Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Bilang 32:1-15

Mga Bilang 32:1-15 ASD

Napakaraming hayop ng mga lahi nina Ruben at Gad. Kaya nang makita nila na masagana ang lupain ng Jazer at Gilead para sa mga hayop nagpunta sila kina Moises at sa paring si Eleazar at sa mga pinuno ng mamamayan ng Israel at sinabi, “Ang mga lugar ng Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Hesbon, Eleale, Sebam, Nebo at Beon na sinakop ng PANGINOON para sa mga Israelita ay mabuting lugar para sa mga hayop at kami na mga alagad ninyo ay napakaraming hayop. Kaya kung nalulugod kayo sa amin, ibigay ninyo ang mga lupaing ito sa amin, bilang bahagi namin at huwag na ninyo kaming dalhin sa kabila ng Ilog ng Jordan.” Sinabi ni Moises sa mga lahi nina Gad at Ruben, “Ano ang ibig ninyong sabihin, magpapaiwan na lang kayo dito habang ang mga kapwa ninyo Israelita ay sasabak sa labanan? Pahihinain lang ninyo ang loob ng mga Israelita na pumunta sa lupaing ibinigay ng PANGINOON sa kanila. Ganito rin ang ginawa noon ng inyong mga ninuno nang ipinadala ko sila mula sa Kades-barnea para tingnan ang lupaing ito. Nang makarating sila sa Lambak ng Eshcol, at nakita nila ang lupain, pinahina nila ang loob ng mga Israelita na pumunta sa lupaing ibinigay ng PANGINOON sa kanila. Matindi ang galit ng PANGINOON nang araw na iyon at sumumpa siya: ‘Dahil sa hindi sila sumunod sa akin nang buong puso nila, wala ni isa man sa kanila na dalawampung taóng gulang pataas na nagmula sa Ehipto, ang makakakita ng lupaing ipinangako ko kay Abraham, Isaac, at Jacob, maliban lang kay Caleb na anak ni Jefune na Kenizeo at kay Josue na anak ni Nun, dahil sumunod sila sa PANGINOON nang buong puso nila.’ Nagalit nang matindi ang PANGINOON sa mga Israelita, kaya pinaikot-ikot niya sila sa ilang sa loob ng apatnapung taon hanggang sa nangamatay ang buong henerasyon na gumawa ng masama sa kanyang paningin. “At ngayon, kayo namang lahi ng mga makasalanan ang pumalit sa inyong mga ninuno at dinagdagan pa ninyo ang galit ng PANGINOON sa mga Israelita. Kung hindi kayo susunod sa PANGINOON, pababayaan niyang muli kayong mga mamamayan dito sa ilang at kayo ang magiging dahilan ng pagkalipol ng mga Israelita.”