Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Filipos 1:12-26

Mga Taga-Filipos 1:12-26 ASD

Nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang lahat ng nangyari sa akin ay nakatulong pa sa paglaganap ng Magandang Balita. Sapagkat alam na ng lahat ng guwardiya sa palasyo at ng iba pang naririto na nabilanggo ako dahil sa pagsunod ko kay Kristo. Dahil din sa pagkakabilanggo ko, lalo pang tumibay ang pananampalataya ng karamihan sa ating mga kapatid sa Panginoon at lalo rin silang tumapang sa pagpapahayag ng Magandang Balita. Totoong may ilan diyan na nangangaral lang tungkol kay Kristo dahil naiinggit sila sa akin at gusto nilang ipakita na mas magaling sila kaysa sa akin. Ngunit may ilan din namang tapat ang hangarin sa pangangaral. Nangangaral sila dahil sa pagmamahal, at alam nilang dinala ako rito ng Diyos para ipagtanggol ang Magandang Balita. Ang mga taong naiinggit ay hindi tapat sa pangangaral nila tungkol kay Kristo. Ginagawa nila ito dahil sa pansariling hangarin. Inaakala nilang lalo pang madadagdagan ang mga paghihirap ko sa bilangguan dahil sa ginagawa nila. Ngunit walang anuman ang lahat ng iyon sa akin. Tama man o mali ang hangarin nila, ang mahalagaʼy naipapangaral si Kristo, at dahil ditoʼy nagagalak ako. At patuloy akong magagalak, dahil alam ko na makakalaya ako sa kalagayang ito sa pamamagitan ng mga panalangin ninyo at sa tulong ng Espiritu ni Hesu-Kristo. Malaki ang hangarin at pag-asa ko na hindi ako mapapahiya, kundi tulad ng dati, magkakaroon ako ng lakas ng loob upang sa pamamagitan ng buhay o kamatayan ko ay maparangalan si Kristo. Sapagkat para sa akin, ang buhay ko ay para kay Kristo. At kung mamatay man ako, kapakinabangan ito sa akin. Kung patuloy naman akong mabubuhay, makakagawa pa ako ng mabubuting bagay. Kaya hindi ko alam ngayon kung alin ang pipiliin ko. Nahahati ang isip ko sa dalawa: Ang mabuhay o ang mamatay. Gusto ko na sanang pumanaw para makapiling na si Kristo, dahil ito ang mas mabuti. Ngunit kailangan kong patuloy na mabuhay para sa kapakanan ninyo. Dahil dito, natitiyak kong mabubuhay pa ako at makakasama ninyo upang matulungan kayong lumago at maging maligaya sa pananampalataya. At kapag nakabalik na ako sa inyo, lalo pa kayong magkakaroon ng dahilan upang purihin si Kristo Hesus.