Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Nehemias 10

10
1Ang unang pumirma ay si Gobernador Nehemias na anak ni Hacalias, at si Zedequias.
2Ang mga paring pumirma ay sina
Seraias, Azarias, Jeremias, 3Pashur, Amarias, Malquias, 4Hatus, Sebanias, Maluc, 5Harim, Meremot, Obadias, 6Daniel, Gineton, Baruc, 7Mesulam, Abias, Mijamin, 8Maazias, Bilgai, at Semaias.
9Ang mga Levita na pumirma ay sina
Jeshua na anak ni Azanias, Binui na mula sa pamilya ni Henadad, Kadmiel, at ang mga kasama nilang sina 10Sebanias, Hodias, Kelita, Pelaias, Hanan, 11Mica, Rehob, Hasabias, 12Zacur, Serebias, Sebanias, 13Hodias, Bani, at Beninu.
14Ang mga pinuno na pumirma ay sina
Paros, Pahat-moab, Elam, Zatu, Bani, 15Buni, Azgad, Bebai, 16Adonias, Bigvai, Adin, 17Ater, Ezequias, Azur, 18Hodias, Hasum, Bezai, 19Harif, Anatot, Nebai, 20Magpias, Mesulam, Hezir, 21Mesezabel, Sadoc, Jadua, 22Pelatias, Hanan, Anaias, 23Hosea, Hananias, Hasub, 24Halohesh, Pilha, Sobek, 25Rehum, Hasabna, Maaseias, 26Ahias, Hanan, Anan, 27Maluc, Harim, at Baana.
Ang Kasunduan
28“Ang iba pang mamamayan ng Israel, pati na ang mga pari, mga Levita, mga tagapagbantay ng Templo, mga mang-aawit, mga tagapaglingkod sa Templo, at ang lahat ng nakahiwalay sa mga dayuhang nakatira sa lupain namin upang sumunod sa Kautusan ng Diyos, maging ang mga asawa nila at ang mga batang nakakaunawa na 29ay nanumpa kasama ng aming mga pinuno, na aming tutuparin ang Kautusan na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng lingkod niyang si Moises. Nanumpa rin kami na tatanggapin namin ang sumpa ng Diyos kung hindi namin matutupad ang pangakong susundin namin ang lahat ng utos at tuntunin ng Panginoon na aming Diyos.
30“Nangako kami na hindi namin papayagang makapag-asawa ang mga anak namin ng mga dayuhang naninirahan sa aming lupain.
31“Nangako rin kami na hindi kami bibili kung ipagbibili ng mga dayuhan ang trigo nila o kahit anong ipinagbibili sa Araw ng Pamamahinga o sa ibang banal na araw. At tuwing ikapitong taon, hindi kami magtatanim sa aming lupain, at hindi na namin sisingilin ang mga may utang sa amin.
32“Nangako pa kami na tutuparin namin ang utos na magbibigay kami bawat taon ng apat na gramong pilak para sa gawain sa bahay ng aming Diyos. 33Nakalaan ito para sa tinapay na inihahandog sa presensya ng Diyos, sa mga handog na sinusunog at mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na inihahandog araw-araw, sa mga handog para sa Araw ng Pamamahinga, para sa Pista ng Bagong Buwan, at sa iba pang mga pista; maging sa iba pang mga banal na handog tulad ng handog para sa kasalanan na inihahandog upang matubos ang mga mamamayan ng Israel sa kanilang mga kasalanan. Ginagamit din ang pilak na ito sa iba pang mga pangangailangan sa Templo ng aming Diyos.
34“Nagpalabunutan kaming lahat, pati ang mga pari namin at mga Levita, upang malaman kung kailan magdadala ng panggatong ang bawat pamilya bawat taon upang gamitin sa mga handog sa altar ng Panginoon na aming Diyos, ayon sa nasusulat sa Kautusan.
35“Nangako rin kami na dadalhin namin bawat taon sa bahay ng Panginoon ang unang ani ng aming bukirin at ang unang bunga ng aming mga tanim.
36“Dadalhin din namin sa mga pari na naglilingkod sa Templo ng aming Diyos ang aming panganay na anak na lalaki, pati ang unang anak ng aming mga baka, tupa, at kambing, ayon sa nasusulat sa Kautusan.
37“Nangako pa kami na dadalhin namin sa mga pari ang pinakamagandang klase ng aming harina at ang iba pang mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, upang ilagay sa bodega ng Templo ng Diyos. Dadalhin din namin ang pinakamabuti naming mga prutas, at ang bagong alak at langis ng olibo. Dadalhin din namin sa mga Levita ang ikapu ng aming mga ani dahil sila ang nangongolekta ng mga ikapu sa lahat ng bayang may mga sakahan. 38Kapag mangongolekta ng ikapu ang mga Levita, sinasamahan sila ng mga pari mula sa angkan ni Aaron. At ang ikapu ng nakolekta ay dadalhin ng mga Levita sa bodega ng bahay ng aming Diyos. 39Ang mga Israelita, pati na ang mga Levita ay dapat magdala ng mga handog na trigo, bagong alak at langis sa bodega kung saan nakalagay ang mga kagamitan ng santuwaryo at kung saan nakatira ang mga pari na naglilingkod, ang mga tagapagbantay ng bahay ng Diyos, at ang mga mang-aawit.
“Kaya nangako kami na hindi namin pababayaan ang bahay ng aming Diyos.”

Kasalukuyang Napili:

Nehemias 10: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in