Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Kawikaan 1:5-33

Kawikaan 1:5-33 ASD

Sa pakikinig nito, ang marunong ay lalong magiging marunong at ang may pinag-aralan ay magiging dalubhasa sa pag-unawa sa kahulugan ng mga kawikaan, mga talinghaga, at mga bugtong ng marurunong. Ang pagkatakot sa PANGINOON ang simula ng karunungan. Ngunit sa hangal, walang halaga ang karunungan at ayaw niyang maturuan. Anak, dinggin mo ang turo at pagtutuwid sa iyong pag-uugali ng iyong mga magulang, dahil itoʼy makapagbibigay sa iyo ng karangalan katulad ng koronang gawa sa bulaklak at makapagpapaganda katulad ng kuwintas. Anak, huwag kang padadala sa panghihikayat ng mga taong makasalanan. Huwag kang sasáma kapag sinabi nilang, “Halika, sumáma ka sa amin! Bilang katuwaan, mag-abang tayo ng papatayin, manambang tayo ng inosente. Kahit nasa kasibulan pa ng kanilang buhay, patayin natin sila upang matulad sila sa mga taong pumunta sa lugar ng mga patay. Makakakuha tayo sa kanila ng mga mamahaling ari-arian, at pupunuin natin ang ating mga bahay ng ating mga nasamsam. Sige na, sumáma ka na sa amin, at paghahatian natin ang ating mga nasamsam.” Anak, huwag kang sumáma sa kanila; iwasan mo sila. Sapagkat mabilis sila sa paggawa ng masama at sa pagpatay ng tao. Walang kabuluhan ang paglalagay ng bitag kung ang ibong iyong huhulihin ay nakatingin. Ngunit ang taong masasama, hindi nila alam na sila rin ang magiging biktima ng ginagawa nila. Ganyan ang mangyayari sa mga taong ang ari-arian ay nakuha sa masamang paraan. Mamamatay sila sa ganoon ding paraan. Ang karunungan ay sumisigaw sa lansangan, sa pamilihan siya ay humihiyaw. Nilalakasan niya ang kanyang boses sa plasa at sa pintuang-bayan at nagsasabing: “Kayong mga walang alam, hanggang kailan kayo mananatiling ganyan? Kayong mga nanunuya, hanggang kailan kayo matutuwa sa inyong panunuya? Kayong mga hangal, hanggang kailan ninyo tatanggihan ang karunungan? Pakinggan ninyo ang pagsaway ko sa inyo. Sasabihin ko sa inyo kung ano ang iniisip ko. Ipapaalam ko sa inyo ang aking sasabihin laban sa inyo, sapagkat hindi ninyo pinansin ang panawagan ko na lumapit kayo sa akin, at binalewala ninyo ang lahat ng aking payo at hindi tinanggap ang aking pagsaway. Dahil ditoʼy pagtatawanan ko kayo kapag napahamak kayo. Kukutyain ko kayo kapag natatakot kayo, kapag dumating ang kinatatakutan ninyo na parang bagyo, kapag dumaan ang kapahamakan sa inyo na parang ipuipo, at kapag sumapit sa inyo ang hinagpis at gulo. “Tatawag kayo sa akin, ngunit hindi ko kayo sasagutin. Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita. Dahil ayaw ninyo na tinuturuan kayo at wala kayong takot sa PANGINOON. Tinanggihan ninyo ang mga payo ko at minasama ang aking pagsaway sa inyo. Kaya aanihin ninyo ang bunga ng inyong mga ginagawa at ng mga binabalak nʼyong masama. Sapagkat ang katigasan ng ulo ng mga taong wala sa katinuan ang papatay sa kanila, at ang pagsasawalang-bahala ng mga hangal ang magpapahamak sa kanila. Ngunit ang taong nakikinig sa akin ay mabubuhay ng matiwasay, ligtas siya sa panganib at walang katatakutan.”