Kawikaan 2:1-22
Kawikaan 2:1-22 ASD
Anak, tanggapin at ingatan mo sa iyong puso ang mga itinuturo at iniuutos ko sa iyo. Pakinggan mo kung ano ang makapagbibigay sa iyo ng karunungan at kaalaman. Manawagan ka upang ikaʼy maging marunong, at magsumamo ka upang ikaʼy makaunawa na parang naghahanap ka ng pilak o anumang nakatagong kayamanan. Kung gagawin mo ito, malalaman mo kung ano ang pagkatakot sa PANGINOON at mauunawaan mo ang tungkol sa kanya. Sapagkat ang PANGINOON ang nagbibigay ng karunungan, kaalaman, at ng pang-unawa. Pinagtatagumpay niya ang taong matuwid, siyaʼy kalasag ng mga walang kapintasan. Sapagkat siya ang nagbabantay sa kanilang daraanan, at ang kanilang landas ay kanyang iingatan. Sa gayoʼy mauunawaan mo kung ano ang tama at mali, kung alin ang makatarungan, at masusunod mo ang daang mabuti para sa iyo. Sapagkat lalong lalawak ang iyong karunungan at magbibigay ito sa iyo ng kaligayahan. Kapag nakakaunawa ka at marunong magpasya nang tama, iingatan ka nito. Ilalayo ka ng karunungan sa masamang pag-uugali at sa mga taong nagsasalita ng masama. Pinili ng mga taong ito na iwanan ang magandang pag-uugali at sumunod sa pamamaraan ng mga nasa kadiliman. Natutuwa sila sa paggawa ng masama at nasisiyahan sa mga kalikuan nito. Masama ang pag-uugali nila at hindi matuwid ang kanilang pamumuhay. Ilalayo ka ng karunungan sa masamang babae na gustong umakit sa iyo sa pamamagitan ng kanyang matatamis na salita. Iniwan ng ganyang babae ang napangasawa niya noong kanyang kabataan. Kinalimutan niya ang pangako niya sa Diyos nang silaʼy ikasal. Kapag pumunta ka sa kanyang tahanan, didiretso ka sa iyong kamatayan, dahil ito ang daan patungo sa libingan. Sapagkat ito ang daan tungo sa daigdig ng mga patay. Kung sino man ang pupunta sa kanya ay hindi na makakauwi; makakalimutan na niya ang daan patungo sa lugar ng mga buháy. Kaya tularan mo ang pamumuhay ng mabubuting tao at mamuhay ka nang matuwid. Sapagkat ang taong namumuhay nang matuwid at walang kapintasan ay mabubuhay nang matagal dito sa daigdig. Ngunit ang masasamâ ay palalayasin. Bubunuting parang ugat ang mga taksil.





