Marcos 6:45-56
Marcos 6:45-56 ASD
Pagkatapos nitoʼy pinasakay agad ni Hesus sa bangka ang mga alagad niya at pinauna sa bayan ng Betsaida, sa kabilang ibayo ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao. Matapos siyang magpaalam sa lahat, umakyat siya sa isang bundok upang manalangin. Pagsapit ng gabi, nasa laot na ang bangka at si Hesus ay nag-iisa sa pampang. Nakita niyang hirap sa pagsagwan ang mga alagad niya, dahil salungat sila sa hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Hesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Lalampasan na lang sana niya sila, ngunit nang makita siya ng mga alagad niya na lumalakad sa ibabaw ng tubig, inisip nilang multo siya kayaʼt nagsigawan sila. Takot na takot silang lahat sa nakita nila. Ngunit nagsalita agad si Hesus, “Huwag kayong matakot. Ako ito! Lakasan ninyo ang inyong loob.” Sumakay siya sa bangka at biglang tumigil ang malakas na hangin. Lubos silang namangha, dahil hindi pa rin sila nakakaunawa kahit nakita na nila ang himalang ginawa ni Hesus sa tinapay. Sa halip na makaunawa, matigas ang puso nila. Nang makatawid na sila sa lawa, dumating sila sa Genesaret at doon nila idinaong ang bangka. Pagbaba nila, nakilala agad ng mga tao roon si Hesus, kaya nagmamadaling tumakbo ang mga ito upang ipamalita sa buong lugar. Inilagay sa mga higaan ang mga maysakit at dinala kay Hesus saan man nila mabalitaang naroon siya. Kahit saan siya pumunta – sa nayon, sa bayan, o sa kabukiran – dinadala ng mga tao ang kanilang mga maysakit sa mga lugar na pinagtitipunan ng mga tao. Nagmakaawa sila kay Hesus na payagan niya ang mga maysakit na hawakan kahit ang laylayan lang ng kanyang damit. At ang lahat ng humawak ay gumaling.




