Mga Bilang 36
36
Ang Mana ng mga Babaeng Anak ni Zelofehad
1Pumunta kay Moises at sa mga pinuno ng Israel ang pamilya ni Gilead na anak ni Maquir at apo ni Manases, na anak ni Jose, 2at sinabi, “Ginoo, nang nag-utos sa inyo ang Panginoon na hatiin ang lupa bilang mana ng mga Israelita sa pamamagitan ng palabunutan; nag-utos din siya na ibigay ang bahagi ng aming kapatid na si Zelofehad sa mga anak niyang babae. 3Ngunit halimbawang nag-asawa po sila galing sa ibang lahi at dahil ditoʼy napunta ang kanilang lupain sa lahi ng kanilang napangasawa, hindi baʼt mapupunta na ang bahagi ng aming lahi sa iba? 4Pagsapit ng Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, ang kanilang lupa ay mapupunta sa lahi kung saan sila nakapag-asawa, at mawawala na ito sa lahi ng aming mga ninuno.”
5Kaya ayon sa utos ng Panginoon, sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Tama ang sinabi ng angkan ng mga salinlahi ni Jose. 6Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa mga anak na babae ni Zelofehad: Malaya silang makakapag-asawa sa kung sinong kanilang magugustuhan basta manggagaling lang sa lahi nila. 7Ang lupang mamanahin ng bawat lahi ay hindi maaaring mapunta sa ibang lahi dahil kailangang manatili sa bawat lahi ang lupa na kanilang namana sa kanilang mga ninuno. 8Ang lahat ng babaeng nakamana ng lupa sa kahit saang lahi ay kailangang mag-asawa ng mula sa kanilang lahi para hindi mawala sa bawat Israelita ang lupang namana niya sa kanyang mga ninuno. 9Ang lupang namana ng bawat lahi ay hindi maaaring mapunta sa ibang lahi, dahil kailangang manatili sa bawat lahi ng Israel ang lupa na kanilang namana.”
10Kaya sinunod ng mga anak na babae ni Zelofehad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises. 11Ang mga anak na babae ni Zelofehad ay sina Mahlah, Tirza, Hogla, Milca, at Noe. At ang kanilang napangasawa ay ang kanilang mga pinsan sa ama, 12na mga lahi ni Manases na anak ni Jose. Kaya ang lupain na kanilang namana ay nanatili sa sambahayan at angkan ng kanilang ama.
13Ganito ang mga utos at tuntunin na ibinigay ng Panginoon sa mga Israelita sa pamamagitan ni Moises habang naroon sila sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico.
Kasalukuyang Napili:
Mga Bilang 36: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.