Nasa tao ang pagpaplano,
ngunit ang PANGINOON ang nagpapasya
kung magaganap ito o hindi.
Ang akala ng taoʼy mabuti
ang kanyang mga ginagawa,
ngunit sinusuri ng Panginoon
ang tunay na hangarin niya.
Ipagkatiwala mo sa PANGINOON
ang mga gagawin mo,
at magtatagumpay ka
sa iyong mga plano.
Ang lahat ay nilikha ng PANGINOON
na mayroong layunin,
kahit na nga ang masasamâ,
itinalaga sila para sa kapahamakan.
Kinasusuklaman ng PANGINOON
ang mayayabang
at tiyak na silaʼy parurusahan.
Kung minamahal natin ang PANGINOON
nang may katapatan,
patatawarin niya
ang ating mga kasalanan.
Kung may takot tayo sa kanya
nang may paggalang,
makakalayo tayo sa kasamaan.
Kapag kinalulugdan ng PANGINOON
ang ating pamumuhay,
kahit na ang ating kaaway
ay gagawin niyang ating kaibigan.
Mas mabuti pa ang kaunting halaga
na kinita sa matuwid na paraan,
kaysa sa malaking halaga na kinita
nang hindi makatarungan.
Ang tao ang nagpaplano,
ngunit nasa PANGINOON
ang kaganapan nito.
Ang haring pinapatnubayan
ng karunungan ng PANGINOON,
ay palaging tama ang paghatol.
Matapat na timbangan
at walang dayang sukatan
ang nais ng PANGINOON sa kalakalan.
Ang tamang bigat
ang kanyang pamantayan.
Sa mga hari ay kasuklam-suklam
ang paggawa ng kasamaan,
dahil magpapatuloy lamang
ang kanilang pamamahala
kung sila ay makatuwiran.
Nalulugod ang mga hari
sa mga taong hindi nagsisinungaling;
minamahal nila ang mga taong
nagsasabi ng katotohanan.
Kapag ang hari ay nagalit
maaaring may masawi,
kaya sinisikap ng taong matalino
na malugod ang hari.
Kapag ang hari ay ngumingiti,
katumbas nito ay buhay.
Kapag ang hari ay nalulugod,
katulad nitoʼy ulan sa tagsibol.
Higit na mabuti ang magkaroon
ng karunungan at pang-unawa,
kaysa sa magkaroon ng pilak at ginto.
Ang daan ng matuwid
ay lumilihis sa kasamaan;
silang maingat sa kanilang landas
ay naililigtas ang kanilang buhay.
Ang kayabangan ay humahantong
sa kapahamakan,
at ang nagmamataas
ay ibabagsak.
Mas mabuti pang magpakumbaba
kasama ng mga mahihirap
kaysa makibahagi sa kayamanang kinamkam
ng mga mayayabang.
Ang taong nakikinig
kapag tinuturuan ay uunlad,
at ang taong nagtitiwala
sa PANGINOON ay mapalad.
Ang marunong ay kinikilalang
may pang-unawa,
at kung siyaʼy magaling magsalita
marami ang matututo sa kanya.
Kapag may karunungan ka,
buhay moʼy bubuti at hahaba;
ngunit kung hangal ka, parurusahan ka
dahil sa iyong kahangalan.
Ang taong maalam ay nag-iingat
sa kanyang mga sinasabi,
kaya natututo ang iba sa kanya.
Ang matatamis na salita
ay parang pulot-pukyutan,
nakakapagpasaya at nakakapagpasigla
ng katawan.
Maaaring iniisip mo
na ikaw ay nasa tamang daan,
ngunit ang dulo pala nito
ay kamatayan.
Ang gutom ng mga manggagawa
ang dahilan ng kanilang pagsisikap,
ito ang nagtutulak
upang silaʼy magtrabaho.
Ang taong masama
ay nag-iisip ng kasamaan,
at ang bawat sabihin niya
ay parang apoy na nakakapaso.
Ang taong nanlilibak ng kapwa
ay nagsisimula ng away,
at ang matalik na magkaibigan
ay kanyang pinaghihiwalay.
Ang taong nabubuhay sa karahasan
ay nanghihikayat ng kanyang kapwa
sa kasamaan.
Mag-ingat sa taong ngingiti-ngiti
at kikindat-kindat
dahil maaaring masama
ang kanyang binabalak.
Ang katandaan ay tanda ng karangalan
na matatanggap ng taong
namumuhay sa katuwiran.
Higit na mabuti ang taong mapagpasensya
kaysa sa taong makapangyarihan.
Higit na mabuti ang taong
nakakapagpigil sa sarili
kaysa sa taong nakakasakop
ng isang lungsod.
Ang mga taoʼy nagpapalabunutan
subalit nasa PANGINOON ang kapasyahan.