Kawikaan 13:1-12
Kawikaan 13:1-12 ASD
Ang matalinong anak ay nakikinig sa pangaral ng kanyang ama, ngunit ang mapangkutyang anak ay hindi nakikinig kapag sinasaway siya. Ang taong nagsasalita ng mabuti ay gagantihan ng mabuting bagay, ngunit ang salita ng taong hindi tapat ay gagantihan ng karahasan. Ang taong maingat sa pagsasalita ay nag-iingat ng kanyang buhay. Ngunit ang taong madaldal, dulot sa sarili ay kapahamakan. Ang puso ng tamad ay puno ng hangarin, na hindi niya makakamtan, ngunit ang inaasam ng masipag ay tiyak na matutugunan. Ang taong matuwid ay namumuhi sa kasinungalingan, ngunit ang taong masama ay gumagawa ng mga bagay na kahiya-hiya. Ang taong walang kapintasan ay iingatan dahil sa kanyang matuwid na pamumuhay, ngunit ang makasalanan ay mapapahamak dahil sa kanyang kasamaan. May mga taong nagkukunwaring mayaman ngunit mahirap naman, at may mga nagkukunwaring mahirap ngunit mayaman naman. Ang taong mayaman ay may pantubos ng kanyang buhay, ngunit ang taong mahirap ay hindi man lang pinagtatangkaan. Ang buhay ng taong matuwid ay parang ilaw na maliwanag, ngunit ang buhay ng masama ay parang ilaw na namatay. Ang kayabangan ay humahantong sa kaguluhan at pagtatalo, ngunit ang nakikinig sa payo ay nagpapahiwatig ng karunungan. Ang kayamanang nakuha sa pandaraya ay madaling nawawala, ngunit ang kayamanang pinaghirapan ay pinagpapala. Ang hangaring naantala ay nakapanghihina, ngunit ang hangaring natupad ay nakapagpapalakas at nakapagpapasigla.


