Kinasusuklaman ng PANGINOON
ang nandaraya sa timbangan,
ngunit ang nagtitimbang ng tama
ay kanyang kinalulugdan.
Ang taong mayabang
ay madaling mapahiya,
ngunit may karunungan
ang taong mapagpakumbaba.
Ang pamumuhay nang may katapatan
ang gagabay sa taong matuwid,
ngunit ang taong mandaraya
ay mapapahamak
dahil hindi tama ang kanyang pamumuhay.
Ang kayamanan ay hindi makakatulong
sa araw ng paghuhukom,
ngunit ang matuwid na pamumuhay
ay magliligtas sa iyo sa kamatayan.
Ang matuwid at walang kapintasang pamumuhay
ay makapagpapagaan ng buhay,
ngunit ang masamang pamumuhay
ay maghahatid ng kapahamakan.
Ang pamumuhay ng taong matuwid
ang magliligtas sa kanya,
ngunit ang hangad ng taong mandaraya
ang magpapahamak sa kanya.
Kapag namatay ang taong masama,
pag-asa niyaʼy mawawala,
at ang kanyang mga inaasahan
ay mawawalan ng kabuluhan.
Inililigtas ng Diyos sa kahirapan ang matuwid,
ngunit ang masamâʼy kanyang pinapabayaan.
Ang salita ng walang diyos
ay nakakasira ng kapwa.
Ngunit ang karunungan ng matuwid
ay nakakaligtas.
Kapag ang matuwid ay pinagpapala,
mga taoʼy sumisigaw sa tuwa.
At kapag ang masama ay napapahamak
ganoon din ang kanilang ginagawa.
Umuunlad ang isang bayan
sa pagpapala ng mga mamamayang matuwid,
subalit nawawasak ito sa pamamagitan
ng salita ng masama.
Ang taong walang pang-unawa
ay kinukutya ang kapwa,
ngunit ang taong may pang-unawa
ay hindi nangungutya.
Ang mga taong madaldal
ay nagsisiwalat ng sikreto,
ngunit ang taong mapagkakatiwalaan
ay nakakapagtago nito.
Kung walang gumagabay,
babagsak ang bansa,
ngunit tiyak ang kaligtasan
kung maraming tagapayo.
Mapanganib ang mangakong managot
sa utang ng iba,
kaya iwasan itong gawin
upang hindi ka magkaproblema.
Ang babaeng maganda ang ugali
ay nag-aani ng karangalan,
ngunit ang taong marahas
ay magaling lang sa pag-angkin
ng kayamanan.
Ang taong tamad ay maghihirap,
ngunit ang taong masipag ay yayaman.
Ang mabuting tao ay gagantimpalaan
ng kanyang kabutihan,
ngunit hahantong sa kapahamakan
ang taong malupit.
Ang masamang tao
ay hindi tatanggap
ng tunay na gantimpala,
ngunit ang gumagawa ng matuwid
ay tatanggap ng tunay na gantimpala.
Ang taong gumagawa ng matuwid
ay patuloy na mabubuhay,
ngunit ang taong gumagawa ng masama
ay mamamatay.
Kasuklam-suklam sa PANGINOON
ang pag-iisip ng masama,
ngunit ang buhay na matuwid
ay kalugod-lugod sa kanya.
Ang taong masama,
tiyak na parurusahan,
ngunit ang matuwid ay makakaligtas.
Ang magandang babaeng
hindi marunong magpasya
ay parang isang gintong singsing
sa nguso ng baboy.
Ang ninanais ng matuwid
ay pawang kabutihan,
ngunit ang ninanais ng masama
ay nagdudulot ng kaguluhan.
Ang mga taong mapagbigay
ay lalong yumayaman,
ngunit ang mga taong sakim
ay hahantong sa kahirapan.
Ang taong mapagbigay
ay magtatagumpay sa buhay;
ang taong tumutulong
ay tiyak na tutulungan.