Kawikaan 2:1-10
Kawikaan 2:1-10 ASD
Anak, tanggapin at ingatan mo sa iyong puso ang mga itinuturo at iniuutos ko sa iyo. Pakinggan mo kung ano ang makapagbibigay sa iyo ng karunungan at kaalaman. Manawagan ka upang ikaʼy maging marunong, at magsumamo ka upang ikaʼy makaunawa na parang naghahanap ka ng pilak o anumang nakatagong kayamanan. Kung gagawin mo ito, malalaman mo kung ano ang pagkatakot sa PANGINOON at mauunawaan mo ang tungkol sa kanya. Sapagkat ang PANGINOON ang nagbibigay ng karunungan, kaalaman, at ng pang-unawa. Pinagtatagumpay niya ang taong matuwid, siyaʼy kalasag ng mga walang kapintasan. Sapagkat siya ang nagbabantay sa kanilang daraanan, at ang kanilang landas ay kanyang iingatan. Sa gayoʼy mauunawaan mo kung ano ang tama at mali, kung alin ang makatarungan, at masusunod mo ang daang mabuti para sa iyo. Sapagkat lalong lalawak ang iyong karunungan at magbibigay ito sa iyo ng kaligayahan.





