Mga Taga-Filipos 4:6-19
Mga Taga-Filipos 4:6-19 ASD
Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay. Sa halip, ilapit ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong pangangailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. Kapag ginawa ninyo ito, bibigyan kayo ng Diyos ng kapayapaan na siyang mag-iingat sa puso ninyo at pag-iisip dahil kayoʼy nakay Kristo Hesus. At ang kapayapaang ito ay hindi kayang unawain ng tao. Bukod diyan, mga kapatid, palagi ninyong isaisip ang mga bagay na mabuti at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, maganda, at kanais-nais. Ipamuhay ninyo ang lahat ng natutunan ninyo at tinanggap mula sa akin, sa salita at sa gawa, at sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan. Lubos akong nagagalak sa Panginoon dahil muli ninyong ipinakita ang pagmamalasakit ninyo sa akin. Alam kong palagi kayong nagmamalasakit sa akin, kaya lang wala kayong pagkakataong maipakita ito. Hindi ko sinasabi ito dahil nanghihingi ako ng tulong sa inyo. Sapagkat natutunan kong maging kontento anuman ang kalagayan ko. Marunong akong mamuhay sa hirap o sa ginhawa. Natutunan ko na ang lahat ng ito, kaya maging anuman ang kalagayan ko, busog man o gutom, sagana o salat, kontento pa rin ako. Kaya kong harapin ang kahit anong sitwasyon sa pamamagitan ni Kristo na nagpapatatag sa akin. Ganoon pa man, nagpapasalamat ako dahil tinulungan ninyo ako sa kagipitan ko. Alam naman ninyong mga taga-Filipos na noong umalis ako sa Macedonia at nagsisimula pa lang sa pangangaral ng Magandang Balita, walang ibang iglesya na tumulong sa akin sa mga pangangailangan ko kundi kayo lang. Kahit noong nasa Tesalonica ako, ilang ulit din kayong nagpadala ng tulong sa akin. Sinasabi ko ito, hindi dahil gusto kong makatanggap ulit ng tulong mula sa inyo, kundi dahil gusto kong makatanggap kayo ng mga gantimpala dahil sa kagandahang-loob ninyo. Ngayon, dahil sa tulong na ipinadala ninyo sa akin sa pamamagitan ni Epafrodito, natugunan na ang mga pangangailangan ko at sobra pa nga. Ang tulong ninyo ay tulad ng mabangong handog sa Diyos na tinatanggap niya nang may kasiyahan. At dahil kayoʼy nakay Kristo Hesus, ibibigay sa inyo ng aking Diyos ang lahat ng pangangailangan ninyo, mula sa kasaganaan ng kayamanan niya.












