Kawikaan 19:1-25
Kawikaan 19:1-25 ASD
Mas mabuti pa ang mahirap na namumuhay nang matuwid kaysa sa hangal na sinungaling. Maging masigasig ka man ngunit walang nalalaman, wala rin itong kabuluhan. Kapag ikaw naman ay pabigla-bigla madali kang magkakasala. Kamangmangan ng tao ang nagpapahamak sa kanyang sarili, at pagkatapos sa PANGINOON ibinabaling ang sisi. Ang mayaman ay maraming kaibigan, ngunit ang mahirap namaʼy iniiwanan ng kaibigan. Ang saksing sinungaling ay parurusahan, at ang nagsisinungaling ay hindi makakatakas sa kaparusahan. Marami ang lumalapit sa pinunong mabait, at sa mapagbigay ang lahat ay nakikipagkaibigan. Ang mahihirap ay iniiwasan ng mga kamag-anak, at lalo na ng mga kaibigan. Kapag sila ay kailangan, hindi sila matagpuan. Ang taong nagsisikap na magkaroon ng karunungan ay nagmamahal sa sarili, at ang nagpapahalaga sa pang-unawa ay uunlad. Ang hindi tapat na saksi ay parurusahan, at ang sinumang nagsisinungaling ay mapapahamak. Hindi bagay sa taong mangmang ang mamuhay sa karangyaan, at mas lalong hindi bagay sa isang alipin ang mamuno sa mga pinuno. Ang karunungan ng isang tao ay nagbubunga ng kahinahunan; ang pagbabalewala sa kasalanan ng iba ay karangalan niya. Ang galit ng hari ay parang atungal ng leon, ngunit ang kanyang kabutihan ay tulad ng hamog na bumabasa sa mga halaman. Ang anak na hangal ay kapahamakan sa kanyang ama. Ang bungangerang asawa ay tulad ng tulo na walang tigil. Bahay at kayamanan sa magulang ay namamana, ngunit ang PANGINOON lang ang nagbibigay ng maalam na asawa. Kung ikaw ay tamad at tulog lang nang tulog, magugutom ka. Mabubuhay nang matagal ang taong sumusunod sa kautusan, ngunit ang suwail ay hahantong sa kamatayan. Ang tumutulong sa mahirap ay parang nagpapautang sa PANGINOON, dahil ang PANGINOON ang magbabayad sa kabutihang ginawa niya. Ituwid mo ang iyong anak habang may panahon pa. Kung hindi mo siya itutuwid, ikaw na rin ang nagpahamak sa kanya. Hayaan mong maparusahan ang taong magagalitin, dahil kapag tinulungan mo siya nang minsan, paulit-ulit mo lang siyang tutulungan. Dinggin mo at sundin ang mga payo at pagtutuwid sa iyong pag-uugali, at sa bandang huli ay magiging marunong ka. Marami tayong mga pinaplano, ngunit ang kalooban pa rin ng PANGINOON ang masusunod. Ang gusto natin sa isang tao ay matapat. Mas mabuti pang maging mahirap kaysa maging sinungaling. Ang pagkatakot sa PANGINOON ay magdudulot ng mahabang buhay, kasapatan, at kaligtasan sa kapahamakan. May mga taong sobrang batugan na kahit ang kumain ay kinatatamaran. Parusahan mo ang mapanuya upang matutong mag-ingat ang wala sa katinuan. Pagsabihan mo ang may unawa at lalo siyang magiging marunong.


