangarin mang makipagkaibigan sa kanila.
2Sapagkat ang iniisip nila at sinasabi
ay para sa kapahamakan ng iba.
Ikadalawampuʼt Isang Kawikaan
3-4Sa pamamagitan ng iyong husay,
maitatayo mo at mapapaunlad
ang iyong tahanan.
Mapupuno rin ito
ng mahahalagang kayamanan.
Ikadalawampuʼt Dalawang Kawikaan
5Ang taong marunong
ay malaki ang maitutulong
upang lalong lumakas
ang mga nakikipaglaban,
6sapagkat kailangan nila
ng mga payo sa pakikipaglaban.
At higit na matitiyak ang tagumpay
kung maraming nagpapayo.
Ikadalawampuʼt Tatlong Kawikaan
7Ang karunungan ay hindi maunawaan
ng mangmang.
Wala siyang masabi
kapag mahahalagang bagay
ang pinag-uusapan.
Ikadalawampuʼt Apat na Kawikaan
8Ang taong laging nagpaplano ng masama
ay kikilalaning may pakana
ng kasamaan.
9Anumang pakana ng hangal ay kasalanan,
at kinasusuklaman ng mga tao
ang sinumang nangungutya.
Ikadalawampuʼt Limang Kawikaan
10Kapag ikaw ay pinanghihinaan ng loob
sa panahon ng kahirapan,
kay liit naman ng iyong lakas!
11Sagipin mo ang mga taong patungo
sa kanilang kamatayan;
iligtas mo silang mga patungo
sa kanilang kapahamakan.
12Kapag sinabi mong,
“Hindi namin alam ʼyan,”
hindi baʼt alam ito ng Diyos
na sumisiyasat sa puso?
Siya ang nagbabantay sa iyong buhay,
hindi ba niya nalalaman ito?
Gagantimpalaan niya ang lahat
ayon sa kanilang mga ginawa.
Ikadalawampuʼt Anim Kawikaan
13Anak, kumain ka ng pulot
sapagkat mabuti ito sa iyo,
ang pulot mula sa pulot-pukyutan
ay matamis sa iyong panlasa.
14Sapagkat kung marunong ka,
mapapabuti ang iyong kinabukasan
at mapapasaiyo ang iyong
mga hinahangad.
Ikadalawampuʼt Pitong Kawikaan
15Huwag kang tumambang
na parang magnanakaw
sa bahay ng matuwid,
huwag mong pagnakawan
ang kanilang tahanan.
16Ang taong matuwid,
mabuwal man ng pitong ulit
ay tiyak na makakabangon ulit.
Hindi tulad ng taong
masama na kapag nabuwal
ay hindi na makakabangon pa.
Ikadalawampuʼt Walong Kawikaan
17Huwag kang magdiwang
kapag bumagsak ang iyong kaaway,
o di kayaʼy magalak
sa kanilang pagkakadapa,
18dahil kapag nakita ng Panginoon
na ikaʼy nasisiyahan,
hindi niya ito magugustuhan,
at ang iyong kaaway ay hindi
na niya parurusahan.
Ikadalawampuʼt Siyam na Kawikaan
19Huwag kang mabalisa
o mainggit sa mga taong masasama,
20sapagkat wala silang mabuting kinabukasan
at magiging tulad sila
ng ilaw na namatay.
Ikatatlumpung Kawikaan
21Anak, matakot ka sa Panginoon
at sa hari.
Huwag kang makisama
sa mga taong sumusuway sa kanila,
22sapagkat hindi mo alam kung anong kapahamakan
ang biglang ibibigay ng Panginoon
o ng hari sa kanila.
Iba pang mga Kawikaan
23Narito pa ang ilang kawikaan ng marurunong na tao:
Hindi dapat magtangi ng tao
sa paghatol ng katarungan.
24Kapag pinalaya mo
ang taong may kasalanan,
susumpain ka
at kamumuhian ng mga tao.
25Ngunit kapag pinarusahan mo
ang may kasalanan,
matutuwa ang mga tao
at pagpapalain ka.
26Ang matapat na sagot
ay tulad ng halik ng pagkakaibigan.
27Ihanda mo muna ang iyong pagkakakitaan,
tulad ng iyong bukid na taniman
bago ka magtatag ng sariling tahanan.
28Huwag kang sasaksi sa iyong kapwa
nang walang sapat na dahilan,
o magsalita laban sa kanya
ng kasinungalingan.
29Huwag mong sasabihin,
“Gaganti ako.
Gagawin ko sa kanya
ang ginawa niya sa akin.”
30Dumaan ako sa bukid
ng isang tamad
doon sa ubasan
ng isang walang muwang.
31Puno na ito ng mga damo
at matitinik na halaman,
at giba na ang mga bakod nito.
32Nang makita ko ito,
napaisip ako nang mabuti,
at natutunan ko ang aral na ito:
33Sa kaunting dagdag na tulog,
sa kaunting pag-idlip,
sa kaunting paghahalukipkip
ng mga kamay para magpahinga,
34darating na parang magnanakaw
ang kahirapan
at ang kakulangan gaya
ng pagsalakay ng tulisan.

Kasalukuyang Napili:

Kawikaan 24: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in